Kung ano ang puno, siya rin ang bunga.
Sa loob mismo ng Philippine Military Academy (PMA) na akademyang nag-iinstitusyonalisa at nagnonormalisa ng pandarahas at bulag na pagsunod sa nagwawasiwas ng kapangyarihan, hindi nakapagtataka kung anong uri ng mga alagad ng estado ang iniluluwal nito.
Hindi una’t huli ang kaso ni Darwin Dormitorio sa mga buhay na kinitil ng institusyon. Sa katunayan, matapos ang pagkamatay ni Dormitorio, mismong opisyales ng PMA ang naglabas ng balita tungkol sa dalawa pang kadete na biktima rin ng hazing at kasalukuyang nasa ospital dahil sa mga natamong bugbog at pang-aabuso.
Nakakapanghilakbot isipin kung paano mismong sa unang pagtapak pa lamang ng mga bagong kadete sa mga pasilyo ng akademya, tinatanim at sinisistema ang takot, pandarahas at trauma sa hanay ng mga baguhan, at kung gayon, ng mga walang boses, walang kapangyarihan at lalong yaong wala pang “napapa-tunayan”.
Mismong mga pinuno ng kapulisan ngayon na siya ring mga utak at tagapamandila ng Oplan Tokhang sa mga mahihirap na komunidad ay produkto ng PMA. Ani Albayalde, hepe ng PNP at graduate ng institusyon, “Hinubog ako ng [hazing] sa kung anong uri ng lalaki ako ngayon.” Dagdag naman ni Sen. Bato Dela Rosa, “Tine-train ang mga tao [sa PMA] para maging warriors,” na nangangahulugan lamang ng ilang taong pag-inda, pananahimik at bulag na pagtanggap sa paulit ulit na pang-aabuso’t pagmamalabis ng mga nakakataas na kadete sa mga bagitong kasamahan nito.
Hindi na nakapagtataka kung gayon kung anong uri ng mga “mandirigma” (sa salita ni Bato Dela Rosa) o mas tamang sabihing mga halimaw, ang nililikha ng kultura ng pandarahas at bulag na pagtalima sa utos ng may mga hawak ng kapangyarihan. Tila pandora’s box ng pinakawalang mga halimaw ang niluluwal ng institusyon. Mga halimaw itong siya ring nasa likod ng mga nakatimbuwang na katawan ng mga maralitang lungsod na lagi’t laging biktima ng tokhang at “gera kontra-droga” ng estado.
Sa loob ng institusyong gaya ng PMA, sinisilang at hinuhubog ang mga alagad ng estadong nauulol sa kapangyarihan at hayok maningil at kumitil ng buhay. Samantala, tigmak ng dugo ang mga makikipot na eskinita’t lansangan ng mga maralitang komunidad, nangahandusay ang mga katawan sa ngalan ng “peace and order”.
Hindi nalalayo sa puno ang bunga.