“Ang laban natin ngayon ay upang siguraduhin na hindi tayo makakalimot sa nakaraan,” giit ni Judy Taguiwalo habang inaalala sa Commission on Human Rights nitong Enero 27 ang First Quarter Storm (FQS), isang makasaysayang panahon para sa kilusan ng mga kabataang makabayan, ng kababaihan, at ng iba pang sektor.
Bahagi ng lakbay sa pag-alala ang muling pagtitipon ng ilan sa mga nalalabing miyembro ng FQS kasama ang bagong hanay ng mga aktibista sa harap ng dating building ng Kongreso (ngayo’y Pambansang Museo). Dito idinaos ang makasaysayang protesta noong Enero 26, 1970 na itinapat sa State of the Nation Address ni Ferdinand Marcos. Isa ito sa maraming larawan ng pag-aalsa noong dekada sitenta.
Marami pang imahe ang FQS: serye ng mga protesta na malayo sa ipinipintang imahe ng “bloodless revolution” laban sa diktadurya ni Marcos (maraming bayolenteng dispersal); lakbay ng pagpapalaya ng bansa mula kay Marcos na sa panahong iyon ay nanalo muli sa eleksyon bilang presidente (maraming pruweba ng dayaan); at malagim na panahong patunay sa matatag na diwa ng aktibismo lalo na ng kabataan (marami sa kanila namartir).
Nakasandig sa mga litrato ng kasaysayan na ito ang tagubilin ng mga naging bahagi ng FQS: ang pagpapatuloy sa pagiging bukas sa pagkatuto na parang estudyante, kahit kalahating siglo na ang nakaraan.
Para sa noo’y estudyante-aktibista na si Bonifacio Ilagan, ang FQS “ay isang malaking paaralan kung saan natutunan [nila] ang tunay na diwa ng paglaban.” Isa si Ilagan sa mga naging detinidong politikal na kabataan at isa naman ang kanyang kapatid na si Lina sa mga hindi na natagpuan pa.
Tinatanaw ni Ilagan ang serye ng mga protesta at ang lumawak na rebolusyonaryong pagkilos bilang pagkakatamo ng pagkatuto na higit pa sa kayang ituro sa loob ng kolehiyo o paaralan.
Kailangan muli palakasin ang ganitong tipo ng pag-aaral, payo ni Taguiwalo sa mga estudyanteng nagbabalak pagserbisyuhan ang bayan.
Tulad sa panahon noon na ibinabandera ang mga linya na sipag at tiyaga ang kailangan upang wakasan ang kahirapan, kailangan rin tuligsain ngayon ang ganitong mapambulag na kultura, paliwanag niya.
Mula sa pekeng litrato na mula sa militar ukol sa pagsuko ng hukbong bayan hanggang sa pagbansag sa mga biktima ng giyera kontra droga bilang mga nanlaban, kaliwa’t kanan ang panghuhuwad na kailangan bantayan ng sambayanan.
Walang mas lalakas pang depensa sa mga kasinungalingan na ito kung hindi ang pakikinig sa linya ng masa, giit ni Taguiwalo. Bilang detinidong politikal noon, na ngayon ay tanglaw ng mas nakababata, paalala niya:
“Hindi lang iyon mga estudyante. Kasama namin ang mga propesor, ang mga kawani. Higit sa lahat kasama namin ang komunidad.”
Ito ang larawan ng paglaban na hindi dapat malimot.