Site icon PinoyAbrod.net

#KampuhanKontraKontraktwalisasyon: ‘Pinalaki ako ng isang magsasaka’

Noong pumasok sa trabaho si Marlon Noto, 30, noong Hunyo 29, hindi niya inasahang huling beses na pala niyang makakatapak sa PLDT office sa East Avenue sa Quezon City. Sa hapon rin kasing iyon, ipinatawag siya at 80 pang manggagawa upang sabihang hindi na sila empleyado ng telecommunications company.

“Masama ‘yung loob namin dahil hindi man lang kami inabisuhan. Hindi kami binigyan ng panahong makapaghanda,” aniya.

Kasama ni Marlon ang kanyang mga kaibigan sa trabaho sa kampuhan. “Squad goals”, ika nga, dahil sabay silang natanggal sa trabaho at sabay rin silang lumalaban para sa karapatan sa kabuhayan.

Si Marlon (ikatlo mula sa kaliwa) at mga kaibigan sa trabaho. Larawan ni Erika Cruz.

Ilan lang sila sa halos 8,000 manggagawa ng PLDT na nawalan ng trabaho noong Hunyo. Sa halip na gawing regular ang mga manggagawa sa PLDT – nagbaba na ng order ang Department of Labor and Employment hinggil dito – itinigil ng kumpanya ang kontrata ng mga hiring agencies tulad ng sa SPi CRM, MG Exeo, at Curo Teknika.

Nagpatawag ng mandatory conference ang DOLE noong Hulyo 11 para sana magharap ang mga natanggal na manggagawa at ang kumpanya, ngunit hindi nagpakita ang huli.

Pangatlo ang PLDT sa listahan ng DOLE sa mga kumpanyang nagsasagawa ng labor-only contracting na umaapekto sa 8,310 manggagawa, kasunod ng Jollibee Food Corporation (15,000 apektado) at Dole Philippines, Inc. (11,000 apektado).

Mandatory conference sa DOLE na hindi pinuntahan ng mga kinatawan ng PLDT. Larawan ni Kathy Yamzon.

Walong taon nang nagtatrabaho si Marlon sa PLDT. Una siyang napasok bilang tagaayos sa scheduling sa Smart Broadband. Matapos ang dalawang taon, inilipat naman siya sa iPlus Inc. na Curo Teknika na ngayon.

Iba’t ibang trabaho ang ibinigay ni Marlon para sa Smart. Mula sa pag-aayos ng iskedyul para sa pagkabit ng internet sa mga kliyente ng PLDT, pagtanggap ng mga reklamo ng mga kliyente, hanggang sa pagsusulat ng performance report sa fixed wireless broadband team, kampante si Marlon na pirmihan na ang kanyang kabuhayan.

Sumasaklaw sa P11,800 hanggang P18,800 ang sinasahod ng mga manggagawa ng PLDT, depende sa pusisyon. Bilang office staff na nagsusulat ng mga report, kumikita si Marlon ng P16,800. Kalakip na rito ang rice subsidy na P1,000.

Nakararaos na rin naman siya sa mataas na standard of living sa Maynila, malayong malayo sa kung paanong iniraos ng kanyang ama ang kanyang pag-aaral.

“Pinalaki ako ng isang magsasaka,” kuwento niya. Dagdag pa ni Marlon na umasa sila sa tanim na mais upang makapagtapos siya. Sa limang magkakapatid, siya lang ang nakapagtapos ng kolehiyo.

Naging tenant ang ama niya sa isang lupain sa Bangar, La Union. Bagama’t iba ‘yung may-ari ng lupa, nakapagtanim ang ama niya ng mais nang makapagtapos sa kursong B.S. Information Technology si Marlon. “Kapag hindi season ng mais, nagsasangla si papa ng alahas,” dagdag niya. Kalaunan, ibinenta rin ng may-ari ang lupain. Isang memorial park na ngayon ang dating taniman ng mais.

Tinanong ko si Marlon kung ano ang reaksyon ng ama niya sa kanyang pagkakatanggal. “Sa totoo lang, hindi niya alam na nandito ako sa kampuhan. Sigurado kapag nalaman ng mga magulang ko ay matatakot sila para sa akin. Alam kasi nilang dito sa Mendiola naganap ang pamamaril sa mga magsasaka,” pagtutukoy niya sa ‘Mendiola Massacre’ noong Enero 1987.

“Pero bakit mo piniling sumali sa kampuhan kung may posibleng panganib?” panggigiit ko. Simple lang raw ang sagot, ani Marlon. “Kung natatakot ka, walang mangyayari, hindi uusad ang laban.”

Hinihimok ni Marlon ang kapwa niyang mga manggagawa sa Curo Teknika na magpatuloy sa laban nila para sa regularisasyon. Nasa katuwiran naman sila, aniya. Sapagkat makatuwiran naman talaga ang lumaban sa harap ng inhustisya.

The post #KampuhanKontraKontraktwalisasyon: ‘Pinalaki ako ng isang magsasaka’ appeared first on Manila Today.

Exit mobile version