Site icon PinoyAbrod.net

Hagdanan, semento’t maleta ang kanlungan

Mas mabuti na kaysa sa kalsada.

Ganito tinignan ng gobyerno ang imahe ng libu-libong Pilipino na nagsiksikan sa Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila sa pag-asang makabalik na sa mga probinsya.

Sa balita, ang tawag sa kanila ay locally stranded individuals (LSI). Dumagsa sila sa sports complex para makasama sa programang Hatid Tulong ng gobyerno. Ginamit ng gobyerno ang lokasyong ito para sa rapid test na kailangang makuha ng mga LSI bago makabalik sa probinsiya.

Marami ang nababahala sa mga litrato ng mga LSI. Tabi-tabi ang istranded na mga Pilipino sa hagdanan, sa bleachers, ng sports complex. Marami ang nanlumo para sa kapwa Pilipinong ginagawang unan ang maleta at kama ang semento. May mga buntis, bata, nakatatanda. Umulan pa at nabasa ang bagahe ng ilan gabi ng Hulyo 26. Kinaumagahan, sa ilalim naman ng matinding sikat ng araw, daan-daan pa rin ang nakapila sa labas. May nahimatay na at may sanggol pang nilagnat matapos maambunan.

Ang mga nagtitiis na Pilipinong ito’y binansagan ni Interior and Local Government Sec. Eduardo Año na matitigas ang ulo. Sabi niya, natatakot kasi itong mga pamilyang ito na hindi mapasama sa programa.

Sino ang hindi matatakot sa ilang araw o linggo na wala pa ring makain dahil wala nang trabaho? Sino ang hindi matatakot sa kawalan ng tirahan dahil tuloy ang renta kahit walang kinikita?

Dumadagdag lang ito sa mga pruweba ng pagbubulag-bulagan ng administrasyon. Sa ilang buwan ng lockdown, daan-daang establisimyento ang nagsara, libu-libong manggagawa ang nawalan ng trabaho. Hindi na naman lingid sa kaalaman ng marmai na libong Pilipino ang dumadagsa sa Metro Manila para maghanap ng ikabubuhay.

Hindi rin naman ito ang unang beses na natampok ang litrato ng mga Pilipinong natutulog sa kalsada dahil sa kawalan ng matutuluyan habang nagbabalak bumalik sa probinsya. Kalsada, kariton, ilalim ng expressway.

At upang isagad ang kabalintunaang ito, naisipan ng polisyang magdala ng orchestra upang haranahin umano ang mga nag-aabang ng sakay pauwi. Pero walang matamis na hele ang papawi sa kalam ng sikmura at kirot ng mga katawang walang maayos na matutuluyan.

Sarap ng buhay, ika nga ni Senador Bato dela Rosa.

Buhay muna bago lahat, sabi naman ni Pangulong Duterte sa kanyang ika-limang State of the Nation Address. Buhay nino? Siguradong hindi ang libong Pilipino na nagtitiis sa harap ng magarbong pamumuhay ng gobyernong naturingang lingkod bayan.

Taliwas sa naging pangako niya nang mahalal, ang administrasyong Duterte ay hindi kanlungan ng api at naghihirap.

Exit mobile version