Site icon PinoyAbrod.net

#KampuhanKontraKontraktwalisasyon: Raja

“Sinabihan pa kami na regular kami, wag kami malungkot, pero hindi allowed na pumasok sa office. Kung papasok man kami sa loob, kailangan kami escortan ng guard. So how does it feel na escortan ng guard? Para kang nahuling nag-shoplift sa mall. It’s humiliating.”

Ganito na lamang ang sentimyento ni Raja, 26 anyos, isang customer service representative (CSR) mula sa SPI-CRM, kasagsagan ng naganap na pagtanggal ng Philippine Long Distance Telephone (PLDT) company sa 38 na ahensya nito bilang tugon sa compliance order na binaba ng Department of Labor and Employment (DOLE) hinggil sa pagregularisa sa mga kontraktwal na manggagawa ng kompanya. Pangatlo ang PLDT sa mahabang listahan ng DOLE ng mga naglalakihang kumpanyang nagsasagawa ng Labor Only Contracting, at isa ang SPI-CRM sa ahensyang tinanggal ng PLDT upang di umano’y sumunod sa inilabas na mandato ng DOLE.

Ayon kay Raja, ang SPI-CRM ay isa sa mga ahensya na pinili ng PLDT na mag-outsource ng mga manggagawa upang tugunan ang pangangailangan ng telecommunications company, partikular ang pagtugon nito sa lahat ng transaksyon ng business hotline 177. Ang PLDT ang pinakamatagal na account na hawak ng SPI, sa halos sampung taon nitong ugnayan sa kumpanya.

“Masyadong mabilis ‘yung nangyari. Way back January, may nakikita na ako sa FB, nakita ko na ang writ of execution. Dumaan ‘yung mga panahon. Dumaan ‘yung mga buwan, itong May pumutok ang balita. Doon kami kinabahan lahat. Itong SPI-CRM, naglabas sila ng mandated order na pinapapili kami if it’s a yes or a no. If we’re going to say yes, ang boto namin ay mag-stay kami sa SPI and ile-let go namin ang PLDT. No naman, the other way around, we’re going to choose PLDT then let go of SPI. My vote was yes. Sinabi kasi nila sa akin na magi-stay ‘yung account. Kasi ang habol ko lang naman is ‘yung account. Papayag ako na mag-stay sa SPI, pero kung nandoon pa rin ‘yung account. Pero noong end na nung June, ininform na kami na pinull na yung account so wala na kaming work lahat.”

Higit 100 na manggagawa ng SPI-CRM ang tumutugon sa business hotline 177 ng PLDT. Kaugnay ng ibinabang cease and desist order ng DOLE, malawakan at biglaan ang tanggalang naganap sa mga manggagawang nagtatrabaho sa account ng kumpanya.

“Binigyan kami ng anim na araw, bayad ‘yun. Pero yung anim na araw na yun hindi na kami pinapapasok. Hindi na kami pinapapunta diyan sa office. We’re not even allowed to step into the office. Nagrelease sila ng memo nun diyan sa may gate. The security guards were informed na hindi kami pwede pumasok. Pero take note ha, sinabihan kami na regular kami. Technically hindi pa naman kami nagreresign, hindi pa naman kami terminated, pulled out lang yung account. Kumbaga naka-tengga lang kami sa susunod na anim na buwan.”

Sa halos sampung taong ugnayan ng SPI-CRM sa PLDT, laking dagok para kay Raja at sa mga kasamahan niya ang biglaang desisyon na putulin na ang account ng PLDT dahil sa tagal ng anim na buwan na kawalan ng trabaho.

“Technically di pa kami tanggal pero we’re on a floating status. No work no pay. July 9, nag-release na ng memo na floating status na kami onwards and that’s for 180 days. That’s 6 months. Since nag-close na ang account ng PLDT, hahanapan kami ng SPI ng trabaho, ng bagong account kung saan kami magfi-fit.”

Bukod sa haba ng panahong mawawalan ng trabaho ang mga manggagawa ng SPI-CRM, para kay Raja, na nagtatrabaho na sa account ng PLDT sa loob ng tatlong taon at apat na buwan, ang kanilang laban para maging regular ay hindi lang laban para sa kanya, kundi para sa kanilang lahat.

Hindi madali ang maging CSR, ayon kay Raja. Shock-absorber sila kung kanyang bibigyan ng paglalarawan ang ginagawang trabaho. Bilang mga CSR, sila ang humaharap sa bawat tanong, akusasyon, o minsan ay galit ng mga kliyente ng PLDT. Mahirap at kailangang mahaba ang pasensya. Hindi rin kalakihan ang nakukuhang sahod, ngunit nagawa ito ni Raja nang tatlong taon at apat na buwan dahil sa mga kasamahan sa trabahong tinuring na rin niyang pamilya.

“Hindi ka talaga makakapag-ipon sa pay na makukuha namin pero alam mo ‘yun, magi-stay ka sa account na ‘yun kasi you will learn to love the working environment.”

Ngunit hindi yata matutumbasan ng surge ng tawag na kadalasang kinakaharap ng mga CSR na tulad ni Raja ang bigat ng realidad na mawalan ng trabaho, kahit ang banggit lamang ay panandalian at anim na buwan lamang ito. Mabigat ang mahabang panahong paghihintay para sa bagong account, lalo na at mag-isang nabubuhay o solo living si Raja.

“Bilang tao definitely, hindi naman kami tatagal ng anim na buwan na walang trabaho kaya ilalaban namin ‘to.”

Sa kabila ng biglaang sigalot sa buhay ng mga manggagawa ng PLDT, nananatili pa ring matatag sila Raja at ang kanyang mga kasamahan sa kanilang laban. Lalo na at maraming sumulpot na oportunidad para umunlad ang kanilang kampanya para maging mga regular na manggagawa.

Hulyo 11 ay nagpatawag ng mandatory conference ang DOLE upang pag-usapan ang kaso ng mga manggagawa sa PLDT, subalit hindi sumipot ang PLDT at SPI-CRM. Gayunpaman, paglalahad ni Raja, naglabas ng clarificatory notice si DOLE Sec. Bello na tumugon ang PLDT hinggil sa compliance order na binaba nito sa kumpanya. Hulyo 19 naman nang maglathala ng house probe ang mga mambabatas mula sa Makabayan bloc upang ungkatin pa ang kaso hinggil sa kontraktwalisasyon ng mga manggagawa sa PLDT.

Wala mang tugon ang PLDT sa kasalukuyang pag-usad ng kampanya ng mga manggagawa, ang mga manggagawa ay naninindigan na ang kanilang laban ay mapagtatagumpayan din.

Aniya nga ni Raja,

“Walang susuko, we should keep on fighting.”

The post #KampuhanKontraKontraktwalisasyon: Raja appeared first on Manila Today.

Exit mobile version