Lubos na ipinagmalaki ng administrasyong Duterte ang pagkakapasa ng Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act na naglalayong magkaroon ng libreng matrikula o free tuition sa state universities and colleges (SUCs) sa bansa.
Magandang pakinggan, pero di nito binago ang batayang mga problema sa Pilipinas sa sektor ng edukasyon. Mas palalalain pa ito ng implementasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Law na tumatagos sa sektor ng edukasyon.
“Sa kabila ng pagkakapasa ng RA 10931, nanatiling komersiyalisado ang edukasyon sa ating bansa… Kahit na mayroon tayong batas para sa libreng edukasyon, limitado ang bilang ng kabataang estudyante ang nakakatamasa nito,” ani Mark Vincent Lim, national convenor ng Rise for Education Alliance.
Maniobra sa ‘libreng edukasyon’
Sasakupin ng RA 10931 sa 112 SUCs, 78 local universities and colleges (LUCs), at lahat ng rehistradong technical-vocational education at training programs.
Pero ayon sa National Union of Students of the Philippines (NUSP), nananatili ang komersalisasyon sa kolehiyo. Sa 2,000 higher education institutions (HEIs) sa Pilipinas, 80 porsiyento ang pribado. Nasa 112 lang ang SUCs at 107 lang ang LUCs. Nasa 55 porsiyento ng mga mag-aaral ang nasa pribadong mga pamantasan. Bunga ito ng pagpapanatili ng gobyerno na maliit ang makakapasok sa SUCs at pagpapahintulot sa pagdami ng pribadong mga pamantasan.
Ngayong pasukan, mahigit 400 pribadong paaralan ang magtataas ng matrikula. Nasa 80 rito ang nasa National Capital Region o NCR.
“Nagbabanta ang panibagong bugso ng pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin. Inaasahan namin ngayong taon na 400 paaralan ang matataas ng anim hanggang 10 porsiyentong sa matrikula,” ani Kenji Muramatsu, deputy secretary-general ng National Union of Students of the Philippines (NUSP).
Nakakaalarma ang pagtaas ng TOSF kasabay kung paano tumataas ang mga presyo ng bilihin sa implementasyon ng Train Law. Mula sa pagbabayad ng matrikula at iba pang bayarin, sa kanilang mga pangangailangan sa eskwelahan gaya ng school supplies, libro, at pagkai, sadyang malaking pabigat sa kanila ang dagdag bayarin sa edukasyon, dagdag pa ni Muramatsu.
Kinuwestiyon din ng kabataan ang “libreng edukasyon” ng administrasyong Duterte. Ayon kay EJ Cabrera, tagapangulo ng Agham Youth, pinakikitid ng implementing rules and regulations (IRR) na inilabas ng CHED ang sinasabing libreng edukasyon. Marami pa ring estudyante ang hindi nakakatamasa ng libreng matrikula. Katunayan may ilang SUCs ang mas mahal pa ang other school fees na hindi sakop ng RA 10931.
Pinuna nila ang iba’t ibang probisyon sa IRR na naglilimita at nagpapasinungaling sa libreng edukasyong ipinagmamalaki ng administrasyong Duterte. Kabilang sa mga ito ang Section 3 ng IRR na hindi pinipigilan ng RA 10931 na magkaroon ng other school fees ang SUCs kung hindi ito maipapangalan na other school fees. Ibig sabihin, hindi pinipigilan ng CHED na maghanda ng mga panibagong “creative other fees” na babayaran ng mga estudyante.
“Karanasan natin, halimbawa, ang developmental fee iniiba lang ang pangalan. Ginagawang building fee or di kaya capital fee,” ayon kay Kabataan Rep. Sarah Elago.
Sa Section 4 naman o sa return of service, maaaring maging “pera-pera” ang kalakaran. Layunin nitong magserbisyo sa bansa ang mabibiyayaan ng libreng matrikula. Maganda sana ang intensiyon. Pero sa karanasan, nagbabayad na lang ang ibang estudyante imbes na sundin ito at kalaunan gawing pagkakitaan ng mga pamantasan.
Sa Section 19 naman o ang student voluntary mechanism, hinahayaan ang mga estudyante na may kapasidad na makapagbayad. Kailangang maging mapagmasid umano dito dahil maaaring magkaroon ng hindi pantay na pagbibigay ng serbisyo sa mga estudyante na kayang magbayad at sa mga kumukuha ng libreng edukasyon.
Sumunod dito ang section 38.2 o ang enrolment capacity. Kailangang bantayan umano ito dahil maaari nilang limitahan na lang ang estudyante dahil sa libre na ang edukasyon. Kailangang bantayan ang implementasyon nito kung paano tatanggap ang SUCs ng kanilang estudyante at maaaring piliin na lang ang mga may kakayahang magbayad.
Ayon sa pag-aaral ng Agham youth, kakailanganin lamang umano ng P97.5- Bilyong pondo para sa libreng edukasyon sa susunod na academic year. Sa nakaraang taon, nakapagbigay sila ng P62.1 Bilyon at kung titignan, kakailanganin na lamang P35.5-B kung ganoon din ang ibibigay nilang pondo.
Pagpapakita ng walang pagbabago
Wala pa rin sa mga ibinida at ipinangako ng K-to-12 program na ipinagpatuloy ng administrasyong Duterte ang nagkatotoo. Kahit ang pangakong magbibigay ito ng trabaho, malabo din.
Ayon sa Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) mahihirapang makapasok sa mga kompanya ang mga magsisipagtapos sa K-to-12 dahil sa ‘hilaw’ pa ang mga ito para sa trabaho.
Partikular na tinutukoy ang kakulangan sa oras ng on-the-job-training ng mga magsisipagtapos sa K-to-12. Sa kabila ito nang paghayag ng PCCI at iba pang grupo ng mga negosyante noong una na susuportahan nila ang mga magsisipagtapos dito.
Hindi ito kataka-taka, dahil sa unang taon nang implementasyon nito, pinuna ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na minadali ang programa ng K-to-12 na maging ang pagsasanay sa mga guro ay minadali at kulang-kulang ang kagamitan sa pagtuturo para sa nasabing programa.
Para naman sa League of Filipino Students (LFS), gusto lamang itago ng gobyerno na walang trabaho sa loob ng bansa kahit anong antas ang natapos ng kabataan at mapipilitan na dumagdag sa malaking bilang ng mamamayan na walang trabaho o naghahanap ng trabaho. Napipilitan ding pumasok sa mga paggawaan na kontraktuwal, mababang pasahod o di kaya’y mangibang bayan.
“Ang hinaing ng kabataan, ang K-to-12 ay walang ginawa kundi pageksperimentuhan sila. Walang ibang ginawa ang K-to-12 kundi mangako nang mangako pero walang ipatutupad na pangako,” ayon kay Kara Taggaoa, tapagsalita ng LFS.
Hindi sasapat kahit ang bilyun-bilyong pisong voucher system mismo ng gobyerno na nagpayaman lang lalo sa pribadong mga paaralan. Dahil ito sa taas din ng gastusin sa pribadong mga pamantasan gaya ng gastusin sa mga libro, uniporme, at iba pang bayarin na di hamak na mas mahal kumapara sa publikong mga paaralan.
Dahil sa implementasyon ng Train Law, inaasahang higit itong papasanin at magpapahirap sa mga mahihirap na mamamayan dahil sa mga dagdag gastusin.
Kinakaharap pa rin ng mga mag-aaral ang taun-taong isinasalubong sa kanilang pagpasok ang iba’t ibang kakulangan at kabulukan sa mga paaralan gaya ng klasrum, upuan, palikuran, libro, guro, at iba pa.
Pagkakaisa, pagbangon
Sa kabila ng mga tagumpay sa pagsasabatas ng libreng matrikula para sa kolehiyo, hindi pa rin natatapos ang paglaban ng kabataan at mga mamamayan sa pagtamasa ng karapatan sa edukasyon ng mga Pilipino.
Sa patuloy na pagharap ng kabataan at mamamayan sa mga balakid sa pagkakamit ng libre at dekalidad na edukasyon kasabay ng dagdag na mga pasakit na dulot ng Train law, nagkakaisa naman ang iba’t ibang sektor.
Sa Hunyo 19, gaganapin ang Rise for Education National Summit sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman upang pag usapan at maglatag ng mga kampanya at laban para sa sektor ng edukasyon.
“Napapanahon na para sa gobyerno na iatras ang mga polisiyang ito na naglalayo sa milyong mga Pilipino sa mga paaralan at punuan ang Konstitusyunal na obligasyon nito na siguruhin na ang kalidad na edukasyon ay natatamasa sa lahat ng antas,” ayon kay Lim.