Site icon PinoyAbrod.net

Kalbaryo ng Mamamayan

Tuwing dumarating ang Semana Santa, nagiging abala ang mga Katoliko sa mga tradisyong isinasabuhay ang buhay, pagdurusa, at kamatayan ni Hesus. Nariyan ang Senakulo o Passion Play na sa Pilipinas ay nagsimula noon pang 1904 sa Cainta, Rizal. Sa mga parokya, kapilya, opisina, o bahay nagaganap ang pabasa ng Pasyon ni Hesus. Bilang bahagi ng kanilang panata, mayroong mga indibidwal na nagpapalatigo at nagpapapako sa krus sa San Fernando, Pampanga.

Sa mga tradisyong ito, ipinapakita ang kusang-loob na paghihirap at sakripisyo ni Hesus para mapawalang-sala ang mamamayan. Sa ilang mga komunidad sa Metro Manila, mayroong mga grupong pang-teatro na itinatanghal ang pagpapakasakit ng mamamayan dahil sa mga kasalanan ng iilan.  

Sa dulang ito, ipinapakita ang ‘Kalbaryo ng Mamamayan’ dahil sa kasalanan ng iilan. Larawan ni Erika Cruz.

Kalbaryo ng Mamamayan

Nagsimula ang makabagong bersyon ng pasyon ni Hesus sa Metro Manila noon pang dekada 80. Naniniwala ang mga progresibong grupong nag-oorganisa nito na ang pagdurusa ni Hesus ay sumasalamin sa paghihirap ng mamamayan sa kasalukuyang panahon. 

Nagpapatuloy ang ganitong tradisyon hanggang sa kasalukuyan. Isang linggo bago ang Semana Santa, isinasadula ng mga progresibong grupo sa pangunguna ng Kalipunan ng Damayang Mahinirap (Kadamay) ang ‘Kalbaryo ng Mamamayan’. Pasan ng mga karakter na Hesus, Dimas, at Hestas – na kumakatawan sa mamamayang Pilipino – ang mga krus na may nakasulat na ‘imperyalismo’, ‘burukrata kapitalismo’, at ‘pyudalismo’. Para sa mga aktibistang bitbit ang pambansa-demokratikong linya, ang kahirapan ng sambayanang Pilipino ay nag-uugat sa nabanggit na tatlong ‘salot sa lipunan’.

Sa madaling pagpapaliwanag, ang imperyalismo ay ang pagkukubabaw ng mga imperyalistang bansa tulad ng US sa mga neo-kolonya nito tulad ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagkontrol sa mga batas at polisiya sa larangan ng ekonomya, politika, militar, at kultura; burukrata-kapitalismo ang pagpapatakbo ng gobyerno bilang negosyo na nagreresulta sa korupsyon, political dynasty, pribatisasyon sa mga serbisyong panlipunan, at iba pa; pyudalismo ang pagpapanatili ng atrasadong pagsasaka sa pagmamay-ari at kontrol ng mga malalaking panginoong maylupa upang mapanatili ang import-dependent at export-oriented na kalakaran ng Pilipinas sa ibang bansa, lalo na sa US.

Ang ‘Makabagong Hesus’ na pasan-pasan ang ‘krus ng imperyalismong US’. Larawan ng Manila Today.

Ginaganap rin ang Kalbaryo sa mga komunidad ng Metro Manila. Sa pangunguna ng Bayan Caloocan at sa pakikipagtulungan sa SIKLAB (Sining Kabataan Alay sa Bayan), Anakbayan Caloocan, at Rise Up, ipinamalas ng kabataan ang kanilang talento sa pag-arte sa lokal na pagsasadula ng Kalbaryo isang linggo bago ang Semana Santa ngayong taon.

Ayon kay Edgardo Arguelles ng Bayan Caloocan at direktor ng dula, umaangkop sa karanasan ng mamamayan ang kwento, kaya nag-iiba ang mga pinagdadaanan ng mga “makabagong Hesus” sa bawat taon. Para sa Kalbaryo ngayong taon, pinili ng Bayan Caloocan ang isyu ng extrajudicial killings dala ng gera kontra-droga; sunod-sunod na demolisyon sa mga komunidad ng maralitang tagalungsod; mababang sahod at kontraktwalisasyon sa mga pagawaan; at anomalya sa Dengvaxia na nagdulot ng pagkakasakit at pagkamatay ng mga batang nabigyan ng bakuna.

Isang pagsasalarawan ng ‘Makabagong Pieta’ na dulot ng drug war. Larawan ni Erika Cruz.
Isa sa mga isyung bitbit ng ‘Kalbaryo’ ay ang anomalya sa Dengvaxia vaccine. Larawan ni Erika Cruz.

Ipinakilala rin sa dula ang mga tagausig ni Hesus: si Duterte bilang Pontio Pilato, justice secretary Aguirre bilang si Caiapas o si Herodes, at si ‘Bato dela Rosa’ bilang pinuno ng mga sundalong Roman. Idinidiin ng mga karakter na ito na ang mga naghahari noon hanggang ngayon ay may sari-sariling mga interes at hindi kailanman bibitbitin ang mga hangarin ng kanilang pinaglilingkuran.

“Kung meron mang serbisyong inilalaan ang gobyerno sa mamamayan, panandalian lang ito. Sinisimbolo ng mga banderitas at bula ang pagiging pansamantala at hungkag ng mga pangako ng gobyerno,” sabi ni Arguelles.

Ipinakita sa dula ang pagiging panandalian at hungkag ng mga panukala ng gobyernong umano’y para sa mamamayan. Larawan ni Erika Cruz.

Isang halimbawa, ayon sa direktor, ang D.O. 174 ng Department of Labor and Employment na naglalayong wakasan ang kontraktwal na paggawa sa Pilipinas. Bunsod ito ng pangako ni Duterte noong eleksyon na sa tingin ng mga progresibong organisasyon ay hindi pa rin natutupad sa kabila ng pagsasabi ni labor secretary Silvestre Bello III na marami nang naging regular na manggagawa. Isinalarawan sa dula ang pagiging huwad ng department order, bagkus ay pinapalala pa nito ang kalagayan ng mga manggagawa at nagpapaalwan ng buhay ng mga malalaking kapitalista.

Sining na naglilingkod sa mamamayan

Naniniwala si Arguelles na tungkulin ng mga tagapagtaguyod ng sining ang pagsasalarawan ng buhay ng mamamayang mahihirap, pinagsasamantalahan, at inaapi.  “Ang sining ay dapat naglilingkod sa masa dahil ang inspirasyon nito ay nagmumula rin sa masa,” sabi ni Arguelles.

Paniniwala rin ng direktor at ng mga kabataan sa SIKLAB na ang paglilingkod sa kapwa ay hindi lang humahantong sa pagtatanghal ng kanilang mga dula. Pagkatapos ng bawat dula sa mga barangay sa Caloocan, agad na nagsagawa ang mga lokal na lider ng barangay ng general assembly. Bahagi ito ng prinsipyo ng pagmumulat, pag-oorganisa, at pagpapakilos ng mamamayan para kolektibo nilang ipaglaban ang kanilang mga karapatan sa lupa, pabahay, trabaho, edukasyon, kalusugan, at iba pa.

Kung sa tradisyunal na senakulo ay muling mabubuhay si Hesus, sa makabagong dula naman ay mabubuhay ring muli ang mamamayan sa pamamagitan ng kanilang sama-samang pakikibaka.

Ang ‘muling pagkabuhay’ ng mga makabagong Hesus sa dula ay ang pagkamulat at pakikipaglaban para sa kanilang mga karapatan. Larawan ni Erika Cruz.

The post Kalbaryo ng Mamamayan appeared first on Manila Today.

Exit mobile version