Tinanong namin ang ilan sa mga taga-Mindanao na dumalo sa kilos-protesta noong Disyembre 10, International Human Rights Day, sa Mendiola: Paano nilabag ng administrasyong Duterte ang inyong karapatang pantao?
Jamcy Pinatugao, asawa ni Pina Pinatugao, pinatay na Lumad
Pinatay nila ang asawa ko…Pagdating ng martial law mas nagkaroon ng lakas ng loob yung paramilitary sa aming lugar, naging officially trained na silang militar. Noong November 7, habang nagpapahinga sa isang kubo ang asawa ko, ang kanyang kapatid at pinsan. Pinatay sila. May narinig kami na mga putok, sa umaga nakita namin na patay na sila. Kahit alam namin na ang gumawa talaga yung paramilitar, kahit kilala namin kung sino talaga ang pumatay, wala kaming magawa.
Masaya ako na nandito ako ngayon kasi dito hindi ako nag-iisa. Napahayag ko yung mga problema na doon ay hindi namin masabi dahil natatakot kami.
Datu Andil Ginum Paahan mula sa Talaingod, Davao del Norte
Nilabag ang aming karapatan dahil ayaw namin sa pagpasok sa mining, ayaw namin sa pagsusunog sa mga aaralan namin, ayaw namin na hindi na kami makapasok sa mga lupain namin sa Mindanao. May karapatan kami magdepensa sa aming lupang ninuno…ito ang niyurakan ni Pangulong Duterte.
Elizar Diayon, manggagawa ng Sumifru banana plantation, bise-presidente ng unyon
Grabe talaga ang pagyurak sa aming karapatan bilang manggagawa kasi lahat-lahat hindi nirespeto. Meron nang desisyon ang Supreme Court pero hindi ito sinunod. Kasi lahat ng manggagawa dapat regular na sa kompanya pero ang ginawa ng gobyerno, hindi nirespeto ang desisyon. Dahil may mga kasama na kaming pinatay. Sa pag-disperse aming welga, marami sa amin ang nabugbog at nasugatan.
Ako mismo ay biktima ng karahasan. Nung nagwelga kami, hindi naman ilegal ang aming welga, legal naman kasi sumunod kami sa ano ng ating gobyerno. Tapos binugbog ako ng kapulisan at kasundaluhan noong kami ay nagwewelga. Yan ang martial law sa Mindanao.
Sa amin namang pang-ekonomiyang karapatan, talagang hindi makatao ang turing sa amin. Kinuha ni Duterte ang lahat sa amin, wala na kaming trabaho at ang pamilya namin lahat ay nakasalalay dito. Sana ibigay na ang desisyon ng Supreme Court na gawin kaming regular na manggagawa, yun ang sisingilin namin sa presidente. Para matugunan ang pangangailangan ng aming pamilya na naiwan sa Mindanao habang kami ay nakikipagsapalaran at nakikipaglaban dito sa Maynila.
The post Human Rights Day 2018: Paano nilabag ang iyong karapatan? appeared first on Altermidya.