To lead and inspire Filipinos to create a better tomorrow.
Ito ang vision umano ng Philippine Long Distance Telephone Corporation (PLDT). Ito ay isang malaking kabalintunaan sapagkat ang kasalukuyang pagtanggi ng PLDT sa regularisasyon ay ang pagsira sa kinabukasan para sa kanilang mga manggagawa.
Noong Hunyo 16, ating nakapanayam si Daisy Ann Pineda, 35 na taong gulang, at isang call center agent na tatlong taon nang nasa ilalim ng SPi CRM na nakadirekta sa PLDT Sampaloc Branch. Siya ay nagtapos ng Bachelor of Science in Elementary Education ngunit napadpad sa industriya ng Business Process Outsourcing (BPO).
Ang kanyang department sa SPi CRM ay sa hotline ng corporate accounts ng PLDT. Doon tumatanggap ai Daisy ng mga tawag mula sa lokal na mga kumpanya tulad ng Smart (prepaid at postpaid), Philippine Airlines, BDO, Paymaya, Cignal, atbp. Siya ay nagtatrabaho mula alas-otso nang umaga hanggang alas-singko nang hapon, mula Lunes hanggang Biyernes.
Kung ating babalikan ang taong 2016, isa sa mga kampanyang bitbit ni Duterte ay ang pagwakas sa kontraktwalisasyon. Sa pamamagitan ng pangangalampag ng mga manggagawa sa buong bansa, ang DOLE ay natulak na magsagawa ng inspection sa mga kumpanya. Dito nila nadiskubre ang labor-only contracting (LOC) na patakaran ng PLDT.
Ang DOLE ay naglabas ng compliance order noong ika-29 ng Mayo 2018 na gawing regular ang mga kontraktwal na manggagawa. Ilang linggo lamang ang nakalipas, ang PLDT ay lumikha ng isang 4-step process na kailangang pagdaanan ng mga manggagawa upang ma-regular. Nakita ito ng DOLE at naglabas ito ng warning sa PLDT. Nag-apela naman rito ang PLDT ngunit ito’y dineklara ng DOLE na expired na, at sinagot ng isang huling clarificatory order na pinagtitibay ng DOLE ang utos nito—na ito ay kailangang sundin nang walang-alinlangan at dagdag na kondisyon.
Ang proseso na inimbento ng PLDT ay ang sumusunod: una, kailangang bumisita sa website ng Jobstreet upang pumailalim sa isang online assessment. Pagkatapos nito ay kailangan rin nilang dumaan sa medical assessment at susundan ng pagpapasa ng iba pang kailangang dokumento. Ngunit naitala ni Daisy na karamihan sa kanilang sumubok nito ay hindi na pumasa sa pangalawang step pa lamang.
“Wala na dapat na ganoong pagkukumplika, sabi ng DOLE”, ani Daisy. Dagdag niya, “Dapat kung ano ang trabaho sa agency ay continuous lamang sa PLDT bilang isang regular [na manggagawa]. As in simpleng lipat lang.”
Sa buong bansa, 39 na ahensya ang apektado ng kontraktwalisasyon ng PLDT at nakaapekto sa mahigit 8,000 manggagawa.
Hanggang sa ngayon, ang kanilang status sa SPi CRM ay floating. Sila rin ay no work, no pay kung kaya’t napakatapang ng kanilang inisyatibang magpiket sa harap mismo ng PLDT Sampaloc branch upang kalampagin ang management at gawin silang ganap na regular.
Ang sinasahod ni Daisy ay P10,500 kada buwan, at nadadagdagan lamang ng P1,000 bilang subsidyo sa bigas. Wala pang asawa si Daisy at silang dalawa na lang ng kanyang ina ang kanyang binubuhay kung kaya’t relatibong mas magaan kumpara sa mga manggagawang may sarili nang pamilya. Ganunpaman, hindi pa rin ito nakasasapat sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan at maliit na lang ang kanyang naitatabi para sa ipon.
Aniya, mas nagpabigat pa sa kanilang sitwasyon ang TRAIN Law ng kasalukuyang administrasyon. Bagamat si Daisy ay exempted sa pagbabayad ng buwis sa sahod, wala na rin halos ang natitira sa kanyang sahod dahil sa sobrang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Bilang isang kontraktwal sa loob ng halos apat na taon, hangad ni Daisy ang tunay na pagbabago tulad ng regularisasyon at pagtaas ng sahod.
Kung kaya’t nakiisa si Daisy sa iba pang mga manggagawa ng PLDT na apektado ng kontraktwalisasyon at ENDO upang kalampagin ang pamahalaan na dinigin ang kanilang mga panawagan. Kasama rin nila ang iba pang mga manggagawa mula sa Jollibee Foods Corporation, Manila Harbour Centre, at Slord Development Corporation (UniPak Sardines) na nagtatag ng kampuhan sa tarangkahan ng Malacanang, sa may Mendiola Peace Arch.
Matindi ang kanilang pagkamuhi sa PLDT Corporation laluna kay Manny V. Pangilinan dahil sa katigasan ng kanilang ulo at hindi pagsunod sa utos ng DOLE. Ika nga ni Daisy, ngayon niya napatunayang mahalaga ang pag-alam ng mga manggagawa sa kanilang mga karapatan dahil kapag sila ay nadehado, kailangan nila itong protektahan at ipaglaban nang sama-sama. Kaya naman isa ito sa kanilang ipapamalas sa gaganaping United People’s SONA sa Hulyo 23.
Higit sa lahat, hinihikayat rin ni Daisy ang mas malawak na hanay ng mga manggagawa na lumahok at makiisa sa laban kontra kontraktwalisasyon dahil kapag mas marami ang lumalaban, mas magiging epektibo ang pagkamit ng inaasam nating lahat na tagumpay.
The post #KampuhanKontraKontraktwalisasyon: Daisy appeared first on Manila Today.