Site icon PinoyAbrod.net

Kampeon sa abuso

Tanging ang pulang panyong panakip sa mukha ng mga manggagawa ang maaninag sa makapal na usok na pumapalibot sa loob ng pabrika. Ang usok, nagmumula sa nilulutong kemikal, para gumawa ng sabong panlaba, shampoo, sabong panghugas sa kusina, o toothpaste.

Ito, at marami pang di-ligtas na kalagayan, ang pang-araw-araw na buhay ng mahigit 600 manggagawa sa loob ng pabrika ng Peerless Products Manufacturing Corp. o Pepmaco, sa Calamba, Laguna.

“Sa baga ang kadalasang sakit namin, kaso walang proper na mask,” kuwento ni Art (di tunay na ngalan), 36, manggagawa sa Pepmaco sa Laguna. “Panyo lang ang gamit namin, o bumibili kami ng face mask sa labas.” Walang exhaust, at kakaunti lang ang blower, kuwento ng mga manggagawa. “Halos lahat kami, laging pawisan.”

Pero ang pinakamalupit, ang delikadong mga kemikal na ginagamit sa paggawa ng sabon, shampoo o toothpaste. “Kapqag kumapit sa balat mo, sunog ka talaga,” sabi pa ni Art.

Isa sa pinakabulnerable ang mga manggagawang naghuhulma ng sabon. Karamihan sa kanila, kababaihan. “Hindi sila nagpapagamit ng gloves sa bar. Kasi made-deform daw ang bar. Magmamarka ang gloves. Kaya kamay ang inihahawak sa mainit na lang na sabon.

“Ang mahalaga sa kanila, yung produkto. Hindi yung tao.”

Delikado

Tinatayang 40 porsiyento hanggang kalahati ng mga manggagawa ng Pepmaco sa Calamba ay kababaihan. Isandaang porsiyento, o lahat, naman ay kontraktuwal.

Isang Taiwanese-Pilipinong negosyanteng nagngangalang Simeon Tiu ang nagmamay-ari sa Pepmaco. Kabilang sa mga produkto ng naturang kompanya ang sikat na mga sabong panlaba (pulbo at bareta) na Champion at Calla, gayundin ang shampoo na Hana. Kamakailan, nakuha rin ng Pepmaco ang prangkisa sa paggawa ng Systema na toothpaste. Nagasuplay din ito ng surfactants para sa ibang produkto.

Sa Valenzuela City ang opisyal na address ng naturang kompanya. Pero ayon sa mga manggagawa, tinatayang 150 katao lang ang nagtatrabaho doon. Kalakhan ng mga produkto ng Pepmaco, ginagawa sa pabrika nito sa Calamba. Umaabot sa P373 hanggang P420 ang arawang sahod ng mga manggagawa rito.

Bukod sa delikadong kemikal at usok mula rito na nagdulot na ng maraming aksidente kapwa sa pabrika sa Valenzuela at Calamba, pinoproblema rin ng mga manggagawa ang halos kayod kabayong pagpapatrabaho sa kanila ng mga superbisor.

“Sa umaga, 15 minuto (ang break), 15 minuto sa lunch break. Binabawas pa yun sa overtime namin. Hindi pumapatak ng isang oras ang break time sa loob ng isang araw,” kuwento ni Ariel, 24, di tunay na ngalan, manggagawa rin ng Pepmaco sa Calamba.

Sa gabi, aniya, alas-nuwebe ng gabi hanggang alas-dos ng umaga, nakadepende pa ang break sa kung kailan matatapos ang paghalo ng kemikal para maging sabon. “Uubusin muna ang halo bago magbreak,” ani Ariel.

Kayod-kabayo ang mga manggagawa hanggang sa packing. “Tao rin ang gumagawa nun (packing),” ani Ariel. “Ambilis pa nun.”

Sa loob ng isang shift na alas-sais ng umaga hanggang alas-sais ng gabi, kailangan nilang makatapos ng packing ng 45 pallets, na 80 boxes kada pallet. Kada kahon, 36 pirasong sabon. “Minsan, gusto pa nilang sumobra dun,” ani Art.

Marami ring naaaksidente sa packing. “Sa Valenzuela, may naputulan dati ng kamay. Dito sa amin (Calamba), marami ang naputulan ng daliri, nagulungan ng jack pallet.” Tuwing nangyayari ito, walang rehistradong nars na nakaabang sa loob ng pabrika. “Kung sino lang yung HR (human resources), sila yung tutulong sa naaksidente o nagkasakit,” sabi pa ni Ariel.

“Halimbawa, kung may sakit ka sa tiyan, yung sakit sa ulo ang ibibigay sa’yo. Ang sasabihin, ‘Oh, puwede na ‘yan,’” kuwento pa ni Art.

Inirereklamo rin nila pati ang kainan sa loob ng pabrika. Pati sa pagkain, ani Art, hindi puwede magreklamo. “Kapag nagreklamo kami run, kami pa ang matatanggal. Kapag may ipis, papalitan lang ang pagkain mo pero hindi papalitan yung buong pagkaing nakahapag.”

“Manok ang pagkain araw-araw. Sa umaga, puro processed food. Nasisira ang tiyan namin,” sabi pa ni Ariel.

Inspeksiyon

Hulyo 2018 nang maglakas-loob ang mga manggagawa na ireklamo ang kompanya sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Pinangunahan ang petisyong ito ng Pepmaco Workers’ Union, ang pederasyong kinapapalooban nito na National Federation of Labor Unions, at sentrong unyon na Kilusang Mayo Uno. Ipinasa ng pambansang tanggapan ng DOLE sa rehiyunal na tanggapan nito sa Region IV-A.

Sa naturang inspeksiyon, tinangka pa ng manedsment na itago ang tunay na kalagayan sa loob ng pabrika. “Binigyan kami ng (disposable) face masks,” sabi ni Art. Inisyuhan din sila ng mumurahing bota – na pagbabayaran din nila sa pamamagitan ng kaltas-sahod.

Sa isang kopya ng notice of results ng inspeksiyon na nakuha ng unyon, inamin ng DOLE IV-A na maraming occupational health and safety standards ang nilabag ng Pepmaco. Kabilang dito ang sumusunod: (1) kawalang akses sa fire extinguishers sa lugar ng produksiyon; (2) marumi at halos walang ventilation sa lugar ng produksiyon;

(3) Di maayos na paghawak ng mga kemikal at iba pang kagamitan at materyal sa produksiyon; (4) walang floor markings para sa mga lakaran at daanan ng forklifts; (5) walang safety signages sa lugar ng produksiyon; (6) walang doktor na nakaabang at walang safety personnel na magtataguyod ng occupational safety standards; at marami pang iba.

Pero sa kabila nito, hindi naglabas ng paborableng desisyon ang DOLE IV-A.

Makatwiran

Noong Disyembre 2018, nagpaalam sa kanilang mga bisor ang 50 manggagawa na liliban sa trabaho para magdiwang ng Pasko. Istandard na praktika na ito sa kanila: kapag pinayagan ng superbisor, aprubado na ang leave.

Pero pagsapit ng Enero, sinabihan ang 50 manggagawa na tanggal na sila sa trabaho. “Marami sa kanila, matatagal na. May 12, (o) 13 taon na – basta limang taon pataas. Wala silang nakuhang benepisyo,” sabi ni Ariel.

Pagsapit ng Marso 3, may anim na muling tinanggal, kasama si Art. Mga miyembro ng unyon ang mga tinanggal. Nitong Hunyo 3, nagtanggalan muli. Kasama rito ang pangulo at pangalawang pangulo ng unyon. Hunyo 6, nagsumite na sila ng Notice of Strike. Nitong Hunyo 18, may dalawa muling tinanggal.

Madaling araw ng Hunyo 24, itinayo na ng mga manggagawa ng Pepmaco ang piketlayn, at sinimulan ang welga. Isang piketlayn, tinayo nila sa mismong main gate ng pabrika. Hinarangan ng mga guwardiya ang daanan papunta sa piketlayn para hindi makarating sa mga manggagawa ang mga tagasuporta nitong nagdadala ng pagkain. Ang sinasabi ng manedsment, wala silang karapatang magwelga dahil mga empleyado sila ng mga ahensiya, at hindi direktang empleyado ng Pepmaco — sa kabila ng pagtrabaho nila sa kompanya ng maraming taon, at sa kabila ng pagiging “essential and desirable” ang kanilang trabaho sa loob ng pabrika, sang-ayon sa rekisito ng batas para maging regular na mga manggagawa.

Nagpatuloy na nakatirik ang welga. “Lalaban kami para sa aming mga karapatan,” sabi ni Ariel. Kabilang sa mga panawagan nila: Itigil ang tanggalan, ibalik ang mga tinanggal. Siguruhin ang kaligtasan ng mga manggagawa sa loob ng pabrika. Gawing regular ang mga kontraktuwal. Makatwiran ang mga hiling.


(Matapos lumabas ang artikulong ito sa PW print issue noong Hunyo 28, 2019, ilang beses na dinahas ang piketlayn ng mga manggagawa ng Pepmaco. Nananawagan ngayon ang mga nakawelgang manggagawa ng suporta sa iba’t ibang sektor ng bansa. -Ed.)
Exit mobile version