Site icon PinoyAbrod.net

Kaninong usapan? Kaninong kapayapaan?

https://upload.wikimedia.org/wikipedia/commons/thumb/1/19/Pact_of_Biak-na-Bato_Filipino_negotiators.JPG/1200px-Pact_of_Biak-na-Bato_Filipino_negotiators.JPG

Sa pagtatala ng maraming kasaysayan ng tunggalian, kinakaharap parati ang pagtalakay sa kung paano nagsimula at nagtapos ang mga labanan ng iba’t ibang panig. Sa ganitong pamamaraan, nagiging malawak ang pag-aaral ng kasaysayan na hindi na lamang pagmememorya ng mga petsa, ng mga lugar at mga pangalan ng mga kasangkot sa tunggalian. Binibigyang pansin din kung paano nagsimula ang labanan, at kung paano ang kinahinatnan nito sa pagdaan ng panahon.

Isa ang usapin ng paghahanap ng kapayapaan sa Pilipinas sa mahabang kasaysayan ng paghahanap ng kapayapaan simula nang mabuo ito bilang nasyon. Sa katunayan, kahit ang bayaning si Andres Bonifacio ang nagtukoy sa unang kasunduang pangkapayapaan na naganap bilang isa sa mahalagang pangyayaring nagtakda sa pagbubuo ng Pilipinas.

Binigyan ng pansin ni Andres Bonifacio ang usapan at kasunduan sa pagitan nina Sikatuna at Miguel Lopez de Legaspi bilang isa sa mga unang kasunduang nagpakita ng antas ng sibilisasyon ng mga sinaunang Pilipino, at ang pagkilala ng mga dayuhang napadpad sa dalampasigan ng kapuluan sa kalinangan ng pakikipagkasundo. Sa deskripsyon ni Bonifacio, sinabi niya na

Dumating ang mga kastila at dumulog na nakipagkaibigan. Sa mabuti nilang hikayat na di umano, tayo’y aakain sa lalung kagalingan at lalung imumulat ang ating kaisipan, ang nasabing nagsisipamahala ay ng yaring nalamuyot sa tamis ng kanilang dila sa paghibo. Gayon man sila’y ipinailalim sa talagang kaugalian ng mga tagalog na sinaksihan at pinapagtibay ng kanilang pinagkayarian sa pamamaguitan ng isang panunumpa na kumuha ng kaunting dugo sa kanikanilang mga ugat, at yao’y inihalu’t ininom nila kapua tanda ng tunay at lubos na pagtatapat na di mag tataksil sa pinagkayarian. Ytoy siang tinatawag na “Pacto de Sangre” ng haring Sikatuna at ni Legaspi na pinaka katawan ng hari ng España.

Mahalaga ang tala ni Bonifacio sa ilang dimensyon ng pag-unawa sa kasunduan ng kapayapaan sa pagitan nina Legaspi at Sikatuna. Una, sa pagbanggit na hari si Sikatuna at si Legaspi bilang kinatawan ng hari ng Espanya, kinilala ni Bonifacio na kasunduan ng magkapantay na bayan ang naganap. Binanggit din na ang dalawa ang “pumailalim” sa pagkakasundo sa pamamagitan ng pagpapailalim sa kinagawiang sanduguan. Tinitingnan na bagaman mananakop, ang mga Espanyol na kinatawan ni Legaspi ang kinailangang sumunod at pumailalim sa kinagawian ng pagkakasundo sa kapuluan, at tumalima sa ganitong usapan. Walang tradisyon ng sanduguan sa Espanya kahit noong panahon pa ni Legaspi kaya ang pagpasok sa ganitong kasunduan ang tinitingnan nina Bonifacio bilang pagpapailalim sa kinagawian ng kapuluan at hindi ng mananakop. Panghuli, mapupuna na kahit taga Bohol si Sikatuna, tinuring ni Bonifacio ang naganap na kaugaliang tagalog – bagay na nagpapahayag na sa pananaw ni Bonifacio, hindi na pantukoy sa etnolinguistikong grupo ang katawagang tagalog, kundi pangsaklaw sa buong bayan. Mahalaga ito sa pagsusulong ng ideya ng mga Katipunero na ang kasunduan nina Sikatuna at Legaspi ay sumasaklaw sa buong kapuluang tinawag niyang Katagalugan, at hindi lamang pumapailalim sa pamumuno ni Sikatuna sa Bohol. Buong bayang Pilipinas na tinawag ni Bonifacio na bayan ng mga Tagalog, ang saklaw sa kasunduan.
Sa pagdaraan ng panahon, tiningnan ng mga Katipunero ang pananakop ng mga Espanyol bilang pagtalikod at paglabag sa kasunduang ito, kaya nararapat lamang na sumali ang mga taumbayan sa Katipunan at maghimagsik laban sa mga Espanyol. Matapos ang kasunduan, malawakang paglabag ang ginawa ng mga mananakop kaya nalagay sa kaguluhan ang mga mamamayan. Sabi ni Bonifacio

Ngayon sa lahat ng ito’y ano ang sa mga guinawa nating paggugugol nakikitang kaguinhawahang ibinigay sa ating Bayan? Ano ang nakikita nating pagtupad sa kanilang kapangakuan na siang naging dahil ng ating pag gugugol! Wala kung di pawang kataksilan ang ganti sa ating mga pagpapala at mga pagtupad sa kanilang ipinangakung tayo’y lalung guiguisingin sa kagalingan ay bagkus tayong binulag, inihawa tayo sa kanilang hamak na asal, pinilit na sinira ang mahal at magandang ugali ng ating Bayan; Yminulat tayo sa isang maling pagsampalataya at isinadlak sa lubak ng kasamaan ang kapurihan ng ating Bayan; . . .

Sa pananaw ng mga bayaning gaya nina Bonifacio, nagsusulong ng usapan ng kapayapaan ang magkabilang panig upang pagkasunduan ang mga gagawin sa panahong magkakaroon ng pakikipamuhay bilang tila kapatid sa dugo ang mga naunang nagturingang magkaaway. Nilalayon ito ng pagkakaroon ng malawakang pagkilala sa isa’t isa at paggalang sa katauhan ng mga kasangkot. Higit pa riyan, malinaw kay Bonifacio na ang kasunduan ang naglalayong magsulong ng kagalingan ng bayan at mulat na kaisipan. Ang paglabag sa ganitong layunin ng kasunduan ang naglagay sa paghihimagsik ng mga Katipunero, dahil nasadlak sa kaguluhan, kahirapan, kasamaan at kawalan ng kaginhawahan. Naghihimagsik ang mga taumbayan dahil sa kahirapan, kaguluhan at kawalan ng kapurihan, ani Bonifacio.

Pansinin ang ganitong tala sa naging aksyon ni Emilio Aguinaldo at Pedro Paterno nang makipagkasundo sila sa usaping pangkapayaan at tigil putukan sa pagitan ng mga rebolusyonaryo at pamahalaang kolonyal ng mga Espanyol. Matapos mapaslang si Bonifacio, naging bukas sa pakikipagkasundo sa pamahalaang kolonyal na kinakatawan ni Gobernador Heneral Primo de Rivera ang pamahalaang rebolusyonaryo ni Aguinaldo. Nagsilbi si Pedro Paterno bilang tagapamagitan sa dalawang kampo, at nagkasundo sa mga sumusunod, 1. na boluntaryong magiging exilo sina Aguinaldo patungong Hong Kong; 2. na magbibigay ng bayad pinsala ang mga Espanyol sa mga rebolusyonaryo, sa halagang Mex$800,000 na babayaran sa tatlong bahagi, ang unang 400,000 matapos ang pag-alis ni Aguinaldo mula Biak na Bato patungong Hong Kong; ang ikalawang bayad ng 200,000 matapos ang pagsuko ng armas na hindi bababa sa 800; at ang ikatlong bayad na 200,000 matapos makamit ang 1,000 armas na isinuko na kikilalanin kung magkaroon na ng misa ng pasasalamat sa Katedral ng Maynila hudyat ng kapayapaan.

Hindi matutupad ang ipinangakong huling bayad, pati ang ilang dokumentong nagsasabing magtatala ng reporma sa pamamahala ng mga Espanyol. Nagpatuloy ang himagsikan na nagbunga ng pagkubkob ng mga mga Katipunero sa nakararami sa mga pwersang Espanyol hanggang sa pagdating ng mga Amerikano.
Maraming nakapansin na sa simula pa lamang ng kasunduan sa Biak na Bato ay nalagay na ito sa pagkabigo.

Una, tila nagsimula ang dalawang panig sa kawalan ng tiwala sa isa’t isa, at ginamit lamang ang usapang pangkapayapaan upang makakuha ng panahon at makonsolida ang sariling pwersa para matalo ang kalaban. Nagsimula ang kasunduan nang hindi nagtitiwala ang bawat panig sa isa’t isa.

Ikalawa, hindi kumprehensibong natalakay kung bakit nagkaroon ng himagsikan at ano ang direksyon ng mapagkakasunduan. Natutok ang atensyon sa pagsuko ng mga armas at pagbabayad sa mga rebolusyonaryo upang tumigil sa paghihimagsik. Bagaman may probisyong kabayaran sa halagang Mex$900,000 na dapat ibibigay sa nasalantang mamamayan sanhi ng labanan, walang pagbabanggit kung paano ito ipapamudmod at paano maisasakatuparan ang kalagayang tutugon sa dahilan kung bakit naghimagsik ang mga mamamayan. May kalakip na dokumentong dapat sinang-ayunan ng mga magkabilang panig, subalit ang mga dokumentong ito ay taliwas sa layunin ng dalawa. Sa panig ng mga rebolusyonaryo, pagrereporma lamang at pagpapatuloy ng pananakop ang isinasaad ng dokumento sa Biak na Bato. Sa panig naman ng mga Espanyol, bibigyan nito ng pagkilala ang mga rebolusyonaryo na sa kanilang pananaw ay dapat manatiling kanilang nasasakupan.

Ilang panahon ang nagdaan mula sa sanduguan nina Legaspi at Sikatuna, at ang kasunduan sa Biak na Bato at mga pangyayaring matapos nito at hindi pa rin dumarating sa kapuluan ang pinapangarap nitong kapayapaan. Malawakan ang rebelyong inilunsad ng mga Colorum, mga Sakdalista, mga unyon ng mga magsasaka at manggagawa sa panahong sinasabi ng mga Amerikano na ‘peacetime’ ang naganap sa kanilang pananakop. Kahit na sinasabing panahon ng Greater East Asia Co-Prosperity Sphere ang pananakop ng mga Hapones, ilang grupong gerilyero, partikular ang mga Hukbo ng Bayan Laban sa mga Hapones, ang naglunsad ng malawakang labanang armado laban sa mananakop. Kahit sa panahon ng republika, ilang usapang pangkapayapaan ang naganap sa kasagsagan ng rebelyong Huk sa gitna ng malawakang karahasan laban sa mga magsasaka at kahirapan ng nakararaming taumbayan. Sa tagumpay ng armadong pakikialam ng United States sa panunungkulan ni Ramon Magsaysay naganap ang mga operasyong militar na ikinagupo ng mga Huk, subalit ang dahilan ng kanilang muling pag-aarmas matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig ay hindi naman tinugunan.

Mahigit 50 taon na mula nang muling itatag ang Communist Party of the Philippines, ang armadong pwersa nitong New People’s Army at ang politikal na istruktura nitong National Democratic Front. Sa ilalim ng Batas Militar ng diktadurang Marcos naging matindi ang panunupil at katiwalian na nagbigay daan sa paglawak ng mga armadong pwersang kumakalaban dito. Sa panahon matapos ang diktadura ni Marcos, ilang pagtatangka ang isinakatuparan upang magkaroon ng usapang pangkapayapaan at masolusyonan ang ugat ng armadong labanan. Sa bawat usapang pangkapayapaan, bumabalik at bumabalik muli ang pangangailangang ugatin ang kasaysayan ng armadong labanan sa pinagmulan nito. Ang pagtukoy sa kung paano nagkakaroon ng armadong labanan, ang pagkilala sa malawakang kahirapang dinaranas ng taumbayan, at ang pangangailangang solusyonan ang mga panlipunan at pang ekonomikong suliranin ng bayan na nagtutulak sa mga mamamayan na mag armas – ang parating pinag-uusapan. Bagaman usapan ito ng pagwawakas sa armadong labanan, hindi lamang sa pagbaba ng armas nakikita ang pagtatapos ng tunggalian. Nakita na sa kasaysayan na ang mga usapang tigil labanan at tigil putukan na nakatutok lamang sa pagkagapi ng isa at pagsuko ng mga armas ay panandaliang solusyon lamang sa problema ng armadong labanan. Mula pa noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol, hanggang sa kasalukuyan, nabibigo ang mga usapang pangkapayapaan dahil hindi nito tinutugunan ang dahilan ng pagrerebelyon ng mga tao.

Ang bayaning si Bonifacio na mismo ang nagsabi na hindi magkakaroon ng kapayapaan kapag tumalikod ang pamamahala sa kaginhawaan at kapakanan ng bayan, at nagpupunyagi lamang ang kataksilan, kapahamakan at kasamaan sa pamumuno. Sa leksyon ng kasunduan sa Biak na Bato maaaring sabihing nagbaba ng armas ang ilang rebolusyonaryo at naipatapon ang pwersa nina Aguinaldo sa Hong Kong na pumayag sa kasunduan ng tigil putukan. Subalit hindi ito ang naging hudyat ng kapayapaan, kundi ang paglala pa ng sitwasyon ng kaguluhan. Dahilan ang pagkabigo sa Biak na Bato sa pagkatutok ng usapan sa pagbaba ng armas at tigil putukan, at hindi sa pagtakda kung ano ang bubuuing kalagayan sa lipunan matapos ang labanan.

Ang mga aral ng kasaysayan ang magpapatunay na bigo ang mga usapang pangkapayapaan dahil hindi ito nagsisimula sa pagtukoy sa ugat kung bakit nag-aarmas ang mga mamamayan laban sa pamahalaan. Sa kasaysayan din makikita na ang kapayapaang nakabatay sa pananakot at pananakop ang nagdudulot lamang ng panandaliang kapanatagan na babasagin ng panibagong labanan. Subalit ang usapang pangkapayapaan na iniuugat ang kadahilanan ng labanan, bagaman mahirap, matagal at mabagal – ang makapagbibigay ng matagalang solusyon sa tunggalian sa lipunan.

*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.

Bonifacio, Andres. 1896/1963. “Ang dapat mabatid ng mga Tagalog,” In The writings and trial of Andres Bonifacio, ed. and trans. Teodoro Agoncillo, with S. V. Epistola. Manila: Mayor Antonio J. Villegas and the Manila Bonifacio Centennial Commission in cooperation with the University of the Philippines.

Ricarte, Artemio. 1963. Memoirs of General Artemio Ricarte. Manila: National Historical Institute.

The post Kaninong usapan? Kaninong kapayapaan? appeared first on Bulatlat.

Exit mobile version