Site icon PinoyAbrod.net

Extended maternity leave benefits sa kababaihan

Noong Mayo 1, pinirmahan na ang Implementing Rules and Regulation ng Expanded Maternity Leave Benefits (Republic Act 11210) para sa kababaihan.

Maalaala na pinirmahan ito para maging batas ni Pangulong Duterte noong Pebrero 20, 2019.

Nakatanggap ito ng hindi hamak na papuri sa iba’t ibang samahan ng mga kababaihan, kabilang na ang Gabriela.

Ano ba ang nilalaman ng batas na ito?

Sa batas na ito ay dinagdagan ang araw na maaring gamitin ng isang babae sa kanyang maternity leave.

Sa dating batas, binibigyan ang isang babae ng maternity leave na 60 na araw kapag manganganak ng normal at 78 araw kapag manganganak naman ng caesarian.

Sa ilalim ng Expanded ng Expanded Maternity Leave Law, ginawa na itong 105 na araw.

Ibig sabihin, manganak man siya ng caesarian o normal, ang isang babaeng manggagawa ay meron nang 105 na araw na maternity leave.

Sa madaling sabi, makapagliban siya sa kanyang trabaho sa loob ng 105 na araw at makatatanggap siya ng maternity leave benefits sa panahong ito.

Hindi mahalaga kung may asawa man siya o wala, kung lehitimo ba ang kanyang anak o hindi.

At walang limitasyon ang ganitong karapatan.

Ilang panganganak man ang magaganap, maaari pa rin siyang gumamit ng benepisyo sa batas na ito. Hindi katulad ng dati na hanggang 4 na beses lamang.

Kung ang babaeng empleyado ay nagkataong isang solo parent, may dagdag pang 15 araw ang kanyang maternity leave.

Ibig sabihin, embes na 105 araw lang, maaari pa itong gawing 120 araw.

Kung sakaling siya ay makunan at hindi matutuloy sa kanyang panganganak, binibigyan siya ng batas ng 60 araw na maternity leave.

Sinasabi rin ng bagong batas na ito na maari siyang magpa-ekstend ng kanyang maternity leave nang 30 araw pero wala nang bayad ito.

Paano nga pala ang bayaran ng maternity leave benefits?

Sa pribadong sektor, ang kanilang kompanyang pinagtatrabahuan o ang kanilang mga amo ang dapat magbayad sa maternity leave benefits ng mga manggagawa.

Kailangan lang nakabayad ng tatlong buwang kontribusyon sa Social Security System (SSS) ang babaing manggagawa sa loob ng isang taon bago ang kanyang panganganak.

Kailangan ding ipaalam niya sa kanyang kompanya ang tungkol sa kanyang pagbuntis at kung anong petsa ang inaasahan niyang panganganak.

Babayaran ng kompanya ng kanyang maternity leave benefits sa loob ng 30 araw pagkatapos niyang masabi ito sa kompanya.

Ang kompanya naman ngayon ang magbibigay sa SSS ng notification ng manggagawa at ire-reimburse naman ng SSS ang halagang ibinayad ng kompanya.

Sa mga nagtratrabaho sa gobyerno ay ganun ding benepisyo ang kanilang matatanggap bagamat ang unang magbabayad sa kanilang maternity leave benefits ay ang kanilang ahensiyang kanilang pinagtatrabahuan.

Ang paglabag sa batas na ito’y may kaukulang parusa: P20,000 hanggang P200,000 na multa o pagkakulong ng anim na buwan at isang araw hanggang 12 taon o sabay.

Binatikos ng pangulo ng Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP) ang bagong batas na ito dahil di umano ay madi-discourage ang mga kompanya na kumuha ng mga manggagawang babae.

Ngunit ayon sa pag-aaral na ginawa ng Organization of Economic Cooperation and Development (OECD), lumalabas na ang maternity leave sa ibang bansa ay tumatagal nang 18 linggo o 126 na araw.

Ang Expanded Maternity Leave na ito’y magtutulak sa mga nanay na maging mas masigasig, mas organisado, at mas maasahan sa kanilang mga trabaho.

Sang-ayon ba kayo mga kasama?

Exit mobile version