Site icon PinoyAbrod.net

Ilang implikasyon ng humuhusay na relasyong pang-ekonomiya ng Pilipinas at China

Introduksyon

Bagamat Japan at US ang may pinakamalaking lagak na pamumuhunan (foreign direct investments o FDI stock) sa bansa at pang-walo lang ang China sa halaga ng approved FDI sa unang semestre ng 2018, lumalaki ang daloy ng pamumuhuhan (FDI inflows) ng China sa Pilipinas. Umabot ito sa US$1.043 bilyon sa ilalim ng dalawang taon lamang (July 2016-July 2018) ng administrasyong Duterte kumpara sa US$1.231 bilyon sa kabuuan ng termino ni Aquino at US$825 milyon ni Arroyo. Sa unang semestre ng 2018, nilampasan ng US$175 milyong FDI ng China ang US$154 milyong FDI ng Japan at US$84 milyong FDI ng US.

Sa larangan ng official development assistance (ODA), mahigit sa kalahati ng ODA sa bansa ay mula pa rin sa Japan (US$5.3 bilyon) at sa pinangungunahang bangko nito, ang Asian Development Bank (ADB) (US$2.3 bilyon), at sa US (US$730 milyon). Gayunman, lumobo ang ODA mula sa China mula US$1.5 milyon lamang noong 2016 tungong US$63.5 milyon noong 2017.

Sa kalakalan, sinasabing ang China na ang pangunahing trading partner ng Pilipinas, isang penomenon na maoobserbahan mula pa 2010. Nitong Setyembre, inungusan ng China ang US bilang destinasyon ng exports ng Pilipinas na nagkakahalaga ng US$1.545 bilyon kumpara sa US$966.35 milyon lang papuntang US. China na rin ang pangunahing pinagmumulan ng imports ng Pilipinas: 19% (US$1.8 bilyon) ito ng kabuuang imports.

Nakatatlong bisita na rin sa China si Duterte kasama ang malaking entourage ng mga negosyante at opisyal ng gobyerno sa loob lamang ng dalawang taon. Ang huli ay nagbunga ng 24 kasunduan, kasama ang US$15 bilyon-halagang mga memorandum of agreement (MOA) at US$9 bilyon na utang.

Marami tuloy ang nagtatanong kung ano ang implikasyon nito sa atrasadong ekonomiya ng Pilipinas at sa analisis na US ang dominanteng imperyalistang bansa na kumukubabaw dito. Binabasa rin ng marami kung ano ang tunguhin ng gobyernong Duterte sa relasyon sa China at US at nagkaroon ng ganitong penomenal na paglago.

China na ba, sa halip na US?

Mahalagang linawin na ang kapital ng US at ang kanyang junior partner, ang Japan, ang siya pa ring dominante sa bansa. Mahalagang datos ang FDI stock dahil ito ang napapaikot sa ekonomiya at may konsiderableng impluwensya, maging sa pang-akit ng ibang FDI o pagbunsod ng capital flight. Sa usapin na lang ng portfolio investment o hot money, 43% pa rin ang bahagi ng US, habang 6% lang sa mainland China at 3% sa Hong Kong. Kayang-kaya pa ring yanigin ng US ang kanyang mala-kolonya.

Sa ODA, maliit lang ang komitment mula sa China kumpara sa US at Japan. Mahalaga ring banggitin na ang kasalukuyang suporta mula sa US ay mas malawak ang saklaw, hindi lang dahil ito ay military at security aid, kundi nakapaloob pa rito ang masaklaw na mga policy dictates ng Partnership for Growth (PFG).

Sa kalakalan, katulad ng nabanggit, mahalaga ang papel ng China bilang nangungunang kontraktor sa Factory Asia. Mahalagang aralin din ang FDI mismo sa China at kung paano ito makakaapekto sa sarili nyang kalalakan.

Sa kalakalan ng Pilipinas, electronic products pa rin ang nangunguna. Sa diwa pa ito ng papel ng Pilipinas sa global value chains (GVC) ng mga transnational corporations (TNC) na dumadaan din sa China. Sa imports naman, nagsisilbing lokasyon ang Pilipinas sa manupaktura ng mga TNCs. Mapapansin din ang paglaki ng importasyon ng mga kagamitan para sa konstruksyon sa panahon ni Duterte kaugnay ng Build, Build, Build (BBB). Samakatuwid, ang mga Chinese exporters sa Pilipinas ay mga nangungunang kontraktor para sa GVC. Samantala, ang mga Chinese firms na nasa bansa na nag-iimport ng kailangang materyales para sa konstruksyon ay maaaring siya rin mismong kontraktor ng mga imprastraktura o sila ay nagbibigay serbisyo lamang para sa konstruksyon. Anupaman, katulad ng nabanggit, ang approved FDI na inuulat ng mga EPZs ay kalakhan mula sa Japan at US pa rin. Mataas pa nga ang galing sa ASEAN katulad ng Indonesia at Malaysia. Ang kahulugan nito, mistulang lokasyon pa rin ang Pilipinas ng pamumuhunan ng mga TNCs para sa kalakalan habang ang China ay nagsisilbing traffic o daluyan ng GVC.

Ang katangian ng kapital mula sa China

Walang opisyal na datos kung nasaang sektor at anong tipo ng Chinese FDI nga ba ang nakalagak sa bansa. Sinisikap pa ng IBON na tilarin ang mga hiwa-hiwalay na datos. Subalit mahalagang banggitin ang mga partikular na katangian ng kapital mula sa China.

Una, upang mamantini ng China ang pamumuhunan sa fixed assets sa kanyang ekonomiya (na host ng malaking global FDI bilang sweatshop ng mundo) at ang kanyang export competitiveness, kinokontrol nito ang kanyang currency. Ginagamit nya kung gayon ang Hong Kong bilang intermediary na lilikha ng isang liberalized currency na pinakikinabangan ng mga Chinese firms. Minsan pa nga, ang kanilang nakalagak na kapital sa Hong Kong ay bumabalik sa China bilang ‘foreign investments’ at nakikinabang sa mga insentiba na binibigay ng gobyerno ng China sa FDI.

Pangalawa, ang monopolyo ng estado sa pamamagitan ng mga state-owned enterprises (SOEs) ay nagbibigay-karakter sa FDI na animo ito ay ODA gayong pamumuhunan naman ito ng mga pribadong korporasyon na pag-aari ng mga Chinese officials.

Pangatlo, dahil nga sa malakas na interbensyon ng estado sa imperyalistang tunguhin ng China, mahalaga para rito ang kabukasan ng mga gobyerno ng host countries katulad ng kabukasan ng administrasyong Duterte.

Sa ngayon, maaaring hatiin ang Chinese FDI sa dalawa: Sa isang banda, nariyan ang malalaking pamumuhunan na may malalim na impact sa ekonomiya ng host at kadalasan ay nasa mga estratehikong sektor. Sa kabilang banda naman ang mga maliliit na pribadong namumuhunan na kadalasan ay mga small and medium enterprises.

Ang mga malalaking FDI ay kadalasang nasa imprastraktura, malalaking pasilidad, mga sektor ng ekonomiya katulad ng enerhiya o transportasyon, at iba pa. Maaari itong ODA na pinopondohan ng Chinese Exim Bank o Chinese Development Bank. Maaaring SOEs o mga pribadong monopolyo ang nangunguna, kasama ang pagtukoy ng mga pangangailangan ng materyales at paggamit ng lakas-paggawa ng China. Minsan tinatawag itong ‘government-to-government’ o G2G sa laki, subalit mali ang katawagang ito dahil bagamat estado ng China ang may huling desisyon sa mga pamumuhunang ito, pinangungunahan ang mga ito ng mga pribadong monopolyo. Ang mga maliliit naman ay makikita sa mga export processing zones (EPZs) at mga di-gaanong estratehikong sektor. Hindi sila umaasa sa mga bangko o estado ng China. May ilang pag-aaral na nagsasabing di-hamak na mas marami ang mga maliliit na kumpanyang Chinese namumuhunan sa Pilipinas kesa malalaki.

Ilan sa mga malalaking kapital ng China sa ilalim ni Duterte ay nasa mga estratehikong sektor ng transportasyon katulad ng PNR South Long Haul at Mindanao Railway, Subic-Clark Railway, at Mindanao Railway; sa tubig at irigasyon katulad ng Chico River Pump Irrigation Project, New Centennial Water Source-Kaliwa Dam, at Ilocos Norte Irrigation; roads and bridges katulad ng mga tulay sa Pasig-Marikina, Davao-Samal, Davao River, Davao City Expressway, Panay-Guimaras-Negros, at Camarines Sur Expressway; enerhiya katulad ng Agus-Pulangui Hydroelectric Power; at flood control katulad ng Ambay-Simuai Rio Grande de Mindanao. Naglagak din ang China para sa konstruksyon ng command center ng PNP, BJMP at BFP sa Metro Manila at Davao.

Kasalukuyang nagkakahalaga ang mga proyekto ng Php392 bilyon – ang PNR South Long Haul ang pinakamalaki (Php3.2 bilyon). Ang halagang ito ay maliit pa rin kumpara sa ODA mula sa Japan. Sa katunayan ang buong Chinese ODA ay katumabas lamang ng Mega Manila Subway Project ng Japan.

Samantala, dumami ang mga maliliit na negosyante at turista mula sa China, na nakisosyo sa mga negosyanteng Pilipino sa real estate, tourism, retail, at maging sa services. Nanumbalik rin ang kumpyansa ng mga Chinese firms na muling mamuhunan sa pagmimina, na dati-rati ay ‘inuusig’ ng gobyernong Arroyo at Aquino.

Ang pakikipag-mabutihan ng gobyernong Duterte

May ilang nagsasabi na ang suporta ng China sa war on drugs ni Duterte ang siyang dahilan ng pakikipag-maigihan ng gobyerno sa dati-rati ay ‘inaway’ ng administrasyong Aquino. Isa sa mga proyektong ODA ng China ang pasilidad at kagamitan ng kapulisan upang diumano’y maipatupad nang mahusay ang war on drugs. Nakakuha rin ng mga baril at amunisyon ang gobyernong Duterte mula sa China para rito. Magpapatayo rin diumano ang China ng rehabilitation center.

Subalit simple lang ang klarong dahilan ng pakikipag-mabutihang ito. Napaka-ambisyoso ng BBB at mangangailangan ito ng Php8.4 trilyon sa kabuuang termino ng administrasyon. Subalit may pihit ang administrasyong Duterte mula kay Aquino – ang hybrid public-private partnership (PPP) kung saan ang gobyerno ang magpapatayo ng mga pasilidad at ang pribadong korporasyon ang mag-oopereyt at mantine. Pumihit din ang gobyerno sa cash-based budgeting upang hindi maantala ang mga proyekto. Mangangailangan kung gayon ang BBB ng madali, mabilis at malaking pondo, at China ang ganitong kakayahan. Ipinasa ng gobyernong Duterte ang TRAIN upang simulan ang pangangalap ng pondo.

Isinantabi ni Duterte ang ilang tagumpay ng Pilipinas kaugnay ng territorial dispute nito sa China at pinaamo ang huli sa mga anti-US na pahayag at syempre sa kongkretong pagbisita at pagdalo sa Belt and Road Initiative Summit kahit hindi miyembro ang Pilipinas rito. Nagpanukala rin ang gobyernong Duterte ng isang joint energy cooperation mula sa dati nang napirmahan ni Arroyo na Joint Maritime Seismic Undertaking o JMSU. Inaasahan din na dalawang oil exploration deals ang pipirmahan ni Duterte at itataon sa pagdating ni Xi Jinping. Gusto rin ng gobyernong Duterte na alisin na ang mga moratorium sa teritoryo ng Pilipinas sa South China Sea na ipinataw ni Aquino.

Ano kung ganon ang isyu sa kapital ng China?

May ilang nagbababala na mababaon ang Pilipinas sa pagsandig sa kapital ng China. Mataas daw kasi ang interes ng Chinese ODA kumpara sa Japan. Halos para na ngang commercial loan rate ito. At dahil gobyerno ang kausap, deretso itong maniningil sa pondo ng pamahalaan.

Ang outstanding government debt nitong Agosto ay Php7.1 trilyon o 43% ng gross domestic product (GDP). Ang utang panlabas ng gobyerno at pribadong sektor ay Php8.2 trilyon o 25% ng GDP. Ang sa gobyerno ay 48% ng total. Nakakabahala nga ito.

Subalit commercial credit pa rin ang kalakhan ng utang panlabas ng Pilipinas. Sa bilateral, nangunguna pa rin ang Japan, mga multilateral agencies katulad ng World Bank at ADB, at ang US. Samakatuwid, hindi nagrerehistro ang China. Kung titingnan din, lumaki nang di-hamak ang lokal na utang ng gobyerno kumpara sa dayuhang panlabas. Bahagi rito ang paghina rin ng piso sa dolyar.

Mababaon sa utang ang gobyernong Duterte dahil na rin sa kanyang programa. Ang BBB at paggamit ng hybrid PPP na walang matibay na pundasyong industriyal sa ekonomiya ang magbabaon sa Pilipinas sa utang. Kailangang mag-import ng bansa ng lahat ng kagamitan para sa ambisyong programa sa imprastraktura. Mababa rin ang kapasidad hindi lang ng ekonomiya para sa malalaking proyekto kundi mismo ang kapasidad ng gobyerno na ipatupad ito.

Bagamat sa laki at halaga ng pamumuhunan, pautang at interes ay malayong maging bihag sa kapital ng China ang Pilipinas, ang mga terms of reference ng mga ‘kasunduan sa pamumuhunan’ ang magsasadlak sa bansa sa ibayong pagka-alipin. Tinatapakan nito ang soberanya ng bansa na isinusuko ng gobyernong Duterte sa pamamagitan ng pag-collateralize ng mga rekurso at state assets, pagsunod sa batas ng China, at pagpapailalim sa korte ng China. Ito ang kasunduan sa Chico River Irrigation Pump Project, halimbawa. Isinusuko rin ng gobyernong Duterte ang mga rekurso sa teritoryo ng bansa sa South China Sea. Kaugnay nito ang pagsusumiksik ng gobyernong Duterte sa Belt and Road Initiative upang maakit ang mga pamumuhunan. Bilang kapalit, pinapadulas ng Pilipinas ang naisin ng China sa buong karagatan.

Isang nakababahala sa gusto ng China na ‘kabukasan’ ng host country ang kawalang pagkilala ng China sa environmental, labor and social standards, kasama na ang karapatang pantao. At dapat ganito rin ang pamantayan ng Pilipinas. Umaalingasaw ding usapin ang korupsyon sa mga kasunduan dahil sa kawalan ng transparency sa mga ito at sa nagdudumilat na pagpabor ni Duterte sa mga Chinese firm at mga lokal na oligarkiya at kasosyo.###

Exit mobile version