Pumanaw ang pambansang tagapagsalita ng Kilos na Manggagawa at pangulo ng Samahan ng mga Janitor sa PUP-NAFLU-KMU na si Ricardo “Ka Rey” Cagomoc noong Marso 8. Sa tulong ng kanyang asawa na si Fely, muli naming binalikan ang pagiging isang ama, masigasig na manggagawa ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) at lider-manggagawa.
Namulat sa kanyang mga karapatan at naging aktibo sa pagtataguyod nito si Ka Rey nang pumutok ang una nilang welga noong 2003 sa PUP. Dito na nagsimula ang paglahok at pakikisangkot ni Ka Rey mula sa mga isyu sa pamantasan, sa komunidad hanggang sa mga usaping pambayan.
“May pamilya din yan, may nag-aaral na mga bata, ganun na lang ba ang gagawin nila? Hirap na nga ang tao, pahihirapan pa nila . Hirap na nga, tas tatanggalin pa,” minsang nasabi ni Ka Rey hinggil sa nakaambang pagtatanggal sa mga manggagawa sa PUP.
Ayon kay Nanay Fely, mabait at matulungin si Tatay Rey sa lahat ng mga taong nangangailangan ng tulong, lalo na sa mga kasamahan nito sa trabaho. Tinutulungan niya maging mga estudyante sa PUP, na malalapit sa puso niya sa tagal ng paglilingkod sa pamantasan.
Dagdag pa ni Nanay Fely, “Matindi ang panindigan niya at matatag siya sa pakikibaka. Ginagawa niya lahat para lang ‘di matanggal ang mga kasamahan niya. Kahit wala siyang makain basta may lumapit sa kanya binibigyan niya o kaya tinutulungan niya. Nakasuhan na rin siya sa PUP, ilang beses na, pero naipanalo niya. Hindi lang siya sa PUP kumikilos.”
May panahong dudukutin siya noong nagwelga sila, pero itinago siya ng mga kasamahan niya. Napakarami na ring nag-alok sa kanya ng bahay at lupa pero ‘di pa rin siya natinag.
Katulad ni Ka Rey ay miyembro rin ng organisasyon si Fely. Hindi nga lang kasing-aktibo ni Ka Rey, dahil na rin na si Fely ang nag-aalaga at nag-aasikaso sa kanilang apat na anak. Ngunit kahit galing mula trabaho si Ka Rey ay tila hindi ito kakakitaan ng kapaguran mula sa gawain sa PUP hanggang sa kanilang bahay.
Hindi masusukat ang pagmamahal ni Ka Rey sa sambayanan, ngunit hindi rin naman matatawaran ang pagmamahal niya sa kaniyang mga anak. Kwento pa ni Nanay Fely ay palaging sabik ang kanyang mga anak kapag isinasama ni Ka Rey ang mga ito sa rali partikular lalo na tuwing Araw ng Paggawa o Mayo Uno. Sama-sama silang pamilya na lumalahok sa mga kilos-protesta. Dagdag pa ni Fely, istrikto bilang ama si Ka Rey. Hindi nito hinahayaan na sobrang gabi umuwi ang kanyang mga anak, maging ang kanyang asawa. Sinisikap ni Ka Rey tiyaking palagi ang kaligtasan ng kanyang pamilya. At dahil nakatatanggap siya paminsan-minsan ng mga banta sa kanyang buhay ay hindi na niya magawang masundo o mahatid ang kanyang mga anak sa eskwelahan, sa pagnanais na ilayo ang mga anak niya sa nakaambang panganib sa kanila.
“Araw ng Sabado, galing siya sa mga meeting, araw araw siya may meeting. Sunod-sunod ang kanyang meeting. Siguro sa pagod ‘yun, 6pm dinala na siya sa ospital, sumisikip ang dibdib niya. Walang bakanteng higaan, punong puno rin ang ospital. Ang sabi sa amin ay ‘di naman daw ganuong malubha ang kalagayan niya. Binigyan kami ng rekwes na magpa check-up sa labas (sa iba pang ospital) ng ihi, dugo, etc. Tapos sinugod na siya ng Huwebes ng madaling araw,” pagbabalik ni Nanay Fely sa pagbagsak ng kalusugan ni Ka Rey.
Kitang-kita ang pag-aalala ni Ka Rey sa organisasyon at sa kanyang mga kasamahan kahit sa mga huling minuto ng kanyang buhay, hindi siya nag-atubiling tumulong sa abot ng kanyang makakaya at hindi nagdadalawang-isip na ipaglaban ang karapatan nilang manggagawa sa PUP at maging ng mga estudyante.
“Kahit sa huling hininga niya’y iniisip parin niya kung paano siya makatutulong kung mawawala na siya,” ani Fely na sa pagsasabi nito’y hindi na rin napigilan lumuha.
Hindi man kapiling ng mga mahal sa buhay ni Ka Rey ang butihin nilang padre de pamilya ay habambuhay namang mananatili ang kanyang mga alaala at ambag sa kanyang organisasyon, komunidad at sektor. Patuloy ang paglaban sa karapatan ng mga manggagawa, patuloy ang pakikibaka.
Pinakamataas na pagpupugay sa’yo, Ka Rey!
The post Ka Rey appeared first on Manila Today.