Site icon PinoyAbrod.net

‘Ibalik ang ABS-CBN’

Maagang nagtipun-tipon ang mga empleyado ng ABS-CBN sa bakuran ng Commission on Human Rights sa Quezon City noong umaga ng Hulyo 6 para maghanda sa kanilang karaban patungong Batasang Pambansa.

Mahalaga ang kanilang pagkilos noong araw na iyon. Posibleng ito kasi ang isa sa mga pinakahuling pagdinig, mula ng nagsimula noong Mayo, ng Kamara hinggil sa pagbibigay ng legislative franchise ang naturang media network.

Nakataya ang kinabukasan ng mahigit 11,000 empleyado ang mawawalan ng trabaho kung hindi muling magbibigay ang Kongreso ng prangkisa sa ABS-CBN. Ayon sa manedsment ng naturang estasyon, maaaring magsimula ang tanggalan sa trabaho ngayong Agosto kung hindi ito makabalik sa ere.

Mahigit 40 sasakyan, na may bihis ng kulay pula, berde at asul na mga lobo at lasso, lulan ang naturang mga empleyado, kasama ang iba’t ibang grupong tagasuporta, ang umarangkada mula Commonwealth Avenue patungong Batasan Road. “Ibalik ang ABS-CBN!”, “Defend Press Freedom!” at “Renew ABS-CBN Franchise!” ang ilan sa panawagang dala-dala ng mga kalahok sa pagkilos.

Pinulitika?

Kung tatanungin si Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite, “politically motivated” ang pagtutol ng kanyang mga kasamahan sa Kamara sa pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN.

“Sa pananaw ng blokeng Makabayan, dapat tapos na ang diskusyon, napakahalatang iba na ‘yung talagang layunin sa usapin ng franchise. Imagine, sa ibang franchise bills, lumalagpas yan, isang araw pasado yan sa komite, ni hindi na pinag-uusapan pagdating sa plenaryo. Pero alam na natin politically motivated ang pagblock sa franchise ng ABS-CBN,” ani Gaite.

Umaasa siya na ito na sana ang huling sesyon ng pagdinig ng komite. Pero posible ring mapatagal pa ito. Pabalik-balik umano ang talakayan sa mga paglabag ng naturang network na ayon sa kanya’y wala hindi naman mapatunayan.

Lagpas sampung sesyon na ang idinaos ng Committee on Legislative Franchise and Public Accountability mula noong Mayo. Dito, tinalakay ang diumano’y mga paglabag ng naturang network – usapin ng citizenship ni Eugenio Gabriel “Gabby” Lopez III, chairman emeritus ng ABS-CBN, ang mga paglabag sa karapatan ng mga manggagagawa at ang pagiging makaisang-panig (“biased”) daw nito.

Isa sa pangunahing tatalakayin ng natitirang sesyon ay ang pagiging “bias” daw ng ABS-CBN noong 2016 eleksiyong pampangulo. Matatandaang inamin mismo ni Pangulong Duterte na masama ang kanyang loob sa network dahil sa “bias” at panggagantso daw nito sa di-pag-ere ng ilang pampulitikang patalastas niya noong kampanya. Bago matapos ang 2019, hinikayat din ng pangulo na ibenta na lang ng ang ABS-CBN naturang estasyon bago mapaso ang prangkisa nito dahil aniya, “mag-renew kayo, ewan ko lang kung may mangyari diyan.”

Lalo pang naging malinaw ang papel ng Palasyo sa pagpapasara sa ABS-CBN nang magsampa ng quo warranto petition sa Korte Suprema si Solicitor General Jose Calida noong Pebrero na kalauna’y ibinasura din ng naturang korte. Napabalita rin na “itinulak” ni Calida ang National Telecomunications Commission upang maglabas ng cease and desist order laban sa naturang network noong May 5 na nagpawalambisa ng prangkisa nito.

Atake sa malayang pamamahayag

Para sa mga nagsusulong ng pagpapasara ng ABS-CBN, hindi raw ito usapin ng pagsikil sa kalayaan sa pamamahayag. Usapin daw ito ng pagpapatupad lang ng batas. Dahil paso na umano ang prangkisa, antimano’y kailangan nitong tumigil sa pag-ere.

Pero ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), pinapatunayan ng mga huling pahayag ni Anakalusugan Rep. Mike Defensor na ito nga’y usapin ng malayang pamamahayag.

Sa programa ng One News noong Hunyo 25, sinabi ni Defensor: “Pabayaan mo iyong shows na non-political. Katulad nung reklamo nung isang kasama ko, naka-air na naman sila, tinira si ganito, tumira si ganyan, o one-sided iyong paglabas ng issue. Iyong news ang nagiging problem as of now.”

“Salamat, Rep. Mike Defensor sa pagkumpirma sa kung ano ang alam ng lahat pero pilit pa ring itinatanggi ng gobyerno at mga alipores nito: na ang pagpapasara sa ABS-CBN at ang sirkus sa mga pagdinig sa Kamara hinggil sa prangkisa ng network ay totoong usapin ng malayang pamamahayag,” ayon sa NUJP.

Puna pa ng grupo, bakit pinapahintulutan ng mga opisyal ng committee on good government and public accountability ang pagpapatanggal ng watchdog component ng ABS-CBN bilang susing mekanismo sa pagtitiyak ng good governance and accountability? Anila, paglabag ito sa Article 1, Sec. 2 ng Broadcast Code ng Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas na nagsasaad na ang balita’y magiging bahagi ng arawang programa ng isang estasyon. Dapat din ilaan ang hindi bababa sa 30 minuto ng arawang pagprograma.

Karaban ng mga sasakyan para sa pagsuporta sa prangkisa ng ABS-CBN sa Commonwealth Avenue, Quezon City patungong Batasan Pambansa Complex ng Kamara noong Hulyo 6. Neil Ambion

Apela sa Kamara

Hiniling naman ang NUJP na ibigay na ang prangkisa ng ABS-CBN dahil mas kapaki-pakinabang ang patuloy nitong operasyon.

“Naniniwala kami na ang ABS-CBN ay dapat mabigyan ng oportunidad na maitama ang mga kamaliang hayagang inaamin at ipinapangakong itama. Umaapela kami sa Kamara, partikular sa mga miyembro ng dalawang komite na gamitin ang kanilang pagpapakumbaba at ang kabutihan para sa kapanan hindi lang ng mga may-ari ng kompanya kundi ng libo-libong mga empleyado, kasama ang mga journalist at media workers,” ani Raymund Villanueva, deputy secretary general ng NUJP.

Gayundin, nanawagan si Rep. Gaite sa kanyang mga kasamahan sa Kamara: “Dapat tanggalin ang ganitong bias, be as objective as possible. We appeal urgently, pagpasyahan na, iconsolidate o i-adopt na ang proper bill para sa legislative franchise ng ABS-CBN.”

Exit mobile version