Site icon PinoyAbrod.net

Hanggang kamatayang paglaban

Sa isang press conference na idinaos sa National Council of Churches in the Philippines (NCCP) hinggil sa isinagawang International Solidarity Mission sa Mindanao nitong nakaraang linggo, nagpahayag ang ilan sa mga delegado ng kanilang mga mapapait na karanasan sa ilalim ng administrasyong Duterte at ng militarisasyon.

Isa sa mga nagsalaysay ng mapait na karanasan niya ay si Jong Monzon, secretary-general ng PASAKA Confederation of Lumad Organizations at Save Our Schools Network.

Ayon sa kanya, noong 2016 pa nagsimula ang kalupitan na kanilang nararanasan sa ilalim ng pamumuno ni Pang. Duterte.

“Napakalala po nitong administrasyong Duterte kasi every two days inaatake ang aming paaralan. Mula noong 2016 hanggang kasalukuyan, may 53 schools na ang pinasara at ipapasara ng administrasyong Duterte”, ani Monzon.

Ayon pa kay Monzon, umaabot na rin sa 200 pataas ang bilang ng kaso ng paglabag sa karapatang pantao at walong biktima ng extra-judicial killings sa paaralan ng mga Lumad. Samantala, ang mga guro naman ay kasalukuyan ding sinasampahan ng mga gawa-gawang kaso at nagsasagawa rin ng manhunt sa mga guro at mga lider ng samahan.

“Kung makikita mo sa aming mga community kasi palagi silang sinusundan, tulad ni teacher Jolita na hinuli at nilagyan ng kung anu-ano at ikinulong”, pahayag niya.

Si Teacher Jolita. Larawan mula sa Save Our Schools Facebook page.

Dagdag pa ni Monzon, umaabot na ng halos 11,000 pataas ang bilang ng mga nagbabakwit at ngayon ay inaasahan na tataas pa ang bilang nito kung hindi pagbibigyan ng pangulo ang hinaing ng mga katutubong lumad.

“Excuse me po, hindi namin kultura ang pumatay ng aming mga kapwa Pilipino at lalong-lalo na ng mga kapatid naming mga lumad”, sagot ni Monzon sa pahayag ni Duterte na pagbibigay ng PHp20,000 sa mga Lumad para patayin ang mga NPA.

Mararamdaman sa bawat salita na lumalabas sa kanyang bibig ang labis na pagkapoot at hinagpis na dinaramdam ng bawat isang Lumad na dumanas ng pagmamalupit sa kamay ng mga militar at ng rehimeng Duterte.

“Yung patuloy ninyong pag-atake sa aming community, yung mukha ng pagto-torture dito sa aming mga kapatid na nandyan sa Mindanao, kung pwede lang magmura, puta no. Kasi pinatay! Pinatay niya ang sarili niyang mga kadugo,” galit na sabi ni Monzon.

Isang malaking panghihinayang sa pagsuporta nila noong tumatakbo pa lamang sa pagkapangulo si Duterte ngunit sa ngayo’y ang pangulo pa mismo ang nagiging dahilan ng paghihirap nila. Ang pagkakapatay sa higit na tatlumpung mga Lumad ay isa nang halimbawa ng mga pangako na napako sa administrasyong ito.

Dagdag pa ni Monzon, “sa lahat ng nakaupo under Duterte regime, kaming mga Lumad na nasa Mindanao gusto naming sabihin sa inyo na kung patuloy kayong magpapakatuta nitong administrasyong ito, wala pong pupuntahan ang ating bayan.”

“Sa mga taong may puso pa na handang tumulong sa amin para sa karapatan naming mabuhay sa aming lupang ninuno, titindig po kami. Kung ano man po ang mangyari sa amin dahil nagsasalita kami, ako dito against the administration, handa aming mamatay para sa aming lupang ninuno,” sabi ni Monzon.

 

The post Hanggang kamatayang paglaban appeared first on Manila Today.

Exit mobile version