Site icon PinoyAbrod.net

Hangganan ng pakikipagkapwa

Sa wakas hindi na kailangang maghanap ng bootlegs para makapanood ng orihinal na produkisyong panteatrong Pinoy ngayong panahon ng lockdown. Ano man ang masasabi natin sa estado ng teatro at sining sa bansa, ano man ang puna natin sa labis na komersiyal na oryentasyon ng marami sa mga produksiyon ngayon, kapuri-puri ang ginagawang pag-upload ng iba’t ibang grupong panteatro ng mga video recording ng nakaraang mga produksiyon ng mga ito. Kung sino man nagpasimula nito (si Andrew Lloyd Webber yata) ngayong lockdown, maraming salamat.

Siyempre, kailangang sabihin: ibang iba ang karanasan ng panonood ng live theater sa panonood ng recording nito sa telebisyon o gaheto. Hindi ito kapalit ng panonood sa teatro. Pero kailan pa uli tayo makakabalik sa mga teatro? Kailan pa uli tayo aktuwal na magtitipon para kolektibong maranasan ang isang pagtatanghal? Kung may mga nanood sa YouTube ng video recording ng mga pagtatanghal na ito at nagkainteres sa teatro, malaking tagumpay na ito sa sining at sa hangarin nating magkaroon ng mas demokratikong akses at pagtangkilik sa teatro. Hindi na masama.

Hindi na masama na binigyan ng Resorts World at mga prodyuser nito ang masang netizens ng dalawang buong araw para mapanood ang Ang Huling El Bimbo, isang jukebox musical gamit ang musika ng ikonikong bandang Eraserheads noong 2019. Bagamat tinanggal na nila ang bidyo sa YouTube, tiyak na may nakapag-download na nito at lalabas at lalabas ang bidyong ito sa iba-ibang account. Malamang, malay sila sa katotohanang anumang content na lumabas sa Internet, kahit pa burahin ito ng orihinal na nag-upload, ay habampanahon nang nasa Internet.

Samantala, lalong hindi masama ang nauna nang pag-upload ng Dulaang UP sa mga bidyo ng ilang produksiyong panteatro sa naturang pamantasan. Kasama na rito ang pag-upload noong unang buwan pa lang ng lockdown ng bidyo ng The Kundiman Party na dula ni Floy Quintos at tinanghal ng UP Playwrights’ Theater. Nasa YouTube pa rin hanggang ngayon ang bidyong ito, kasama ang bidyo ng iba pang produksiyon.

Isang seksiyon ng populasyong Pinoy na nakakuwarantina ngayon ang odyens ng mga bidyo na ito: ang mga mamamayang may akses sa Internet at may sapat na interes rito para manood ng halos tatlong oras na bidyo. Sabihin na nating karamihan dito, iyung tinatawag na middle class: may natitirang ipon na panggastos o regular pa ring sahod para mairaos ang lockdown, at nagsusunog ng oras ngayon sa panonood ng Netflix o YouTube, abala sa Mobile Legends o iba pang online na laro. Pana-panahon, nag-aangas sila sa Facebook o Twitter hinggil sa estado ng bansa. Badtrip sila sa kalagayan natin ngayon. Madalas, sukdulan ang galit nila kay Duterte, at nag-ambag pa sa pagpapa-trend ng #OustDuterte sa Twitter. Woke, sabi nga.

* * *

Eskaktong sila rin ang sabdyek ng istorya ng Ang Huling El Bimbo (AHEB). Tatlong estudyante ng State U sina Hector (Gian Magdangal), Anthony/AJ (Phi Palmos) at Emman (Boo Gabunada), noong dekada ’90. Naging roommates sa isang dormitoryo sa eskuwela (hindi po double deck ang mga kama sa Kalayaan, ha), nasabak sa ROTC, kumain at tumambay sa mga lutong bahay sa Area 2, nakilala at nakaibigan ang isang kaedad na out-of-school youth na si Joy (Gab Pangilinan). Nakaranas ng isang malagim na pangyayari ang apat, na dahil dito’y nagbago ang landas ng buhay ng bawat isa.

Inilahad ang kuwento, sa isang bahagi, sa pamamagitan ng mga kanta ng Eraserheads. Sa kabuuan, nagtagumpay ang dula sa pagbabalanse ng tungkuling gamitin ang repertoire ng pinakasikat na bandang Pinoy (tiyak, may komersiyal na tulak ito) at mapaglingkod ang mga kanta sa pag-abante ng kuwento. Natural na ang puwesto ng mga kantang “Tindahan ni Aling Nena,” “Toyang,” “Waiting for the Bus,” at siyempre, “Minsan” sa tema ng puppy love at nagsisimulang pagkakaibigan ng tatlong estudyante sa kolehiyo – ganito rin naman kasi ang tema ng marami sa naunang mga kanta ng banda. Pati ang pagkamuhi ng Eraserheads sa ROTC at pormal na awtoridad (ang tanging rebelyon o aktibismo na hayagang tinindigan nila), may natural na puwesto sa kuwento ng mga kabataang nagrerebelde sa “andaming bawal sa mundo” (“Alapaap”). At dahil nasa State U, naisip marahil ng mga lumikha na hindi maaaring walang imahen o bahid ng aktibismo ang dula, kahit pa manipis o mababaw lang ito. “Edukasyon para sa lahat” ang plakard sa gitna ng numero ng mga kadete ng ROTC. Mababaw na aktibista lang si Emman, pinagsasabay ang “pag-ibig sa bayan” at “pag-ibig kay Mylene” at maraming puna sa “kilusan” na “hindi maintindihan” ng masa.

Samantala, nagsilbing motifs sa iba’t ibang acts ng dula ang ilang kanta na tulad ng “Ang Huling El Bimbo,” “Alapaap,” “With A Smile,””Ligaya,” at “Tikman/Bogsi Hokbu” (nilapatan ng swing/Latin beat na bersiyon na napakahusay na pinangunahan ni Sheila Francisco). May ding nagawan naman ng paraan na maisingit. Naging ekspresyong “surely” si Shirley sa kantang “Inlab Na Naman Si Shirley” (kinanta rin ng napakahusay na si Francisco), habang naging kanta para sa pagiging bakla ni AJ ang dating “Hey Jay”. Meron din namang mga kantang naipilit at pinanatili na lang ang lyrics kahit kaiba sa daloy ng kuwento: Hindi tagahugas ng pinggan ang drug runner/bagwoman na karakter (huwag nang pangalanan para walang spoiler), at mukhang hindi naman siya nasagasaan sa madilim na eskinita.

* * *

Pinag-uusapan at pinagdedebatehan sa ilang social media posts ang pihit ng kuwento ng AHEB tungo sa mas madilim na mga tema ng pagkawala ng pagkabata, pandarahas sa kababaihan, korupsiyon at paggamit ng droga sa Act 3. Sa katulad na yugto ng karera ng Eraserheads, tila nabawasan ang positibong pananaw o “ligaya” sa mga kanta nila. Pumalit dito ang irony at sinismo sa mga kantang katulad ng “Spoliarium,” “Balikbayan Box,” at iba pa.

Sa karera ng Eraserheads, tila kinatawan ng State U ang yugto ng rebelyon at kawalang pakialam ng kanilang pagkabata. Alam ng lahat na nakapag-aral at tumagal sa kampus sa Diliman na payapa at maligayang lugar ito, lalo na noong dekada ’90. Pero nang tumanda ang banda at lumayo nang lumayo ang mga miyembro nito sa pisikal at metaporikal na lugar ng Diliman, tila padilim nang padilim ang mundo ng kanilang mga kanta. Isinalamin ito sa dula. Pagkatapos ng isang nakakagulat na pangyayari na biglang nagpatigil sa masaya at walang-muwang na buhay ng tatlong lalaking karakter at lalo na ni Joy, unti-unting nagbago ang lahat. “Dumilim ang paligid,” bungad ni Joy, sa pagkanta ng “Spoliarium”. “Puwede bang itigil muna, ang pag-ikot ng mundo.”

Pero nagpatuloy ang pag-ikot ng mundo ni Joy, hanggang tumungo sa malungkot na kinahinatnan niya. Sinikap niyang magkaroon ng agency o kontrol sa kanyang mundo: itinigil ang pagpuputa matapos magkaanak, at nagtangkang putulin ang ugnayan sa pulitikong druglord (na dating ROTC kumander) na si Banlaoi (na malayo na sa persona ni Punk Zappa sa album na Circus). Pero tulad ng maraming biktima, ng pandarahas sa kababaihan, ng prostitusyon, ng nakakalulong na droga, hindi sapat ang indibidwal para makawala rito. Hinanap ni Joy ang solidarity (o pakikipagkapwa) ng tatlong dating kaibigan, pero nabigo siya rito. Ang trahedya niya, hindi trahedya ng kawalan ng agency kundi trahedyang likas na iniluluwal ng sistemang pampulitika at pang-ekonomiya. Ang trahedya niya, iniluluwal ng katayuan niya bilang babae, bilang maralita.

Maraming kahinaan si Joy, at isa na rito ang madaling mahulog sa pantasya ng pag-ibig, hindi lang sa lalaki, kundi sa posibilidad ng upward mobility (o pag-angat sa kabuhayan) na kinatawan nina Hector, Emman at Anthony.

Sa kabila nito, hindi natin puwedeng sisihin ang biktima sa trahedyang ipinataw o ipinilit sa kanya. Sa kabilang banda, puwedeng puwede nating sisihin dito ang tatlong lalaki – silang sumumpa na magiging mabuting kaibigan, sumumpa pang mabubuhay sa diwa ng kalayaan. Hindi sila kaiba sa mga miyembro ng panggitnang uri na nagsasabing mahal nila ang kapwa, sumusumpa sa panata ng kalayaan at demokrasya, pero umaatras, bumabaligtad o umiiwas sa responsabilidad tuwing may maulpit nasitwasyon o nahaharap sa estado ng kagipitan.

Sa madaling salita, isang mapait na leksiyon ng pagkamakasarili ng petiburgesya, ng limitasyon ng pakikipagkapwa sa maralita ng panggitnang uri ang AHEB. Nakakagulat ito, dahil panggitnang uri ang pangunahing odyens nito sa Resorts World, at kahit sa YouTube. Tila pangunahing pahayag ng jukebox musical na ito ang isang malutong na mura (kasinlutong ng “tangina” sa “Pare Ko”) sa walang gulugod na panggitnang uri.

* * *

Hindi nakakapagtaka na direktor si Dexter Santos kapwa ng AHEB at “The Kundiman Party” (TKP), na nagkaroon din ng huling theatrical run noong nakaraang taon at naka-upload din ang bidyo sa YouTube. Kasama rin ni Santos na sangkot sa dalawang proyekto ang mandudulang si Quintos (manunulat ng TKP at dramaturg ng AHEB). Sa unang tingin, halos walang pagkakapareho ang dalawang dula. Pero kung pag-iisipan, makikita ang pagkakatulad ng dalawa sa tema.

Parehong komentaryo ang dalawang dula sa kabalintunaan ng kulturang “woke” o pakikilahok at pakikipagkapwa ng mga nasa gitnang uri sa malawak na masang inaapi ng sistema at naghaharing rehimen. Nakasentro ang kuwento ng TKP sa karakter ni Maestra Adela (Shamaine Buencamino), matanda at retiradong pang-aawit ng Kundiman, at kasamahan sa bahay na tatlong “titas of Manila” na sina Mitch (Jenny Jamora), Helen (Stella Canete-Mendoza) at Mayen (Frances Makil-Ignacio). Nagsimula ang kuwento sa pagdating ng binatang aktibista na si Bobby (Kalil Almonte) sa tahanan niya. Kasintahan din ng apo niyang si Antoinette (Miah Canton) ang binata. Kinapanayam ni Bobby ang Maestra hinggil sa nakaraan ng huli bilang mang-aawit sa mga rali noong panahon ng naunang diktadura. Walang alam ang Maestra na ia-upload ni Bobby (Boo Gabunada) ang bidyo ng panayam. Naging viral ito – at nagbukas ng oportunidad para sa muling pakikisangkot niya sa kilusan para sa pagbabagong panlipunan.

Hindi istriktong musical ang TKP, pero marami itong musical numbers – mga kantang Kundiman na tinugtog ng mapagbirong piyanista na si Ludwig (Gabriel Paguirigan), at inawit ng apprentice ng Maestra, ang apo niyang si Anoinette, gayundin ng dating estudyante at mahaderang soprano singer na si Melissa (Rica Nepomuceno). Di kailangang sabihin, pero napakahusay ng musical numbers na ito, lalo na noong ginamit na ni Maestra ang entablado sa social media para itanghal ang Kundiman bilang porma ng protesta sa kasalukuyang pasistang rehimen. “May isang request lang ako sa mga nagrarali,” sabi ni Maestra sa isa sa viral videos niya. Tantanan na raw ang pagkanta ng nakakasawang “Bayan Ko.” Marami pang ibang makabayang kanta na puwedeng awitin.

Bukod dito, kahanga-hanga ang mahahabang balitaktakan nina Maestra, ng mga tita, at ni Bobby, hinggil sa pakikisangkot ng isang alagad ng sining at ng isang miyembro ng panggitnang uri, sa makabayang kilusan. Pero lingid sa kaalaman nila, isang mahalagang leksiyon ang mga balitaktakang ito sa limitasyon ng pakikisangkot ng kanilang uri. Kahit sa social media, kung saan sumikat na ang Maestra, virtual o walang aktuwal na pisikal na pakikisangkot na kailangan. Umaabot ng daandaanlibo ang nakikinig sa kanya. Pero nakikinig ba talaga sila sa mga mensahe niya? Gaano kaepektibo ang ganitong paglahok niya?

Sangandaan sa pakikisangkot at pakikipagkapwa ng mga karakter ang aktuwal na pagdumog ng “trolls” o mga tagasuporta ng rehimen na nagsagawa ng riot sa labas ng bahay ng Maestra. Ginulpi ng mga ito si Ludwig – sa paraang maaalala ang sinapit ng progresibong musikero sa Chile na si Victor Jara.

Sa huli, napag-alamang anak ng isang senador si Bobby. Pinapili siya nito: bumalik sa ama, o mamundok. “Huwag (mo nang pag-aksayahan ng panahon) itong ginagawa mo,” sabi ng ama, patungkol sa pagtulong ni Bobby sa Maestra sa paggawa ng viral videos. Duda ang senador na ama sa pagiging epektibo ng mga porma ng repormistang protesta tulad ng protesta sa social media. Sa saloobin niya, sinikal din si Bobby. Pero hindi niya kayang mamundok. Pipiliin niya ang komportableng buhay sa piling ng ama. Samantala, ipagpapatuloy na lang ng Maestra at mga tita ang nasimulang paggawa ng viral videos na kritikal sa giyera kontra droga at sa kasalukuyang rehimen.

Walang paghusga ang dula sa epektibidad ng mapayapang reporma at adbokasiya para mapabuti ang lipunan. Wala rin itong husga sa limitadong pakikipagkapwa ni Maestra. Pero malupit ang husga nito kay Bobby. Sa simula, si Bobby itong mapanghusga sa Maestra na atubiling makisangkot. Dogmatiko at kaduda-duda ang mga pamamaraan niya para mapuwersa ang Maestra na maging pulitikal. Pero nang masaksihan nito ang aktuwal na pandarahas ng Estado at banta sa uri, bumaligtad siya sa aktibismo.

* * *

Wala namang sinasabi kapwa sa AHEB at TKP na masama na ang makipagkapwa. Kabaligtaran pa nga nito. Maaalala ang scripted na chat nina Bea Alonzo at John Lloyd Cruz na nag-viral kamakailan. Tanong ni Bea: “Ako na ang tumulong, ako pa ang masama?” Sinagot siya ni Lloydie: Okey nga ang tumulong. Pero sapat ba ito? Paano kung wala na? Paano kung mawalan na ng panahon, rekurso o gana si Bea? Paano ba ang talagang pakikipagkapwa? Paano ba talagang nagbabago ng lipunan?

Sa gitna ng pandemyang coronavirus disease-2019 (Covid-19), ramdam natin ang pangangailangan ng pakikipagkapwa – sa anumang paraan at intensidad. Tatangkilikin ng mga maralitang nagugutom ang anumang tulong na iaabot sa kanila, mula mumunti at pansamantalang pagkain, hanggang impormasyong makakatulong sa kanila, hanggang maliit na suporta sa kanilang pangangailangan sa kalusugan. Kita at ramdam ang pagkamapagbigay ng mga mas nakakaangat-sa-buhay na mga nasa panggitnang uri. Pero alam natin: may hangganan ito. Gumagawa pa ng mga hakbang ang mga nasa kapangyarihan para mawalan agad ng gana ang middle class na tumulong sa mga maralita: ipinagbabawal ang solicitation nang walang paalam sa DSWD, ipinagbabawal ang mamigay ng relief goods nang walang permiso ng LGU.

Hindi masamang tao si Bea, sina Hector, Emman at Anthony, si Maestra Adela. Hindi masamang mga tao ang nasa panggitnang uri. Pero hangga’t nananatili silang nakakulong sa hangganan ng interes ng kanilang uri, limitado at may hanggangn din ang pakikipagkapwa nila. Mananatili ang kalakarang mapang-api kina Joy. Kaya nga, bagamat hindi tatanggihan o mamasamain ni Tiya Dely (Sheila Francisco) ang alok na tulong nina Hector, Anthony at Emman, duda siguro siyang tatagal muli ang pakikipagkapwang ito.

Gayunman, bukas ang kuwento sa anumang posibilidad. Sapat na ba ang sakripisyo at trahedya ni Joy para talagang magbago ang pag-iisip ng tatlo? Mahihigitan pa ba ni Maestra ang pakikisangkot niya? Tayong mga manonood na ang magsasabi at kikilos para maging posible ang mga ito.

Exit mobile version