Site icon PinoyAbrod.net

Kahandaan (at kapabayaan) sa lindol

Nakakatakot ang lindol.

Hindi mo kasi alam kung kailan ito mangyayari. Posibleng magkaroon nito sa oras na hindi mo inaasahan. Habang natutulog sa bahay o habang nagtatrabaho sa opisina, kailangang maging handa sa biglaang pagyanig ng lupa.

Mas malaki ang posibilidad ng lindol at pagputok ng bulkan sa Ring of Fire na dumaraan sa New Zealand, patungong hilaga sa baybayin ng silangang Asya, papunta sa Aleutian Islands ng Alaska at deretsong timog sa kanlurang baybayin ng Hilaga at Timog Amerika. Bukod sa kanlurang baybayin ng Estados Unidos, malaki ang posibilidad ng lindol sa mga bansang Chile, Hapon at mga isla sa Pasipiko tulad ng Solomon Islands. Ang iba pang apektado ay Mehiko, Antarctica, Rusya, Papua New Guinea, Indonesia, Canada, Peru, Taiwan, Guatemala at Pilipinas.

Ayon sa mga pag-aaral, sanhi ang Ring of Fire ng mahigit 90 porsyento ng mga lindol at pagputok ng bulkan sa buong mundo. Sa kaso ng Pilipinas, halos araw-araw daw nangyayari ang mga lindol bagama’t hindi natin nararamdaman. Nasa Magnitude 2.5 “lang” naman daw kasi ang mga ito. Bihira daw mangyari ang mga lindol na mahigit sa Magnitude 6.0.

Mula 2008 hanggang 2015, tatlong beses lang daw naramdaman sa Metro Manila ang lindol. Ano naman ang nangyari sa mga sumunod na taon? Magnitude 6.3 sa rehiyon ng Davao malapit sa Tamisan noong Setyembre 24, 2016. Magnitude 6.9 sa Davao at Sarangani noong Abril 29, 2017. Magnitude 7.1 sa rehiyon ng Davao malapit sa Davao Oriental noong Disyembre 29, 2018.

Kung paisa-isa ang mga naitalang lindol na mahigit sa Magnitude 6.0 mula 2001, nagkasunod-sunod naman sa pagbubukas ng taong ito. Noong Abril 22, nagkaroon ng lindol na Magnitude 6.1 sa Castillejos, Zambales at ramdam na ramdam ito sa Metro Manila. Makalipas naman ang isang araw (Abril 23), nagkaroon ng lindol na Magnitude 6.4 sa San Julian, Silangang Samar. Sa dalawang lindol na ito, tinatayang 18 ang namatay at 330 ang nasugatan.

Magkakaroon pa kaya ng mga lindol na mahigit sa Magnitude 6.0 sa 2019 o maging sa mga susunod pang taon? Sa kabila ng pag-unlad sa teknolohiya’t kaalaman, hindi pa rin kayang makapagbigay ng malinaw na sagot. Ang tanging payo mula sa mga eksperto ay maging handa para sa tinatawag nilang “The Big One.”

Duck, cover, hold! Maraming drill ang isinagawa ng pamahalaan at iba pang organisasyon para masiguradong alam ng mga mamamayan ang gagawin sa panahon ng lindol. Yumuko at protektahan ang ulo. Siguraduhing nasa ilalim ng mesa para hindi mahulugan ng mabibigat na bumabagsak na bagay tulad ng bakal o semento. Kung may pagguho sa sahig, kumapit para sa pansariling kaligtasan.

Sa unang tingin, may kahandaan ang pamahalaan. Pero sa malalimang pagsusuri, hindi maikakaila ang kakulangan ng mga nasa kapangyarihan. Para sa isang bansang nasa Ring of Fire, inaaahan nating matitibay o earthquake-proof ang mga gusaling itinatayo lalo na kung maraming palapag ang mga ito. Pero bakit basta-basta na lang nasisira ang ilan sa mga ito tuwing may lindol? Pansamantalang nagsara, halimbawa, ang Clark International Airport dahil sa lindol noong Abril 22. Kinailangan kasing ayusin ang ikalawang palapag bunga ng mga crack, bukod pa sa mga nasirang check-in counters.

Tila napatungan na ng iba pang problema sa lipunan ang panawagan imbestigahan ang nangyari sa paliparan sa Clark. Gayundin ang kaso sa mga estruktura sa Pampanga na basta na lamang nasira o gumuho na siyang naging sanhi ng pagkamatay o pagkasugat ng maraming kababayan. Kailangang managot ang mga negosyanteng tinipid ang pagpapatayo ng gusali, pati na ang gobernong nagbigay ng mga permiso para sa konstruksyon at patuloy na pagnenegosyo nila.

Totoong nakakatakot ang lindol. Pero mas nakakagalit ang malinaw na kapabayaan ng pamahalaan. Kailangan pa bang libo-libo ang mamatay bago kumilos? Tandaan lang natin ang nangyari noong Agosto 16, 1976. May lindol na Magnitude 7.6 sa Moro Gulf na nagresulta sa pagkamatay ng 4,791. Umabot naman sa 2,288 ang nawawala at 9,928 ang nasugatan.

Para sa ordinaryong mamamayan, mainam na tandaan ang kasaysayan at patuloy na singilin ang pamahalaan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

Si Danilo Araña Arao ay kawaksing propesor (associate professor) sa Departamento ng Peryodismo, Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla, Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman. Siya rin ay kawaksing patnugot (associate editor) ng Bulatlat at nasa board of directors ng Alipato Media Center at Kodao Productions.

The post Kahandaan (at kapabayaan) sa lindol appeared first on Bulatlat.

Exit mobile version