Site icon PinoyAbrod.net

Kamandag ng mga dayo

“Ayan na naman ang mga tutubing bakal. Ilang araw na naman kaya silang mag-iingay at maghahatid ng takot sa amin?”

Ito ang tanong ni Aleli, 29, katutubong Abelling, residente ng Brgy. Sta. Juliana, Capas, Tarlac na sinasaklaw ng Crow Valley Military Reservation, at kumuha ng bidyo. Ito na naman ang panahon, aniya – ang panahon ng ehersisyong militar ng mga armadong puwersa ng Estados Unidos (US), Japan, at Pilipinas, sa kanilang lupaing ninuno.

Ito na ang muling pagsisimula ng Kamandag. Ikatlong taon na nito.

Handa na ang mga kampo sa iba’t ibang panig ng Luzon, kabilang ang Palawan, Zambales, at Tarlac sa ikatlong taunang Kamandag o “Kaagapay ng mga Mandirigma ng Dagat”.

Ito ang ehersisyong militar sa pagitan ng US, Japan, at Pilipinas. Ginawa ang mga ehersisyong militar mula Oktubre 9 hanggang 18.

Cerab

Hindi malayong isa ang Colonel Ernesto Rabina Air Base (Cerab) o mas kilala bilang Crow Valley Military Reservation, sa mga lunsaran at magiging base ng mga pagsasanay.

Kabilang sa mga sasanayin ng mga sundalo ng US, Japan, at Pilipinas ang pagsasanay sa operasyong himpapawid, pagsasanay sa operasyong pantugon sa kontra-terorismo, pagsasanay sa pagbibigay ng “humanitarian assistance” at paglulunsad ng “disaster relief missions,” pati ang pagsasanay sa “low-altitude air defense,” at pagsasanay hinggil sa “threat reaction” o pagsasanay para sa magiging reaksiyon ng mga armadong puwersa kung may banta sa kanila.

Diumano, ang mga ito’y higit pang magpapahusay ng kapasidad ng lakas militar, na magtitiyak ng komitment ng bansa sa isang malaya at bukas na rehiyong Indo-Pacific. Tutuwang din umano ang ganitong mga pagsasanay para sa kakanyahang mabilis na magdeploy ng mga puwersa sakaling may krisis o natural na kalamidad.

Noong bisperas ng pagsisimula ng Kamandag 3, namataan na sa himpapawid ng Brgy. Sta. Juliana, na sinasaklaw ng Cerab, at pamayanan ng mga katutubong Ayta, ang nagliliparang mga helikopter.

Pumupunit ng katahimikan sa payapang pamayanan ang mga tunog ng elesi ng mga helikopter, ayon sa mga residente, bagay na pinipilit nilang kasanayan, pero di pa din nila magawa.

Krisis, natural na kalamidad

“Tuwing may ehersisyong militar, naaabala ang karaniwang araw namin. May oras ang pagtawid (sa lahar), at baka kami matamaan ng ligaw na bala,” sabi ng isang nakatatandang lider-Ayta na tumangging magpakilala.

Banggit niya, napakarami nang ipinagbabawal sa mga Ayta. Hindi na umano sila puwedeng magpaayos ng kanilang tahanan, sakaling masira ito ng bagyo o malakas na hangin. Ipinagbawal ng 710th Special Operations Wing ng Philippine Air Force (PAF), ang pagpasok ng “building materials.” Mahirap na nga namang dumami pa ang tao sa loob ng barangay, lalo na at nagsimula na ang dahan-dahan pagpapalayas sa kanilang mga katutubo.

Pagbubukas ng Kamandag, kasama ang mga kinatawan ng mga militar ng Pilipinas, US at Japan. Larawan mula sa US Embassy sa Manila

Sinulatan

Nakatanggap ng mga sulat mula Hulyo hanggang Setyembre ang ilang residente ng Patal Bato na nasa loob ng Cerab at Brgy. Sta. Juliana, Capas.

Ayon sa sulat, “Gagamitin na ng gobyerno para sa proyekto ng PAF sa lalong madaling panahon”, ang lupang kinatitirikan ng kanilang tahanan, at kabuhayan.

Bahagi raw ng Philippine Air Force Development Project ang Crow Valley Military Complex. Ibig sabihin nito ang tuluyang paggamit sa mga saklaw na kalupaan ng buong barangay Sta. Juliana para sa gawaing militar at mga pagsasanay militar.

Pero sino ang nauna ang Cerab o ang pamayanang katutubo? May karapatan ba ang Air Force na basta na lang palayasin silang mga Ayta rito?

Ang Cerab ay nasa loob ng 17,847 ektaryang lupang ninuno ng mga katutubong Ayta sa Brgy. Sta. Juliana, Capas, Tarlac. May humigit-kumulang 3,000 pamilya ang nasa loob ng 17 komunidad kabilang ang sentrong barangay. Nailagay sa kontrol ng mga sundalong Pilipino ang barangay at pinanatiling military base, matapos itong iwanan ng mga sundalo ng US nang magwakas ang RP-US Military Bases Agreement noong 1992.

Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, wala diumanong pamayanang sibilyan sa military reservation bago magsara ang US Air Base sa Clark Field sa Pampanga. Dagdag pa niya, dumating lang daw ang mga residente nang umalis na ang mga Amerikano noong 1992.

Pero ayon sa mga katutubo, naitayo ang Barangay Sta. Juliana noon pang Marso 1940. Maliban sa sentrong barangay, ang mga komunidad ng mga katutubo sa loob nito ay nananatiling may mga katutubong pangalan, gaya ng Pisapungan na nangangahulugang kanto ng salubungan, at sa sityo nga na ito nagsasalubong ang dalawang magkaibang ilog.

Tanda at patunay ito na kahit nasakop ng mga Espanyol, Hapon, at maging ng mga Amerikano, nauna pa at nakapanatili ang mga katutubong Ayta sa lugar na ito.

Lupaing ninuno

Ang pinakamatagal na alaala ni Aleli na mapapansin niyang may mga nag-eehersisyong militar sa kanilang pamayanan ay noong Grade 5 pa lang siya. Naranasan niya ang ma-istranded sa gitna ng lahar dahil di raw puwede dumaan kung may mga sundalong nagsasanay at baka mapahamak siya.

Kinalakhan na lang niya ang dating taunan na mga pagsasanay. Kalaunan, dumalas-dalas pa at halos buwanan na raw ito.

Si Aleli ay mula sa matandang pamilya ng mga Ayta na may matingkad na kasaysayan ng pakikibaka sa lupang ninuno. Napanatili diumano ng kanyang mga ninuno ang kanilang malawak na lupain sa kabundukan na malaya laban sa pananakop ng mga Espanyol. Wala pang mga pamayanan ng Ayta, ayon sa kanya, ang may pangalan ng santo o santa — tanda na di ito nasakop ng mga Espanyol. Nang lumaon, napakahirap diumano na tumira sa kabundukan, lalo na, at lagi silang pinagkakamalang kung hindi pa rebelde ay nagkakanlong ng rebelde. Ang mga magulang ni Aleli, at kanyang mga tiyuhin at tiyahin, ay kabilang sa libu-libong biktima ng Martial Law noong dekada ’70.

Nang tanungin kung ano gagawin nila ngayong may banta na nga na palayasin sila, ito ang sagot ni Aleli: “Hindi naman namin itatapon sa basura nang basta-basta ang matingkad na kasaysayan ng mga ninuno namin. Hindi kami basta aalis nang tahimik, na parang maamong tupa. Eh kung mali naman at inaapakan ang aming karapatan, kailangan naming tumindig, igiit at ipaglaban ito.”

“At saka, saan kami pupunta? Ang lupang ninuno namin ang aming buhay,” dagdag pa ni Aleli.

Sa panahon ng ehersisyong militar, tinitiis nila ang paulit-ulit na pagpunit ng katahimikan ng kanilang payapang pamayanan. Pero maaari, ayon din kay Aleli, “baka kami maging natutulog na (Bulkang) Pinatubo, at sasabog din isang araw.”

Exit mobile version