Site icon PinoyAbrod.net

#KampuhanKontraKontraktwalisasyon: Ang manggagawang breadwinner

Pantay na karapatan ang ipinaglalaban namin. Hindi namin ginustong mangyari ‘to. Nagtrabaho kami nang maayos. Malinaw kung ano ang tungkulin namin sa kumpanya. Sana nandu’n ‘yung malasakit nila sa manggagawa kasi ang hirap na binabalewala kami.

‘Yan ang mensahe ni Arnel Abarca, isang manggagawa sa PLDT.

Walong taon na siyang nagtatrabaho bilang Quality Assurance Specialist sa ahensyang Spi CRM sa ilalim ng PLDT. Nagtatrabaho siya nang maayos at ginagampanan niya ang lahat ng tungkulin niya bilang isang manggagawa. Ngunit natanggal siya rito matapos tuldukan ng PLDT ang kanilang kontrata sa iba’t ibang ahensya kasama ang Spi CRM. Isa siya sa mga nagkampuhan sa tarangkahan ng PLDT sa Welcome Rotonda upang igiit ang kanilang karapatan sa paggawa.

Basahin: #SavePLDTContractuals: Telecom workers enraged over agency contract terminations

Ngayon, inilapit na ng mga manggagawa ang kanilang laban sa Mendiola, sa Kampuhan Kontra Kontraktwalisasyon simula Hulyo 18 hanggang 23.

Basahin: Workers mount Mendiola protest camp days before Duterte’s 3rd SONA

Matapos magbaba ng order ang DOLE sa PLDT na gawin nitong regular ang mahigit 7,000 na manggagawa nito ay hindi pa rin sinusunod hanggang ngayon. Inilapit nila ito sa DOLE at naghihintay na lamang sila ng sagot dito.

Nagkaroon sila ng mass filing sa PLDT Bonifacio branch para mag-file ng kanilang mga pangalan para isama sila sa payroll ng PLDT, ngunit hindi sila nakakuha ng konkretong sagot. Ang nais ng PLDT ay magkaroon ng rehiring step, samantalang sinabi na ng DOLE na dapat ay regular na sila. Noong ika-11 ng Hulyo ay gustong pagharap-harapin ng DOLE ang PLDT, Spi CRM at iba pang ahensya nito upang magpatawag ng mandatory conference kung bakit hindi pa nito sinusunod ang nasabing order. Ngunit walang sumipot rito kundi ang POWER  lamang na kanilang organisasyon na kinabibilangan ni Arnel.

Basahin: PLDT a no-show at labor department’s mandatory conference

Sinabi ni Secretary Bello na may ibababa silang clarificatory order sa PLDT at nagbigay sila ng 10 araw na palugit upang sundin ang nasabing order.

Nang mawalan ng trabaho ay hindi lamang siya ang apektado rito, kundi ang kanyang pamilya. Siya ang breadwinner sa kanilang pamilya kaya siya rin ang inaasahan pagdating sa mga gastusin sa bahay at iba pang mga bayarin. Sa P15,000 na sahod niya, masasabi niyang hindi ito sapat. Matanda na ang kanyang nanay at may maintenance na sa gamot dahil may hypertension at diabetes ito. Isama na ang mga bayarin kada buwan at pansariling pangangailangan.

Tumanda na ako nang ganito pero wala akong ipon. Nakakalungkot lang dahil ‘yung sinasahod ko napupunta lang sa mga bayarin, wala akong naiipon, wala akong savings, napupunta lang sa mga utang. Mahirap para sa akin ‘yung sinasahod ko, hindi sapat.

Sa kabila ng hindi sapat na sahod na natatanggap niya ay mas malala ang kanyang nararanasan ngayon dahil wala na siyang trabaho at pinagkukuhaan ng panggastos.

Nalulungkot si Arnel sa kinahinatnan ng pahayag ni Pangulong Duterte na wawakasan ang kontraktwalisasyon kapag naging pangulo siya sapagkat tulad niya ay kontraktwal pa rin at ngayon ay wala nang trabaho. “Maraming grupo na ang kumakatok sa presidente na kumilos na dahil wala pa ring nakikitang development,” ani Arnel.

Siya na mismo ang kumalampag sa PLDT at ‘yung dapat managot sa nangyayari sa amin. Ang hirap para sa katulad ko at iba pang mga manggawawa na mawalan ng trabaho lalo na ‘yung hindi stable. Sana ‘yung karapatan namin ay manaig dito.

Nagbigay ng mensahe si Arnel para sa mga kapwa niyang manggagawa na lubos niyang naiintindihan ang takot sa mga maaaring mangyari:

Kailangan nilang malaman kung ano ang karapatan nila, kailangan tignan nila kung ano ‘yung magiging pangkalahatang epekto nito hindi lang sa kanila, pero maging sa pamilya nila at sa lahat ng manggagawa. Dapat kung ano ‘yung para sa ating lahat ay makuha natin. Sayang naman kung mananahimik lang tayo at wala tayong ibang gagawin.

Basahin: #PLDTWorkersCampout | Ang probinsyanong “multitasker”

Ang kalagayang ito ng mga manggagawang tulad ni Arnel ang nagtulak sa kanya upang lumaban at manindigan para sa kanilang mga karapatan. Naniniwala siya na ang lahat ng ginagawa nila ay hindi lamang para sa kanyang sarili kundi para sa lahat ng manggagawang inaapi at pinagsasamantalahan.

The post #KampuhanKontraKontraktwalisasyon: Ang manggagawang breadwinner appeared first on Manila Today.

Exit mobile version