Noong ikalawang hati ng dekada ’90 pataas, maraming estudyanteng aktibista ang naakit magbasa ng mga sanaysay ni Gelacio Y. Guillermo, kasama ang mga naisulat niya sa nom de plume na nom de guerre din na Kris Montañez. Mga aktibistang mahilig, bukod sa pambansang kalagayan at rebolusyon, sa panitikan at kultura – sa panunuring panlipunan din, at sa mga kaisipan sa pangkalahatan. Pagkatapos ng mga batayang akda ni Joma, ang ilan, si “Gelas” na ang binabasa.
Panahon iyun ng “katapusan ng kasaysayan”: sinamantala ng imperyalismong US ang pagbagsak ng modernong rebisyunismo sa Unyon Sobyet at ang lalong pagbubukas sa merkado ng modernong rebisyunismo sa China para palabasing natalo ng kapitalismo ang sosyalismo. Sa bansa, sinagpang din ang tunggalian sa Kaliwa. Hambog ang kapitalismo: ito raw ang maghahatid sa mundo ng demokrasya at kaunlaran. Ang bansa, magiging NIC daw sa “Philippines 2000.”
Sa Pilipinas, mapapanatiling buhay ang mga kaisipang radikal sa nagpupunyaging kilusang makabayan. Sa akademya, sa pangkalahatan ay mahina ang naturang mga kaisipan, pero pinakamasigla na sa larangan ng panitikan, sining at kultura. May mga aktibistang magbabasa kay Guillermo, at sa kanyang mga “tsokaran” din, dahil required reading sa ilang klase; may mga magbabasa dahil inirerekomenda at tinatalakay, bukambibig pa nga, ng mga naunang kapwa-aktibista.