Naghain kamakailan ang blokeng Makabayan ng panibagong panukalang batas laban sa ‘endo’ (end-of-contract, o kontraktuwalisasyon) sa Kamara de Representantes. Tinaguriang “Proworker and Stronger Security of Tenure Bill,” layunin nitong tuluyang wakasan ang “labor-only contracting” na kalakaran sa pag-eempleyo sa bansa.
“Habang pinoprotektehan ni Duterte ang ‘seguridad ng kapital,’ ang mga manggagawa at kanilang mga representatibo dito sa kongreso ay patuloy na lalaban para ipagtanggol ang mga karapatan sa paggawa. Di nila ganun kadali mae-endo ang ating laban para tapusin ang kontraktwalisasyon,” ani Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite.
Sinuportahan din ng mga grupo ng manggagawa ang panukalang batas ng Makabayan. Ayon kay Elmer “Bong” Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno, “panahon na para ang mga labor groups na magkaisa para sa isang pagsasabatas na totoong magwawakas sa lahat ng porma ng kontraktuwal na paggawa. Ito ang SOT bill na puwede namin suportahan.”
Ayon pa kay Rep. Gaite, hindi nila papayagan ang kagustuhan ni Pangulong Duterte na magpasa ang Kamara ng mas malabnaw at maka-negosyanteng Endo Bill.
‘Healthy balance’
Matapos i-veto ni Duterte noong huling linggo ng Hulyo ang pinalabnaw na Security of Tenure (SOT) bill na inaprubahan ng nakaraang Kongreso, lalong naging malinaw ang kanyang pagiging kontra-manggagawa, ayon sa mga grupo ng manggagawa.
Matatandaang pangako ni Duterte noong nangangampanya pa lamang ito bago mahalal na wawakasan niya ang Endo.
“Hindi natin maaasahan ang bersyon ng SOT bill ng Malakanyang na magiging maka-manggagawa dahil inihayag na ni Duterte ang kanyang tindig na pabor sa mga kapitalista sa kanyang mensahe sa pag-veto sa SOT,” ani Labog.
Ayon kay Duterte, Ginamitan niya ng kapangyarihang veto ang SOT bill dahil nais niyang magkaroon ng “healthy balance” ng mga interes sa pagitan ng mga manggagawa at mga kapitalista at magdadraft ito ng bagong bersyon ng SOT bill.
Para kay Gaite, walang “healthy balance” sa usapin ng Endo. Aniya, matagal nang pinapatay ng endo ang mga manggagawa. “Ang mga manggagawang kontraktuwal ay wala o mas mababang benepisyo, walang social insurance protection, walang karapatan mag-organisa, walang oportunidad para ma-promote, mas mataas ang withholding taxes, at mga karaniwang target ng diskriminasyon sa trabaho,” dagdag pa niya.
Tinukoy ng Makabayan sa explanatory note ng kanilang panukalang batas ang ilan sa mga malalang kaso ng labor-only contracting tulad ng Peerless Manufacturing Corporation (Pepmaco), NutriAsia, Sumifru at Zagu. Anila, sa kabila ng pagtatrabaho ng mga manggagawa—na may umaabot pa nang 12 taon—ay hindi pa rin nareregularisa at gumagampan lang ng trabaho na “desirable and necessary” sa kanilang kompanya.
I-endo ang Endo
Habang sinusuportahan ang panukalang Pro-worker and Stronger Security of Tenure Bill ng Makabayan sa kamara, tuloy ang pakikibaka sa ng mga manggagawa sa lansangan at sa kanilang mga paggawaan.
Nakatakdang maglunsad ang KMU ng mga serye ng pagkilos laban sa kontraktuwalisasyon na dudulo sa isang malaking martsa ng mga manggagawa ngayong Agosto. Patuloy pa rin ang welga ng mga manggagawa para igiit ang kanilang regularisasyon sa trabaho sa Pepmaco, NutriAsia-Laguna at Zagu na pawang nagsimula sa magkakaibang petsa mula Mayo hanggang Hulyo.
Ayon kay Gaite, tiyak na magpapatuloy ang ligalig sa paggawa kapag nagpapatuloy bilang normal ang mapangabusong kalakaran sa mga negosyo. “Kaya may hamon sa amin, at iyon ang sagutin ang mga kahilingan ng mga manggagawa para sa isang tunay na batas na magtatanggol sa kanilang karapatan sa seguridad sa trabaho, pagdeklara sa lahat ng porma ng kontraktuwal na paggawa bilang iligal at parusahan ang mga magpapatuloy nitong kontra-manggagawang iskema.”