Sa ilang maiksi ang memorya, marahil ay kailangang ipaalala ito.
Noong panahon ng administrasyong Aquino, nang salantahin ang Eastern Visayas ng bagyong Yolanda, progresibong mga grupo at alyansa ang pinakamasugid na kritiko ng pagpapatakbo ng gobyerno ng relief and rehabilitation. Mabagal, burukratiko at korap ang proseso. Ang kinahinatnan nito: maraming buwan pa ang inabot bago makarating sa naghihirap na mga biktima ang saklolo at suporta. Di-mabilang ang nasawi dahil dito. Samantala, sa mga bodega ng Department of Social Welfare and Development, nakatambak ang mga relief na ayaw ipamigay ng gobyerno. Pati ang mga ayuda mula sa ibang bansa, nahayaang mabulok.
Walang signipikanteng ginawa ang kasalukuyang rehimeng Duterte para mabago ang sistema sa agarang pag-ayuda sa mga nasalanta. Ang mainam lang, noong panahon ng giyera ng rehimen sa Marawi City taong 2017, nasa puwesto pa si DSWD Sec. Judy Taguiwalo para tiyaking mas mabilis kaysa dati ang pamamahagi.
Nakita sa mga panahon matapos ang tatlong malalakas na lindol sa Mindanao noong huling linggo ng Oktubre na nagpapatuloy ang kainutilang ito ng gobyerno. Kumalat agad ang mga balita ng desperasyon at pagkagutom ng mga maralitang magsasaka at residente sa mga baryo na wala nang tahanan. Nakakagimbal at nakakagalit ang mga larawan ng mga taong may hawak na plakard, nagmamakaawa na maayudahan ng pagkain at tubig.
Sa kabila nito, may kapal pa ng mukha si Defense Sec. (at Martial Law administrator daw) Delfin Lorenzana na maglabas ng memorandum sa Philippine National Police na damihan daw ang mga checkpoint sa mga lugar na apektado ng lindol. Para masiguro raw na ang nakakapasok lang ay iyong opisyal at rehistradong ayuda ng gobyerno. Ibig sabihin, hindi magiging madali para sa independiyenteng mga grupo na makapasok sa mga lugar na apektado – kahit pa walang nakakaabot sa mga ito na ayuda mula sa mismong gobyerno.
Malinaw ang pakay ni Lorenzana: Para mapigilang makita ng publiko ang tunay na lagay ng mga biktima, at hindi maisiwalat ang kainutilan ng rehimen. At para rin maipakitang ang rehimeng Duterte lang ang tanging tatanawan ng utang-na-loob ng mga biktima, kung sakali.
Hindi nakapagtatakang iyong mga sinusupil ngayon ng rehimeng Duterte – ang progresibong mga grupo at alyansa – ang sa kasaysaya’y siyang ilan sa pinakamaagap na tumutugon sa relief efforts sa mga panahon ng salanta, kahit pa limitado pa lang ang inaabot ng mga ito. Sila rin ang pinakamasigasig na kritiko sa di mabilis na pagtugon ng gobyerno.
May direktang kaugnayan ang crackdown ng rehimen sa Negros at Manila at ang pagkontrol ng rehimen sa relief efforts sa Mindanao – para pigilang malaman ng publiko ang kainutilan nito sa harap ng malubhang trahedya, panahon man ng kalamidad o hindi.