Site icon PinoyAbrod.net

IN PHOTOS: Martsa laban sa pampulitikang panunupil

Mga larawan nina Akira Liwanag at Erika Cruz

Nagkasa ng isang kilos-protesta ang mga progresibong grupo sa UST patungong Mendiola upang patuloy na kundinahin ang pampulitikang panunupil at atake ng rehimeng Duterte laban sa mga mamamayan nito at ang lumalalang extrajudicial killings na kumikitil sa libo-libong mahihirap.

Kamakailan lamang ay sinampahan ng kasong murder ang “Makabayan 4” na sina Satur Ocampo, Teddy Casino, Rafael Mariano at ang kasalukuyang NAPC Secretary na si Liza Maza ngunit agad ding ibinasura ng korte ng Nueva Ecija ang gawa-gawang kaso dahil sa kakulangan ng mga ebidensya.

Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan, konektado ang pampulitikang panunupil na ito sa hindi pagkatuloy ng usaping pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. Patuloy din ang pagkundina ng mga mamamayan sa iba’t ibang porma ng panunupil ni Duterte sa mga mamamayan nito, halimbawa na lamang ng tumitinding tiraniya at ang nakaambang Cha-Cha at Federalismo na inihahain ni Duterte bilang sagot sa kahirapan.

Matatandaang muling nagbitiw ng pahayag si Duterte na bababa sa pwesto kung papalitan siya ni Bongbong Marcos sa pagkakapangulo kung kaya’t inaalmahan ito ng libo-libong mamamayan. Kasabay ng patuloy na pagkundina sa pampulitikang panunupil ng rehimeng Duterte ay inaalala rin ngayon ang isang taong pagkamatay ni Kian Delos Santos na biktima ng EJKs.

Bukod pa sa EJK ay naririyan din ang Oplan-Tokhang at Oplan-Tambay na kasalukuyang ipinapatupad at kumikitil ng mga mahihirap. Maaalala ang una nitong biktima na si Tisoy Argoncillo na namatay matapos bumili ng load sa tindahan.

Nagsisilbing ang protestang ito upang dagundungin ang Malacanang sa patuloy nitong pagpapahirap sa masa at sa panunupil lalo na sa mga kritiko ni Duterte .

The post IN PHOTOS: Martsa laban sa pampulitikang panunupil appeared first on Manila Today.

Exit mobile version