Site icon PinoyAbrod.net

Jeepney Phaseout | Paano maaapektuhan ang mga komyuter sa PUV modernization program?

Suliranin sa karamihan ng mga Pilipino ang araw-araw na pamumuhay, mula sa pagkakasya sa badyet ng mababa-sa-minimum na sahod; sa pagtitiis sa masikip at maiinit na klasrum; sa pangangambang hindi na makahanap ng trabaho kapag nag-endo o “end of contract na”; sa apat na oras o higit pa sa gitna ng matinding trapik.

Bukod sa nabanggit, paanong dagdag na pahihirapan ng PUV modernization program ng gobyerno ang milyun-milyong ordinaryong mamamayan?

#WalangJeep

Noong sinimulan ng gobyerno ang Tanggal Bulok, Tanggal Usok noong Enero, naging mabigat na pasanin ang kakulangan ng mga jeepney sa lansangan.

Patotoo nito ang hulihan ng mga jeep sa University of the Philippines Diliman campus noong Pebrero 8, kung saan 97 jeepney ang pinatigil ng I-ACT (Inter-Agency Council on Traffic) sa kanilang biyahe. Ayon sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board, marami umano sa mga ito ang hindi pumasa sa anti smoke-belching test at lumabag sa Land Transportation and Traffic Code.

Tagumpay man kung ituring ng gobyerno ang operasyon ng I-ACT, ngunit naging malaking perwisyo ito sa libu-libong estudyanteng pumapasok sa araw na iyon. Minimal lang ang naitulong ng sampung solar-powered jeepney na inilaan para ihatid ang mga estudyante sa kanilang mga destinasyon.

Protesta ng mga tsuper, estudyante, at guro ng UP Diliman noong ikinasa ng I-ACT ang Tanggal Bulok, Tanggal Usok sa campus. Larawan mula sa Twitter ni Pat Jasmin.

Habang mahirap rin para sa mga komyuter ang makasakay dahil sa mga ikinakasang tigil-pasada ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) at No To Jeepney Phaseout Coalition (NTJPOC), magkaiba ito sa programang Tanggal Bulok, Tanggal Usok.

Ipinaliwanag ni PISTON National President George San Mateo na ang tigil-pasada ay isang mataas na porma ng pagtutol sa PUV modernization program ng gobyerno. Pinapatunayan ng mga tigil-pasada ang abalang naidudulot sa mga komyuter kapag ipinatupad ang modernisasyon, o phaseout para sa mga mga tsuper at opereytor.

Mas mahal na pamasahe

Sasabihin ng mga umaayon sa phaseout na hindi naman maaabala ang mga komyuter dahil papalitan naman ang mga lumang yunit ng mga e-jeep. Marami nga lang pagkakaiba ang dalawa.

Bukod sa mas angkop ang lumang disenyo sa ating mga lansangan, klima, at sa pangmatagalan at malayuang biyahe, aabot lamang sa P200,000 hanggang P300,000 ang pagbubuo ng isang yunit ng jeep kumpara sa P1.6 milyon para makabili ng isang e-jeep.

Ayon sa Omnibus Franchising Guidelines ng Department of Transportation (DOTr), bawal ang single-unit operation ng e-jeep at kinakailangan ang minimum na 20 e-jeep para makakuha ng franchise sa LTFRB ; ibig sabihin, imposibleng makapagmay-ari ang mga indibidwal na opereytor ng franchise kung kaya mga pribadong kumpanya na lamang ang magiging opereytor ng mga bagong yunit.

Kusa ring tataas ang minimum na pamasaheng babayaran ng mga estudyante, manggagawa, at empleyado papunta at pabalik sa eskwelahan o trabaho. Mayroon nang pasulyap ang lokal na gobyerno ng Maynila sa e-tricycle nito, kung saan P20 ang minimum na bayad. Halimbawa, imbes na P8 lang ang biyaheng Divisoria hanggang Morayta o Recto, mas mataas pa sa doble ang kailangang iabot na pamasahe.

Pila ng e-trike sa Divisoria, Maynila. Kuha ni Erika Cruz.

Route Rationalization

Kasama sa PUV modernization program ang pagbabago ng mga ruta ng mga jeepney batay sa mga plano sa pampublikong transportasyon ng mga lokal na gobyerno at sa pangangailangan ng mga komyuter. Isa sa mga partikular na layunin nito ang pagbabawal ng mga jeep sa mga pangunahing lansangan, kaya bus, MRT, at LRT na lang ang pagpipiliang sasakyan. Isang hakbang sana ang route rationalization upang maging maayos ang sistema ng transportasyon, ngunit karugtong nito nag iba pang mga suliranin: trapik sa mga mayor na lansangan at hindi maaasahang takbo ng mga tren.

Problema sa mass transport system at pambansang industriyalisasyon

Mula sa kawalan ng jeep sa mga kalsada hanggang sa madalas na pagkakasira ng MRT, malayo pa ang tatahakin upang makamit ang isang matinong sistema ng transportasyon sa Pilipinas. Kapag sinabi nating matino, ito ang komprehensibong pamamalakad ng transportasyon sa lupa, dagat, himpapawid, at mga tren na pangunahing nagsisilbi para sa publiko at hindi upang kumita ang gobyerno at mga pribadong korporasyon.

Hindi sinasagot ng PUV modernization program ang panawagan para sa maayos na mass transport system, bagkus lalo nitong isinasapribado ang isang batayang serbisyo.

Isang pangmatagalang solusyong tutugon sa problemang ito ang pambansang industriyalisasyon o pagbubuo ng sariling industriya ng Pilipinas. Binabago nito ang kalakarang eksport ng mga hilaw na materyales (tulad ng iron oxide ore) at importasyon ng mga yari nang produkto (bakal) mula sa mga industriyalisadong bansa.

Sa ilalim ng pambansang industriyalisasyon, maaaring lumikha ang gobyerno ng isang polisiya tungo sa lokal na pagmanupaktura ng mga bagong jeep, imbes na mag-import pa ng mga e-jeep mula sa mga dayuhang kompanyang Isuzu, Hino, Fuso, at Foton.

Malaking hakbang rin ang pambansang industriyalisasyon tungo sa paglunas sa pang-araw-araw na suliranin ng mamamayan: lupa, trabaho, edukasyon, at mga serbisyong panlipunan.

Sa paghangad ng ligtas at maginhawang byahe para sa mga pasahero, mainam kung pag-aaralan ng gobyerno ang mga solusyong aayon para sa nakararaming Pilipino — ang mga tsuper, opereytor, estudyante, manggagawa, empleyado, magsasaka — silang obligado nitong pagsilbihan.

 

 

 

The post Jeepney Phaseout | Paano maaapektuhan ang mga komyuter sa PUV modernization program? appeared first on Manila Today.

Exit mobile version