Site icon PinoyAbrod.net

Kalamansi sa Sugat: Mga Alaala ng COVID19, 2046

ni Rolando B. Tolentino

Prologo

Nagtagumpay ang COVID19, nalusaw ang 20 porsyento ng populasyon ng mundo simula nang matuklasan ang beerus noong 2019 at naging global na pandemiko noong 2020. Nag-lockdown ang bawat bansa, at sa bawat bansa, required na manatili sa kanilang bahay ang mga residente. Hindi humupa ang beerus, gumaling itong i-dodge ang anumang gamot at bakuna. Natuto itong mag-upgrade tulad sa software development, nagkaroon ng mga bagong edisyon: COVID20, COVID21, COVID22, COVID23-01 (para sa buwan ng pagtuklas ng bagong strain), COVID23-11, COVID24-05-04 o COVID-24-05-07 (para sa buwan at araw), at iba pa.

Natuto na lang ang sangkatauhan na mabuhay sa mundo na bahagi ng kanilang existence ay ang mabuhay sa piling ng iba’t ibang strain ng nagsulputan at susulpot na beerus. Nagawa ito dahil naging permanente na ang social distancing, wala nang face to face contact. Nagawa ito dahil bumuo ang mga bansa ng pandaigdigang treaty na wala nang migration, pwede nang i-concentrate at i-reconcentrate ang lokal na populasyon batay sa patuloy ng epekto ng beerus, pwede nang magtalaga ng liblib na mga “departure island” o itinakdang lugar para itambak ang mga may infeksyon sa beerus.

Pero ang batayang premis ng treaty ay tanging ang mga nasa tahanan–mga pamilya, kasamahan, boarders, roommates, katrabaho, mga kinupkop, mga boylet, at kung sino pa ang kasama noong nag-lockdown ng 2020—ang magiging magkasama forever and ever. Lahat ay online na lamang ang sosyalisasyon, ang lahat ng profesyon ay nakabatay na sa online work, ang supply ng essentials ay inoorder na lamang online at idini-deliver na ng drones.

Death penalty ang katumbas ng illegal immigration, at bawat bansa ay may electric fence para protektahan ang kanilang land borders. Maging ang border ng karagatan ay may floating watch towers na rin na shoot on sight ang anuman at sinumang nagtatangkang tumakas o pumasok sa kanilang teritoryo. Hindi naman nakakapagtaka na kinamkam ng China ang marami sa teritoryo sa karagatan para sa kanila dahil nananatiling isa sa limang makapangyarihang bansa sa mundo. Ang pangalawa ay ang Maldives, sa susunod ko na lamang ito ikukuwento kung bakit.

Bahagi rin ng pandaigdigang treaty ang pagtalaga ng social stratification bracket para sa sustenidong pag-unlad ng mga bansa at mundo sa susunod na yugto ng global na kapitalismo sa edad ng beerus: isang porsyento lamang ng alta, 20 porsyentong gitnang uri, 30 porsyento na mahihirap, at mga 50 porsyentong abang dukha. Nagawa ito dahil tinanggal na ang inheritance tax kaya ang mga mayayaman ay nananatili sa kanilang pwesto, sistema ng meritocracy o batay sa kagalingan ng kakayahan ng individual laban sa iba pang individual (“You are not just competing with yourself but yourself in relation to all others,” ang motto ng sistemang edukasyon at pag-empleyo sa mga trabaho) na inaangat ang mga magagaling kaysa sa regular na magagaling na gitnang uri at ng mahihirap. Pero kinakailangan pa ring imintina ang ang mayoryang populasyon ng mahihirap dahil nga hindi pwedeng lumaki ang porsyento ng alta at gitnang uri.

Ito ang mga kwento ng COVID19 sa taon at lunan ng 2046. Ito ang taong idineklara na ng United Nations, World Health Organization at World Trade Organization na may kapasidad na ang mundo na mag-co-exist sa beerus. Ito rin ang taong emplaced na ng isang dekada ang mga pantao at panlipunang kalakaran para mamuhay sa piling ng kapwa at ng beerus. Sa mga tao, wala nang pagsalat sa isa’t isa. At ito ang unang henerasyon ng mga taong nasanay nang mabuhay sa mundo na hindi na kailanman makakasalat ang balat sa balat at ok lang ang nakakulong sa bahay dahil wala naman silang alam na iba pang mundo maliban sa natutunghayan nila online. Parati nang kailangang may saplot, balot, kasangkapan at teknolohiya para magkadaupampalad ang pagkain sa labi, halimbawa, o humalik, magmahal, magkapamilya, mag-aral, magtrabaho, tumanda, magkasakit, at mamatay.

“2046” din ang tawag ng mga artist, intellektwal, dreamer, progresibo, aktibista, subersibo, komunista at rebelde sa mitikal na lunan na ang mga tao ay may gunita pa ng yugto ng mundo na ang pagsalat ay isang pakiramdam, pagpapahiwatig ng damdamin, pagdamdam sa kapwa at paligirn, pakiwari sa sarili, pakikipagkapwa, pakikipag-ugnay, pakikiisa, pakikipag-solidaridad. Wala pang nakatuklas nito dahil para lang itong kamatayan, walang nakakabalik para ikwento ang mga detalye nito. Ito ang unang pagkakataon. Buhay sa isip ng maraming tao, bata man o matanda ang 2046 dahil gusto nilang umasa, gusto nila na may pag-asa.

Ang mga kwento rito ay mga alaala ng COVID19, 2046. Tulad ng kwento ng Ibong Adarna, hindi kilala ang awtor nito pero mayorya ay nakakaalam ng pangkalahatang kwento nito. Ito ang mahiwagang ibon na may nakakapanghalinang pag-awit na magpapahimbing sa sinumang nakikinig sa paanan ng puno na kinalalagyan nito. Iiputan ang nakatulog para maging bato ito. Pero ang ibon din ang gamot sa may matinding karamdaman—paano mo huhulihin ang Ibong Adarna kung napaghele ka nito sa kanyang awit? Marami ang nagtangka at marami ang nabigo.

Testigo ang mga nagkalat at nakatambak na mga taong bato sa lilim ng matayog na puno ng ibon. Ang mabuting bunsong prisipe ang nakapahuli nito, at ang payo kung paano ay galing sa isang matandang kanyang tinulungan sa pangangailangan nito: para hindi antukin at makatulog, humiwa at sugatan ang kamay at braso, patakan ng kalamansi. Masakit pero hindi makakatulog, at magsasawa ang ibon sa pag-awit, dito siya mahuhuli.

“Kalamansi sa Sugat” itong mga kwento at alaala ng taon at lunan ng 2046 sa COVID19. Maging ang mga nabigong pagdamdam, gunita sa sinauna, pag-ibig at pag-asa, mga sugat na hindi maghilomhilom, kailangang patakan ng kalamansi ang sugat para hindi makalimot.

The post Kalamansi sa Sugat: Mga Alaala ng COVID19, 2046 appeared first on AlterMidya.

Exit mobile version