Site icon PinoyAbrod.net

Elementaryang paalala mula kay Bob

I. Bulaang propeta

Ang katotohanan ay matatagpuan sa mga detalye. Marahil isa ito sa mga sanggunian kong palagi sa paghahanap sa minsang mailap, masalimuot at pabago-bagong “katotohanan.”

Ang popular na kultura’y karaniwang ipinipaliwanag na isang kulturang sumasabay sa agos, o yung “go with the flow” na aktitud, mula sa mga pinakasimpleng bagay tulad ng pananamit, hanggang sa mga kumplikadong bagay tulad ng pagtinigin ng isang tao ukol sa kahirapan at sa kayamanan. Sinasaklaw nito ang malaking bahagi ng populasyon, kaalinsabay ang mababaw na pagintindi sa pinagmulan ng sinusundan o iniidolong gawi at kaisipan.

Kamakailan lang ay nabasa ko sa isang artikulo tungkol sa pagka-dismaya ng mga netizens sa prenup photo session ng host na sina Billy Crawford at aktres na si Coleen Garcia sa Addis Ababa, bansang Ethiopia. Dinumog ng magkahalong maganda at pangit na komento ang kanilang photo shoot. Ang iba ay pumabor sa magkasintahan at sinabing walang pinagkaiba ang mga litrato kung sa kalsada ng Japan, U.S.A. o sa Europe sila nag-prenup, parehas lang na tao ang background. O.A. lang daw mag-react ang mga tao at yung iba daw ay naiinggit lang. Ang iba naman, “racist” daw ang mga litrato dahil mga Aprikano ang background nito. Kung anuman ang opinyon mo ukol dito, bahala ka na.

Hindi ito ang unang pagkakataon binobo tayo ng isang kaganapang “popular,” sa konteksto siyempre ng popular na kultura, mula sa “ispageti pataas” ng sexbomb, hanggang sa mga kapita-pitagang mga kanta ni Lito Camo na kadalasang inaawit ng mas mga kapitapitagang ginoo na sina Willy Revillame at Sen. Manny Paqcuiao, nandito na tayo sa panahon ng mga “hypebeast” o yung mga kabataang nagsusuot ng tila magagarang tatak ng damit, kahit aminadong wala silang pambili nito, ito’y kanilang libangan upang makatakas sa mga totoong problema, sa sarili at sa lipunan. Sasabayan pa ng mga pelikula nina Vice Ganda at Vic Sotto na kalimitang eskapista ang tema. Ang mga kanta ng Sexbomb at ni Willy Revillame, na tila inuulit ulit lamang at walang tunguhing esensya, halimbawa na dito ang “boom tarat-tarat” na sikat na sikat kahit tila wala namang kinalaman sa kahit anong aspeto ng buhay ng mga Pilipino, walang talino at tila tuyong tuyo sa depinisyon. Repleksyon ito ng popular na kultura.

II. Alamin at pag-ibahin, isang elementaryang paalala ni Bob

Isa sa mga musikerong itinuturing ng mga kritiko na henyo pagdating sa lirisismo ay si Robert Nesta Marley, o mas kilala sa tawag na Bob Marley, siya yung malimit makitang nakatatak ang mukha sa mga t-shirt na kadalasang may kulay na ginto, luntian, pula, at itim. Siya yung kung tawagin ay “rastaman,” o di kaya’y “rockers” ng mga nakatatandang ale o mama. Naka-dreadlocks ang buhok at tila gusgusing maituturing. Pero malalim ang pinaguugatan ng kaniyang itsura at maging ng kayng mga kanta. Si Bob Marley ay nabibilang sa isa sa mga indigenous people ng Jamaica, ang mga Rastafarian, ang kanilang paniniwala’t pilosopiya ay mahigpit na naka-ugnay sa sosyalismo – pagbibigayan at pagkakapantay pantay ng lahat ng tao sa panahon ng modernong teknolohiya, na nakabatay sa anti-imperyalistang pakikibaka. Ang bawat kulay sa kanilang watawat ay may kaukulang simbolo — ginto: kayamanan ng bansang Aprika sa minerales at iba pang likas na yaman, pula: dugo ng mga Aprikanong alipin na nagbuwis ng buhay, luntian: ang tila hindi matapos tapos na lawak ng lupain ng Aprika, at itim: kulay ng kanilang balat na hindi nila ikinahihiya. Umusbong ang kanilang pilosopiya mula kay Marcus Garvey, isang makabayang Jamaican na nanirahan sa New York noong ika-labing siyam na siglo. Si Marley ay maraming isinulat at inawit na kanta, ngunit ilan lamang dito ang sumikat at pinatugtog sa radyo, malimit din sa “bar” sa mga “beach” ito marinig at sa mga tugtugan sa kamaynilaan, “Waiting in vain,” ang isa sa mga kilalang kanta niya na sumikat dito sa Pilipinas, ito ay tungkol sa pag-ibig na tila hindi na darating, pero hinihintay pa din. Maraming kanta si Marley tungkol sa romantikong pag-ibig, tulad ng “Stir It up,” “guava jelly,” at “is this love,” ngunit lingid sa kaalaman ng marami, mas maraming kantang pulitikal si Marley, mga kantang tungkol sa protesta, giyera, o anti-gyera, na talaga namang mas tampok sa kanyang mga inilabas na album. Ilan sa mga kanta niyang pulitikal ay ang “war,” isang talumpating isinalin sa kanta, na tungkol sa di pantay na trato sa mga Aprikano sa buong mundo na nagdudulot ng sigalot, ang “get up, stand up,” na tungkol sa pag laban sa karapatan at nagpapaliwanag sa halaga ng buhay ng tao, ang “them belly full,” na tungkol sa gutom at galit ng mamamayang pinahihirapan ng sistema, ang “Africa unite,” na tungkol sa paghihimok niyang magkaisa ang lahat ng Aprikanong bansa tungo sa kaunlaran at sariling pagpapasya, ang “i shot the sherriff,” na tungkol sa police brutality at pagkakapatay niya sa isang “sherrif,” ngunit hindi sa “deputy,” isang rebelasyon na hindi niya kinikilala ang kapangayarihan ng isang otoridad na pamunuan siya, at ang isa sa aking mga paborito, ang “real situation,” na nanawagan ng rebolusyon sa mga aping bansa sa buong mundo. 80% ng nasulat at inilabas na kanta ni Bob Marley ay pulitikal at may tunguhing protesta, kahit sa kanyang mga interbyu nung nabubuhay pa siya ay madalang siyang magpahiwatig na ang romantikong pagiibigang indibidwal ang sagot sa kahirapan at kabalintunaan ng mundo, ngunit ganoon siya inilako ng popular na kultura, itinuring ang reggae na pampa-relax, “good vibes music,” ika nga ng iba, at tugtuging bagay na bagay kapag ika’y nasa dagat habang umiinom ng malamig na serbesa. Malayong malayo ito sa konteksto ng musika ni Bob Marley, na isang rebolusyonaryo kung ituring ng kanyang mga kasabayan.

Pinalalabnaw at kung minsa’y tahasang iniiba ng popular na kultura ang konteksto ng mga pangyayari sa daigdig, siguro’y upang mas madaling nguyain ng masa ang esensya nito, pwede rin namang upang mas mailako ito ng mas madali, at kumita ng mas malaki.

III. Sukatan ng tagumpay, ayon sa kambing

Kung pera lamang at kasikatan ang sukatan ng pagiging matagumpay, marahil hindi kailanman makakamit ng sangkatauhan ang mithiin nitong “tagumpay.” Kung dami lang ng likers at followers sa mga social media sites ang batayan ng isang “matagumpay” na personalidad, marahil kailangan natin mag nilay-nilay sa kung ano ba talaga ang taglay na halagang kaakibat ng kasikatan. Eh ano nga ba talaga ang itsura ng ng isang matagumpay na nilalang? Yung may kotse, malaking bahay, magandang bahay, sikat na sikat dahil may pangalan? (pasintabi kay Bobby Balingit) Ewan ko.

Ang kasikata’y may kaakibat na responsibilidad, yun ang sabi nila. Malaki at malawak ang epekto ng sinasabi at ginagawa ng isang sikat na artista sa kanyang manonood — mula sa paghubog ng popular na opinion, hanggang sa pagpili ng tatak na damit at produktong bibilhin.

Sa mundong mahigpit pa sa sinturon ni Juan ang kumpitensya, maiiwan kang tuluyan kung hindi ka marunong sumayaw sa tugtugin ng “tuntungan sa ibabaw ng ulo ang inyong kapwa para gumihawa,” at sa mga hindi pipili ng nakasanayan ay mananatiling aba, at kadalasa’y ka-dusta-dusta pa.

Ang hamon ay ang pag pili – mula sa pinapanood at pinakikinggan, hanggang sa susundin at gagawaran ng pag-hanga. Ang kultura ay isang sandatang makapag liligtas sa atin mula sa kamangmangan, isang epektibong sangkap sa pagpapaunlad ng sarili at bayan, kung ito’y mababaw, tayo’y hindi malulunod, ngunit hindi mabibigyan ng pagkakataong sisirin ang kailalaimang tiyak na may itinatagong mga kahanga-hangang katangian at puno ng makukulay na simbolo’t kahulugan.

Exit mobile version