Suriin natin ang nakaraan para mas maintindihan ang kahulugan ng kabayanihan.
Ano nga ba ang nangyari noong Abril 9, 1942 na siyang batayan ng tinaguriang Araw ng Kagitingan? Sa konteksto ng kolonisasyon, pinilit ng mga sundalong Hapon na sakupin ang Pilipinas kahit na nasakop na tayo ng mga Amerikano. Bago ang mga Amerikano, matatandaang umalis ang mga Kastila noong 1898 matapos ang mahigit 300 taong pananakop.
Ang partikular na komemorasyon 77 taon na ang nakaraan ay ang pagsuko ni Major General Edward King sa 76,000 sundalong Pilipino, Amerikano at Tsino sa mga Hapon. Pinilit silang paglakarin mula Mariveles, Bataan hanggang Camp O’Donnell, San Fernando. Tinawag itong Bataan Death March hindi lang dahil sa distansyang 145 kilometro na inabot ng limang araw ang paglalakad kundi dahil sa libo-libo ang namatay dahil sa gutom at sakit, bukod pa sa pagmamalupit ng mga sundalong Hapon.
Ang tanong marahil sa puntong ito: Nasaan ang kagitingan sa tinaguriang pagbagsak ng Bataan (Fall of Bataan)? Bakit kailangan pang alalahanin ang trahedyang pinagdaanan ng libo-libong namatay sa Bataan Death March?
Kung susuriin ang ilang interpretasyon sa nangyari, ang mga nahuli’t sumukong sundalong Pilipino noong panahong iyon ay magigiting. Kahit na ang pagsuko sa Bataan ay nagresulta sa pagbagsak ng Corregidor, hindi naging madali para sa mga Hapon na gapiin ang mga baseng militar ng mga Amerikano sa buong Pasipiko. Napilitan kasi ang mga Hapon na maging mas maingat at magdahan-dahan dahil sa karanasan nila sa Bataan. Dahil dito, nagkaroon ng oras ang Estados Unidos at ang mga alyado nito para maghanda sa mga susunod pang laban tulad ng Battle of the Coral Sea (Mayo 4-8, 1942) at Battle of Midway (Hunyo 4-7, 1942).
Kasaysayan din ang magpapatunay na nakuhang muli ng pinagsamang puwersa ng mga Amerikano at Pilipino ang Bataan noong Pebrero 8, 1945. Sa pagtatapos naman ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nilitis ng isang Amerikanong military tribunal si Lieutenant General Homma Masaharu, ang kumander ng mga sundalong Hapon na sumakop sa Pilipinas. Dahil napatunayang responsable sa Bataan Death March, pinatay siya sa pamamagitan ng firing squad noong Abril 3, 1946 (o anim na araw bago ang ika-apat na taong komemorasyon ng tinatawag natin ngayong Araw ng Kagitingan).
Totoo naman ang sakripisyong ipinakita ng mga Pilipinong sundalong lumaban sa mga Hapon. Pero tandaan sana nating nagmistulang lunsaran lang ang Pilipinas ng mga giyera ng agresyon ng Amerika at ng mga alyadong bansa nito tulad ng Gran Britanya, Unyong Sobyet at Pransya. Sila ang bumubuo sa tinaguriang Big Four ng Allied Powers. Kasama sa iba pang bansang alyado ng Amerika noon ang Tsina, at ito ang magpapaliwanag kung bakit may mga Tsinong sundalo ring kasama sa Bataan Death March.
Ang kasaysayan ng Pilipinas ay kasaysayan ng paglaban sa mga mananakop. Nasa proseso na tayo ng pagkamit ng tunay na kalayaan noong huling dekada ng ika-19 na siglo pero inagaw ng Amerika ang tagumpay na ito sa pamamagitan ng pakikipagkasundo sa mga Kastila. Nagmistulang kasangkapan ang Pilipinas na ibinigay ng mga Kastila sa mga Amerikano sa pamamagitan ng Treaty of Paris na pinirmahan noong Disyembre 10, 1898. Sa katunayan, nagbayad ng US$20 milyon ang Amerika sa Espanya para sa Pilipinas. Kung ang populasyon ng Pilipinas ay 7.8 milyon noong 1898, mistulang binili ng Amerika ang Pilipinas mula sa Espanya sa halagang $2.55 bawat Pilipino.
Ano ba ang mayroon sa Pilipinas at sinakop ito ng mga Kastila, Amerikano at Hapon? Kung susuriin ang isang sikat na kanta tungkol sa ating bayan, tayo ay lupain ng ginto’t bulaklak. Sa madaling salita, nariyan ang mga yamang lupa at yamang dagat, bukod pa sa lakas paggawa ng mga ninuno natin.
Ito rin ang magpapaliwanag kung bakit patuloy ang pagpasok ng mga mananakop sa kasalukuyang panahon. Kahit na sabihing hindi na dayuhan ang mga nasa gobyerno, mistulang dayuhan pa rin ang kanilang perspektiba lalo na sa usapin ng proteksyon ng ating pambansang soberanya.
Totoong dapat isakonteksto ang komemorasyon ng mga makasaysayang pangyayari tulad ng nangyari noong Abril 9, 1942. Hindi po ito simpleng usapin ng kanya-kanyang opinyon o interpretasyon ng nakaraan. Higit sa lahat, ito ay ang pagkakaroon ng perspektibang ipagpatuloy ang sinimulan ng ating mga ninuno para tunay tayong maging malaya sa mga mananakop na dayuhan.