Ang pagiging natural na aktibo ni Marlo Baugan, 32, ang isa sa mga nag-udyok sa kanya upang makiisa sa laban para maisulong ang kaunlaran ng mga manggagawa pati na ng bansa.
Si Marlo ay tubong Pangasinan. Panganay siya sa anim na magkakapatid kaya’t isa na rin sa inaasahan na makatulong sa mga pangangailangan ng pamilya. Nakapagtapos siya ng kursong Hotel and Restaurant Management ngunit hindi nagamit sa aktwal na pagtatrabaho ang napag-aralan dahil nahirapan sa pagkuha ng work experience na hinahanap naman sa mga kumpanyang pinag-aplayan.
Naging Sangguniang Kabataan Chairman si Marlo sa kanilang barangay. Aktibo siyang nagpatupad ng mga proyektong pangkabataan. Maging sa mas matataas na sektor ng kanilang barangay ay nakilahok si Marlo.
Nang matapos ang termino ay doon na siya napadpad sa Maynila taong 2013 upang subukang mag-apply ng trabaho sa mga pribadong kumpanya. Isang production staff sa Green Cross Incorporated ang unang naging trabaho ni Marlo.
“Maayos naman ang naging karanasan ko kahit kontraktwal lang din,” sabi niya. Naengganyo siya sa mas mataas na minimum wage sa Maynila kumpara sa probinsya kaya’t nagtuloy-tuloy siya sa trabaho.
Pagkatapos ng sampung buwang kontrata ay nagpatuloy siya sa Jollibee Foods Corporation. Nagtrabaho siya bilang isang multi-tasker na may flexible functions sa pagawaan sa loob ng siyam na oras kada araw. Naging picker at checker siya ng items na ipinapasok at inilalabas ng warehouse. Maging ang pagpapaandar ng mga makinarya ay naging parte na rin ng kanyang trabaho.
Aniya,
Natutugunan naman ang dagdag na sahod sa overtime ngunit napakababa nito na halos umaabot lang ng kinse pesos samantalang milyones ang tubo ng mga kapitalista.
Halos apat na taon nang nagtatrabaho si Marlo sa JFC kaya’t laking gulat niya nang mabalitaan ang nangyaring tanggalan ng mga manggagawa sa kumpanya. Kwento niya, magkakaroon daw dapat ng meeting para sa pangakalahatang manggagawa at empleyado ngunit hindi ito nangyari. Ani Marlo, naganap daw ang tanggalan nang walang pa-abiso isang gabi bago ang sinasabing pagpupulong para sa lahat ng manggagawa.
“Nadismaya kami at nagulat sa hindi pagsunod sa tamang proseso. Nag-usap kami ng mga kasamahan ko at bumuo ng isang samahan ng manggagawa sa JFC para tutulan at maibasura ang kontraktwalisasyon,” pahayag ni Marlo.
Dagdag pa niya,
Jollibee ang isa sa may pinaka-maraming nilabag sa compliance order ng DOLE.
Sa katunayan nga, ang Jollibee Foods Corporation ang nangunguna sa listahan ng Department of Labor and Employment na nagsasagawa ng labor-only contracting.
Ang labor-only contracting o ay tumutukoy sa pagkuha ng isang kumpanya ng isang contracting agency upang makapagsuplay ng manpower o mga manggagawa sa kumpanyang iyon. Ipinagbabawal sa Labor Code at sa DOLE D.O. 174 ang ganitong iskema ng pagkuha ng lakas-paggawa. Nilusutan ng mga kumpanya tulad ng Jollibee ang batas sa pamamagitan ng pagbasura ng kontrata ng ahensya noong ibinaba na ng DOLE ang kautusang iregularisa ang mga manggagawa ng Jollibee.
Sa apat na taon na pagtatrabaho, ang hinaing ni Marlo sa kabila ng pagtatapos ng kontrata sa ahensya ay ma-absorb at tuluyan na siyang ma-regular at ang mga kapwa manggagawa sa kumpanya.
Mariin niyang sinabi,
Hindi na kinakailangan pa ng agency, dapat sila na mismo ang direktag mag-hire dahil wala naman ‘yung kwenta dahil puro naman ‘yun mga pahirap, hindi tamang pagbayad at hindi sapat na benepisyo.
Kwento ni Marlo, sa loob daw ng pagawaan ay mistulang impyerno sa sobrang init. Hindi rin kanais-nais ang mga paglabag ng kumpanya sa mga karapatan lalo na sa health and safety ng mga manggagawa. Nagkakaroon lang daw ng inspeksyon sa loob kapag may aksidente at hindi na magandang nangyayari sa mga empleyado doon at pagkatapos ay hindi naman natutugunan ng tamang aksyon.
Naniniwala si Marlo na ang mga manggagawa ang siyang nagtataguyod at nagpapaunlad sa isang bansa, at kung walang mga manggagawa, lalong babagsak ang ekonomiya.
Kaya’t ang panawagan niya kay Pangulong Duterte,
Sana naman tugunan ng pansin hindi lang ang mga manggagawa. ‘Yung mga pagbabago na kanyang sinasabi ay dapat baguhin na, huwag nang patagalin pa.
Walang katiyakan sa kung ano ang kahihinatnan ng laban ng mga manggagawa kontra kontraktwalisasyon ngunit isa lang ang hinahangad ng mga mata ni Marlo—pagbabago.
Si Ka Marlo na kumakanta ng ‘Imagine’ ni John Lennon sa Kampuhan Kontra-Kontraktwalisasyon sa Mendiola.
The post #KampuhanKontraKontraktwalisasyon: Marlo appeared first on Manila Today.