Site icon PinoyAbrod.net

Isang taong teror

Isang taon nang pinatutupad sa isla ng Mindanao ang batas militar. Isang taon na mula nang masimulan ang pagkasira sa lungsod ng Marawi sa ngalan ng giyera kontra sa mga terorista.

Pero para sa rebolusyonaryong kilusan na target ng batas militar sa Mindanao, terorismo ang mismong ipinataw ng militar at rehimeng Duterte sa mga mamamayan ng Mindanao at Bangsamoro.

“Kinober ng batas militar ni Duterte hindi lang ang Marawi kundi ang buong isla ng Mindanao, (at) binigyan ng buong lisensiya at kontrol ang AFP/PNP (Armed Forces of the Philippines/Philippine National Police) sa pagharang at paglaban sa sinumang tinuturing na ‘teroristang banta’ ng reaksiyonaryong estado,” sabi ni Joaquin Jacinto, tagapagsalita ng National Democratic Front sa Mindanao.

Ang naging resulta: limang buwan ng walang-habas na pananalakay ng militar sa baba, habang sunud-sunod ang pambobomba mula sa ere gamit ang pinakahuling bombers, jet fighters, drones, helicopters, at artillery ng AFP, sa tulong ng armadong puwersa ng US.

Wasak ang buong lungsod ng Marawi habang napaslang naman ang di-pa-rin-mabilang na mga sibilyang naiwan o naipit sa lungsod. Ang tantiya ng NDFP, mahigit isanlibong sibilyan ang nasawi sa Marawi.

“Nagresulta din ito sa isa sa pinakamalawak na ebakwasyon sa bansa sa bagong kasaysayan, kung kalian kalahating milyon ang puwersahang lumikas mula sa kanilang mga tahanan at kabuhayan para maligtas,” sabi pa ni Jacinto. “Ipinasailalim naman sa ilang buwan ang mga bakwit (evacuees) sa gutom, kahihiyan at panliligalig sa mga evacuation center na di masyado suportado, (at) nasadlak ang ilang sibilyan sa kalungkutan at halos-kabaliwan.”

Samantala, sa buong Mindanao, pinakawalan umano ng AFP ang mga operasyong militar sa lahat ng rehiyon. Gumamit ang mga operasyong ito ng pambobomba mula sa ere at panganganyon—para sundin ang utos ni Duterte na “patagin ang mga burol.”

Tinatayang 51 batalyon ng Philippine Army ang nadeploy sa buong Mindanao—o humigit-kumulang 72 porsiyento ng buong puwersa ng AFP sa buong bansa.  Magmula Mayo 23, 2017 hanggang Mayo 2018, nakatala ang Karapatan ng 49 biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa Mindanao, o isang biktima kada linggo.

“Maliban sa Marawi City, daandaanlibong mamamayang Lumad, Bangsamoro at magsasaka sa isla ang puwersahang nagbakwit nang walang tiyak na suporta,” sabi pa ni Jacinto. “Sa mga bakwit na Maranao, sa kabila ng paulit-ulit na mga pangako ng rehimeng US-Duterte (sa pamamagitan ng “Task Force Bangon Marawi”) na ibabalik sila sa kanilang mga tahanan, nananatili sila sa mga barungbarong na tent cities sa labas ng Marawi.”


Featured photo: Larawan ni Kathy Yamzon
Exit mobile version