Site icon PinoyAbrod.net

JV Asks JMS: Hinggil sa Posibilidad ng Muling Pag-usbong ng Church Protest Movement

Lumlika ng ingay sa Simbahan ang panggigipit umano ng gobyerno sa dayuhang relihiyosang si Sr. Patricia Fox, NSD, at ang pagpaslang naman kay Fr. Mark Anthony Ventura .

Inaresto ng mga ahente ng Kagawaran ng Imigrasyon si Sr. Fox dahil sa pagsali niya umano sa mga gawaing pulitikal at binigyan ng 30 araw para lisanin ang Pilipinas. Ang pangyayaring ito ay kinondena ng iba’t ibang personalidad at grupo, lalong-lalo na ng kilusang masa at ng Simbahan.

Walang awa namang pinaslang si Fr. Ventura matapos niyang bigyan ng basbas ang mga batang dumalo sa isang misa sa kanyang parokya sa Gattaran, Cagayan noong buwan ding iyon ng Abril. Kilala ang pari dahil sa kanyang pagtuligsa sa dambuhalang pagmimina sa Lambak ng Cagayan.

Habang ang sulating ito ay tinatapos, naglabas si Presidente Duterte ng isang matrix na naglalaman ng mga babaeng nakaulayaw umano ni Fr. Ventura kabilang ang mga asawa ng mga opisyal ng gobyernong lokal, militar, at pulisya. Kinondena naman ito ng marami dahil hindi talaga ito nakatutulong sa pagpapanagot sa mga pumatay sa pari.

Kasabay ng dalawang pangyayaring ito, naglabas din si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ng isang sulat-pastoral na naghihikayat sa mga debotong Katoliko na magnilay at magdasal para sa katotohanan sa gitna ng ‘crisis of truth’ na kinakaharap umano ng bansang ito.

Propetikong Papel ng Simbahan sa Kasalukuyang Panahon

Tinanong ko si Prop. Jose Ma. Sison, CPP founding chairman at NDFP chief political consultant, hinggil sa implikasyon ng mga pangyayaring ito para sa mga taong-Simbahan at para sa masang Pilipino.

Ayon sa kanya, tiyak na ang mga panibagong pag-uusig sa mga taong-Simbahan gaya ng panggigipit kay Sr. Patricia Fox at pagpaslang kay Fr. Mark Ventura ay may kinalaman sa puspusang pagtupad sa propetikong misyon ng Simbahan sa gitna ng tumitinding karahasan, kawalang-katarungan, at korupsyon sa lipunan.

“Pati taong-Simbahan nais supilin ng rehimeng Duterte para ipatupad ang tiraniya at ubusin ang sumasalungat,” dagdag-paliwanag pa niya.

Ipinaliwanag ni Sison na napakahalaga ang pagsunod ng mga namumunong relihiyoso at taong simbahan sa mga atas at dekreto ng Ikalawang Konseho Plenaryo tungkol sa propetikong misyon ng Simbahan na magtayo ng Simbahan ng mga Mahihirap sa pamamagitan ng pakikiisa sa araw-araw na pamumuhay ng mga dukha at ng pagpanig sa kanila laban sa mga inhustisyang panlipunan.

“Malaking pag-unlad ito ng konsyensya. Nagwawaksi ito sa katangiang  konserbatibo at kleriko-pasista [ng Simbahan].”

Napakahalaga ang propetikong papel na ito ng Simbahan sa harap ng tumitinding krisis panlipunan sa bansa.

“Bagamat may tendensya ng mga lider simbahan na maging banay-banay matapos na naibagsak ang diktadurang Marcos, nagpapahayag at kumikilos sila muli sa harap ng bagong halimaw na rehimeng US-Duterte,” ayon sa Sison.

Laging nariyan umano ang Christians for National Liberation na nagpapaalaala sa mga lider át taong simbahan tungkol sa propetikong misyon [ng Simbahan].

Kasaysayan ng “Simbahan ng mga Mahihirap”

“Sa harap ng ambisyon ni Marcos na maging diktador noon pa lang 1969, umusbong na ang mga binhi ng Christians for National Liberation (CNL) at kumilos sila kaugnay ng NDF Preparatory Committee.  Pagpataw ng martial law noong 1972, sinalungat nila ang patakaran ni Cardinal [Rufino] Santos na suportahan si Marcos at bigyan daw ng pagkakataon na gumawa ng mga reporma. “

“Nang pumanaw si Cardinal Santos, kinumbinsi ng CNL [at ng mga ligal na organisasyong relihiyoso] si [Jaime] Cardinal Sin at iba pang obispo para manindigan para sa biktima ng human rights violations, mga api at mahihirap magmula noong 1974 alinsunod sa pagtatayo ng Simbahan ng Mahihirap.”

“Nauna pa rito, maraming seminarista, pari at madre ang kalahok na sa kilusang makabayan at demokratiko. Dumami sila sa mga dekada ’60 at ‘70 hanggang sa kasalukuyang panahon.”

ANG MGA PANLIPUNANG TURO NG SIMBAHAN SA KASALUKUYANG KONTEKSTO

Ayon kay Sison, tumampok sa pananaw ng Simbahan ang mapagsamantala at mapang-aping katangian ng kapitalismo at ang lumalaganap na kilusan ng mga manggagawa at mga komunista magmula pa noong ika-19 na siglo.

“Kung gayon, nagpalabas ang simbahan ng mga social encyclical tungkol sa katarungang panlipunan.”

“Naglabas si Papa Leo XIII ng isang sulat-ensikliko na pinamagatang Rerum Novarum noong 1891 na tumatalakay sa mga pagbabagong panlipunan at mga kawalang-katarungan na nararanasan ng mga manggagawa sa kasagsagan ng Rebolusyong Industriyal.”

“Sinundan naman ito ng mga sulat-ensiklikal nina Papa Pio XI (Quadragesimo Anno), Papa Juan XXII (Mater et Magistra at Pacem en Teris), Papa Pablo VI (Populorum Progressio), Papa Juan Pablo II (Laborem Exercens, Sollicitudo rei Socialis, Centesimus Annus), Papa Benedikto XVI (Caritas in Veritate), at Papa Francisco (Laudato Si). “

“Tinalakay naman umano ng mga itoang mga pagbabagong-panlipunan at mga kawalang-katarungan na nararanasan ng mga mahihirap at api ngunit tumutuligsa naman sa ideyolohiyang Komunista,” paliwanag niya.

Hindi umano talaga maaalis sa Simbahan ang layunin nitong ipatupad ang pinakaunang utos. ang pagmamahal sa Diyos sa ibabaw ng lahat at pagiging kritikal sa komunismo at ateismo.

Subalit puwedeng magkasundo ang mga taong simbahan at mga Komunista sa ikalawang dakilang utos, mahalin ang kapwa tao o paglingkuran ang mamamayan.

“Puwedeng magkasundo ang Simbahan at Kaliwa sa prinsipyo at praktika ng katarungang panlipunan.”

Turo naman umano ng Simbahan ang prinsipyo na ang mga syentipikong batas sa kalikasan at lipunan ay saklaw ng paglikha (creation) ng Diyos sa uniberso at ang prinsipyo ng kalayaan at mutwal na toleransiya sa pag-iisip at pananampalataya. “Kung gayon, laluna sa moderno o makabagong konstitusyon ng Simbahan, tanggap ng Simbahan ang diyalogo at kooperasyon ng Simbahan at mga ateista para sa katarungang panlipunan at kabutihan ng mga tao.”

Puwede umanong tanggapin ng mga taong-Simbahan ang  pangkalahatang programa ng makabayan at demokratikong kilusan.

“Walang paglabag dito sa pananampalataya at konsiyensya ng mga taong-Simbahan. Sabi mismo ng Simbahan na makasarili at hindi sapat ang pananampalataya kung hindi kaakibat ng mabuting gawa para sa kapwa.”

Totoo umano na ang Simbahan ay bukod-tanging puwersa na may kapangyarihan at kakayahan na baguhin ang takbo ng mga pangyayari rito sa bansang Pilipinas, sang-ayon sa paniniwala ng ilang eksperto hinggil sa magiging papel ng Simbahan sa takbo ng mga pangyayari sa bansang ito.

Natutuwa si Sison sa muling pag-usbong umano ng ‘Church Protest Movement’ sa gitna ng kasalukuyang sitwasyon sa bansang ito at ng mga pag-uusig sa mga taong-Simbahan na nagpapahayag ng Mabuting Balita sa piling ng mga mahihirap.

Maliwanag at kapuri-puri naman umano ang mahalagang papel ng mga taong Simbahan sa mga alyansang ekumenikal at multi-sektoral, lalong-lalo na ang Rise Up for Life and for Rights, Movement Against Tyranny, Anawim Mission, at Coalition for Justice.

“Gustong sindakin ni Duterte ang lahat ng tao. Pero nagbubuhat siya ng malaking bato para ibagsak sa sariling paa sa paglaban nlya sa simbahan at taong-Simbahan.”

“Kabilang sa mga hamon at hinaharap para sa mga taong-Simbahan sa gitna ng tumitinding polarisasyon at diskontentong panlipunan sa bansang ito ang pakikipagkaisa sa mga anakpawis at sambayanang Pilipino at ipaglaban hanggang ganap na tagumpay ang pambansang kalayaan, demokrasya, katarungang panlipunan, kaunlaran sa ekonomiya sa pamamagitan ng pambansang industrialisasyon at tunay na reporma sa lupa, pagsulong sa edukasyon at kultura at internasyonal na solidaridad ng mga mamamayan.”

 

The post JV Asks JMS: Hinggil sa Posibilidad ng Muling Pag-usbong ng Church Protest Movement appeared first on Manila Today.

Exit mobile version