Nararamdaman ang tumitinding diskuntentong panlipunan sa Pilipinas, hindi lang dahil sa mga krimen at patayan, kundi dahil sa masamang epekto ng sobrang mataas na antas ng implasyon, pagtaas ng mga presyo ng mga pangunahing bilihin na sumisidhi pa ang epekto sa patuloy na kawalan ng batayang panlipunang serbisyo.
Ganyan din ang antas ng diskuntentong panlipunan sa Nicaragua dahil sa nagpapatuloy na panunupil ng kasalukuyang gobyerno ni Presidente Daniel Ortega sa paglaban ng mga mamamayan ng mga bansang iyon sa kanyang mga patakaran na nagpapahirap sa kanila. Ganunpaman, ano kaya ang pagkakaiba at pagkakapareho ng kasalukuyang sitwasyon sa Pilipinas at sa mga bansa sa Latin America?
Inalam ko ang mga pananaw ni Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) Chief Political Consultant Jose Ma. Sison hinggil sa pagkakaiba at pagkakapareho ng kasalukuyang sitwasyon sa Pilipinas at sa mga bansa sa Latin America.
Kumusta kaya ang Latin Amerika?
Ayon sa pagtataya ni Prof. Sison, matindi umano ang diskuntento ng masa sa kasalukuyang sitwasyong panlipunan at maligalig ang sitwasyong pampulitika sa mga bansa sa Latin America.
Sinabi niya na “bakuran at dominado ng imperyalismong US ang Latin America. May mga tratado, kasunduan at kaayusan sa ekonomya, kalakalan at seguridad kung paano napapanatili ang gahum ng US.”
“Magkasabwat ang mga bangko at empresang US at mga malaking komprador at asenderong lokal sa karamihan ng bansang Amerika Latina. Sa ganitong kalagayan, tumitindi ang pang-aapi at pagsasamantala sa mga anakpawis at tumitindi rin ang kagustuhan nilang mabago ang kalagayan,” pagbibigay-diin niya.
Kalagayang pampulitika
Ipinaliwanag ng CPP founding chairman na ang ng pagkapanalo ng maka-Kaliwang si Andres Manuel Lopez Obrador bilang presidente ng Mexico ay bunga umano ng mga labis-labis na abusadong patakaran ng US sa ilalim ni Trump na laban sa Mexico tungkol sa mga isyu ng imigrasyon, pagtagtayo ng pader, taripa, at iba pa.
“[May] mga makabayan at progresibong partido, organisasyon at kilusang masa na kikilos para maihalal ang mga lider na katulad ni Obrador sa Mexico at ni (Nicolas) Maduro sa Venezuela,” aniya.
“Sa mga kaso na nabulok ang lideratong sosyal-demokratiko tulad sa Brazil at Nicaragua o kaya’y ginugulo ng mga imperyalista tulad sa Venezuela, may pagkakataon na magbuo ng mga panibagong rebolusyunaryong partido ng proleteryado at kilusang masa,” ani Prof. Sison.
“Talagang pansinin na madugo ang patayan sa drug war. Pero ang mas importanteng dapat sapulin sa kalagayang Brazil ay discredited iyong sosyal demokratikong Partido ng mga Trabahador (PT o Workers’ Party sa Ingles) dahil sa korapsyon at lalo pang korap ang mga maka-US at ultra-reaksyonaryong pumalit sa kapangyarihan. Dapat magpalakas ng tunay na partidong rebolusyonaryo ng proletaryado at kilusang masa.”
Hinggil sa nagpapatuloy na kaguluhan sa Nicaragua, naniniwala si Sison na si [Presidente Daniel] Ortega at partido niya [FSLN] ay sumuko na umano sa US at naghaharing sistema sa pamamagitan ng peace negotiations sa nakaraan.
“At lalo pang nabulok sila nang mahalal sila sa loob ng naghaharing sistema. Hindi lang naging lalong korap kundi marahas pa sila sa karaniwang tao. Naging reaksyonaryo sila nang lubusan,” paliwanag niya.
“Wasto ang pakikibaka nina [Presidente Nicolas] Maduro, partido niya {United Socialist Party} gobyerno niya, nagkakaisang hanay at malawak na masang Venezuelano laban sa US at mga reaksyonaryong uri. Dapat suportahan sila. Walang tigil ang panggugulo ng mga kaaway ng bayan at nagbabanta ang US na maglunsad ng agresyon,” ani Prof. Sison.
Sa Colombia naman, sinabi ni Prof. Sison na kapitulasyon ang ginawa ng FARC sa peace negotiations.
“Nabenta ang rebolusyon. At magmula nang mag-surrender, dumarami na ang karahasan ng reaksyonaryong hukbo at mga paramilitar laban sa mga rebolusyonayo at masa,” sinabi niya.
Bunsod ng pagsuko ng FARC, binuwag ang rebolusyonaryong hukbo, pero ngayon naghahari ang mga sandatahang reaksyonaryo.
“Sa kalaunan, lilitaw ang mas determinadong rebolusyonaryong pwersa,” sabi ni Prof. Sison.
Kaugnay naman ng Ecuador, sinabi ni Prof Sison, “Ang mga rehimeng tulad ng kay [dating Presidente Rafael] Correa na mukhang Kaliwa dahil sa platapormang sosyal-demokratiko ay madaling palitan ng US at ng mga lantarang reaksyonaryo sa pamamagitan din ng halalan o kaya ng kudeta kung kailangan.
Paglalapat sa sitwasyon sa Latin America para sa hinaharap ng Pilipinas
“Naniniwala ako na lalong titindi ang kaguluhang panlipunan at pampulitika sa Latin America. Lllikha ang krisis at kaguluhan ng mga pagkakataon doon para magtayo ng rebolusyonaryong partido at kilusang masa,” ayon kay Sison.
“Magandang epekto nito ang pagdami ng inaasikaso ng imperyalismong US at lalaki rin ang pagkakataon ng mga pwersang rebolusyonaryo na sumulong o tululuyang manalo nang ganap sa Pilipinas,” dagdag-paliwanag niya.
“Sa panahon ng kolonyalismo ng Espanya, gumanda ang kalagayan para sa rebolusyon sa Pilipinas nang lumaganap ang pagrerebolusyon sa Amerika Latina noong siglo 19, mula panahon ni (Heneral Simon) Bolivar hanggang pag-rerebolusyon sa Cuba sa panahon ni Jose Marti. Lalong mabilis na mabisa sa kasalukuyang panahon na may inspirasyon at materyal na epekto ng mga rebolusyon sa Amerika Latina sa rebolusyong Pilipino.”
Aniya, nasa digital age na tayo.
“Sa maraming bansa [sa Latin Amerika], mas matindi pa ang sitwasyon kaysa rito sa Pilipinas. Ang pagtindi ng diskuntentong panlipunan ay dahil sa mga patakarang neoliberal, maka-oligarko, maka-malalaking negosyo, at kontra-mamamayan,” paliwanag niya.
“Ang mabuti sa Pilipinas, may matatag na Partido Komunista na namumuno sa demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng pangmatagalang digmang bayan laban sa imperyalismong US at mga lokal na reaksyonayong uri,” pagkukumpara niya.
“Sa kasalukuyang sitwasyon ng Piilipinas, pinaasa ni Duterte ang sambayanang Pilipino na magkaroon ng radikal na pagbabago at binigo niya ang pag-asang ito sa nakaraang dalawang taon.”
“Araw-araw lumalantad siyang sinungaling at malupit na instrumento ng mga imperyalista at mga lokal na nagsasamantalng uri ng mga malaking komprador, asendero at korap na burukrata. Sa panloob na mga dahilan, bumabalikwas na ang malawak na masa laban sa pang-aapi at pagsasamantala,” paliwanag niya.
The post JV ASKS JMS: Hinggil sa kasalukuyang sitwasyon sa Latin Amerika appeared first on Manila Today.