Napakahiwaga ng Southeast Asian (SEA) Games dito sa Pilipinas: ang pera, hindi pumupunta sa ipinaglalaanan, ang mga ipinatayong istruktura hindi natapos kahit Oktubre pa raw ay pahanda na, at may kaldero ka pang mas pinaglaanan ng pondo kaysa pangkain ng mga atleta.
Nagdilang-anghel na nga si Sen. Bong Go nang sabihin niya noong Oktubre na maipapamalas natin sa buong buong mundo ang layo ng narating ng Pilipinas sa pamamagitan ng SEA Games. Napakalayo nga naman ng narating ng korupsiyon sa bansa at sa kabila ng P11 Bilyong inutang sa isang firm sa Malaysia, napakarami pa ring butas ng hosting sa SEA Games.
Kadalasan, ang mga diktadura, ginagawang pagkakataon ang mga paligsahang pampakalasan para magyabang sa mundo ng kakayahan nito. Pero mukhang hindi na kaya pang igapang ito ng rehimeng Duterte. Para makabangon nang kaunti ang imahe ng matapang na lider, biglaang sinibak si Bise Pres. Leni Robredo bilang tagapangasiwa ng programa kontra droga. Ganoon pa man, iba talaga ang alingasaw nitong SEA Games. Matagal-tagal ang talab sa kamalayan ng imahen ng mga atletang kikyam at itlog ang inaalmusal at sahig o upuan ang tinutulugan.
Para dumagdag sa gulo, inilalaglag na rin ng mga kaalyadong sina Bong Go at Manny Pacquiao ang organizer na si Alan Peter Cayetano. Tunay ngang napakanipis ng pagkakabigkis kapag korupsiyon ang punong pagkakaisa.
Pagkakaisa naman ang isang ibinabato sa mga kritiko ng pag-oorganisa sa SEA Games. Hindi raw makabayan ang nangyayaring pagpapaulan ng kritisismo sa gobyerno. Lalo lang raw nitong pinapapangit ang imahe ng Pilipinas.
Kung tutuusin, napakagandang punto ng pagkakaisa itong pagpuna sa SEA Games. Minsanan nating mapupukol ang mga isyu ng pang-aagaw sa lupang ninuno, korupsiyon sa gobyerno, kawalan ng suporta sa mga atleta, at kapalpakan ng planong pagpapaulan ng substandard na imprastruktura. Tandaan, iyong bilyong inutang, tayo rin ang papasan.