Madaling maunawaan ang layunin nito, sa rasyonal at maka-agham pananaw: dahil sakit na nakakahawa ang kolera at bunga ito ng pagkalat ng mikrobyo, kailangang sugpuin ang pagkalat ng mikrobyo o patayin ang mikrobyo upang masugpo ang epidemya. Kung gayon, may dalawang dapat gawin ang sinumang nais kumontrol ng sakit: una, ang pag-iwas ng pagkalat ng sakit at ikalawa, ang pagpapagaling sa maysakit upang hindi na ito makahawa. Ganito ang oryentasyon ng pagsugpo ng sakit na isinakatuparan ng mga Amerikano sa ilalim ng kanilang pananakop.
Subalit tandaan na naganap ito habang may nagaganap na pakikipagtunggali ang mga nakararaming mamamayan sa imposisyon ng kanilang pananakop. Maraming mamamayan ang hindi makaunawa sa mga mensahe ng kampanyang pangkalusugan at ang mga pamamaraang pangmilitar na ginawa dito, lalo na at hindi pa napapawi ang alaala ng marahas na Digmaang Pilipino Amerikano na sa pananaw ng ilan ay hindi pa nagtatapos noong kumalat ang epidemya ng kolera ng 1902-1905.
Maraming mga lumaganap na bali-balita ukol sa kadahilanan ng pagkalat ng mga sakit. Dahil sa kakulangan ng epektibong impormasyon at komunikasyon ukol sa pagsugpo ng sakit, iba iba ang naisip ng mga tao ukol sa pamamaraang ginawa ng mga mananakop. Lumaganap ang mga bali-balita sa panahon ng epidemya na lason ang inilalagay ng mga Amerikano sa tubig (na ang layuning disimpektuhin ito) upang patayin ang mga Pilipinong lumalaban sa kanila, gaya ng karanasan sa water cure.
Tila paalon-alon din (waves) ang paglitaw ng mga epidemya. May panahong kasagsagan ang paglitaw at mabilis na pagkalat nito, pagkatapos ay magkakaroon ng panahong tila panatag at hindi na sumisiklab ang sakit. Noong Setyembre 1903, kataka-takang kumalat na naman ang epidemya sa Maynila sa panahong maraming nagsasabi na matatapos na ang unang paglabas ng epidemya. Ilang pagsisiyasat ang nagpatunay na bunga ito ng pag-inom ng mga tao sa isang lugar sa look ng Maynila na binubukalan ng tubig-tabang, na napatunayang may mga virus na sanhi ng kolera. Sa ilan pang imbestigasyon, napag-alamang nagmumula ang tubig sa ilang naputol na tubo ng tubig sa may Tondo. Dahil wala namang ibang mapagkukunan ng tubig ang mga karaniwang mamamayan, kumalat ang epidemya sa hanay ng mga karaniwang mamamayan.
May ilang isinakatuparan pamamaraan ang mga Amerikano upang maiwasan ang paglaganap ng sakit. Ipinanukala na kinakailangang panatilihing malinis ang kapaligiran at maayos ang pagkakaluto ng mga pagkain. Pinagbawalan din ang pagkakamay at pag-inom ng tubig mula sa banga nang hindi pinakuluan. Kumalat ang sakit dahil wala namang panggatong ang mga tao upang pakuluan ang mga tubig na iniinom, at walang ibang alternatibong pamamaraan ng pag-inom ng tubig bukod sa pamamagitan ng banga at lumbo, na pwedeng kahit sinong mauhaw ay magiging tagasalok ng tubig maaari upang makapamatid-uhaw sa sinuman. Hindi malinaw ang pagkakalahad sa ugnayan ng pag-inom ng tubig sa banga at ang pagkakasakit ng kolera. Hindi rin madaling maipaliwanag kung bakit hindi dapat magkamay sa pagkain, at wala din namang ibinigay na mga kubyertos ang pamahalaan para gamitin ng mga karaniwang mamamayan.
Ilang suliranin din ang kinaharap sa pagsugpo ng sakit nang ipagbawal ang pagtitinda ng mga kakanin bunga ng pagsasaalang-alang sa kalinisan. Wala nang kabuhayan ang mga nagtitinda ng mga kakanin at mga gulay, at napunang kasabay din nito ang pagtaas ng halaga ng mga pagkain sa pamilihan. Dahil inaangkat noon ang nakararami sa mga gulay mula sa Canton at Hong Kong, at bunga ng kalagayang naunang naitala sa mga nabanggit na lugar ang kaso ng kolera kaya nagtasang kontrolin ng mga opisyal ng kwarentenas ang pagpasok nito sa Maynila. Nagbunga rin ito ng pagtutol sa mga tao dahil sa kakulangan ng pagkain sa pamilihan at sa pagbabawal na ipagbili ang ibang dating karaniwang makikita sa mga palengke. Naging malawakan ang pagtingin na pinapipili ng kwarentenas ng mga Amerikano ang mga mamamayan kung gusto nilang mamamatay sa gutom o mamamatay sila sa kolera.
Kung bibigyang-pansin naman ang mga pahayag ng mga karaniwang tao hinggil sa pagkalat ng kolera, lalong makikita ang kawalang kakanyahan ng mga Amerikano na ipaloob ang mga nasasakupang mamamayan sa maka-agham na kaisipang pangkalusugan. Ang mga usap-usapan sa ginagawa ng mga Amerikano ay nagpadagdag sa kilabot at sindak na likha ng epidemya, lalo na at tila isang operasyong militar ang isinakatuparan upang sugpuin ang sakit. Nang unang matuklasan sa Distrito ng Farola ang kolera, halimbawa, ipinag-utos ni Interior Secretary Dean C. Worcester ang paglikas ng mga tao at pagsusunog ng buong distrito. Habang naglalagablab ang buong distrito sa harap ng mga natatakot ng mga Tagalog, kumalat ang bali-balita na sinusunog ng mga Amerikano ang mga tahanan ng mga mahihirap upang gawing bodega ng mga mayayamang Amerikano. Lumaganap ang mga balita sa panahon ng epidemya na lason ang inilalagay ng mga Amerikano sa tubig (na ang layuning disimpektuhin ito) upang patayin ang mga Pilipino o kaya naman, napabalita din na dala ang sakit ng itim na aso na nakitang tumakbo sa lansangan bago kumalat ang epidemya.
Sa katunayan, lalong nagatungan ang mga bali-balita dahilang ang mga mahihirap ang karaniwang natamaan ng mga gawaing pangkalinisan ng mga Amerikano – nakararami sa kanilang mga kubo ang sinunog upang maprotektahan ang kapaligiran. Maraming mga gamit ang nasira sa pagpapaaso (fumigation) ng kapaligiran. Kung ihahambing sa bahay na bato at sa mga gamit ng mayayaman, higit na maraming pinsala ang naranasan ng mga nakatira sa kubo kaysa sa bahay na bato. Nagpapapaalala din ito sa malawakang pagsunog ng mga kubo at kabahayan na ginawa ng mga Amerikanong sundalo upang supilin ang mga insurekto at irreconciable sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano, sa bisa ng Reconcentration Law. Sa pananaw ng mga maralita, nailigtas man sila sa kolera, wala naman silang matitirhang tirahan sanhi ng pagsunog sa kanilang mga apektadong kubo.
Marami ring mga kumalat na nakapangingilabot na kwento ukol sa mga ginagawa ng mga Amerikano sa mga maysakit. Ang pagtatatag ng kampo sa pagamutan ng San Lazaro para sa mga biktima ng kolera ang lubusang nagpatakot sa mamamayan. Tila kampong militar at hindi ospital ang itinatag na may takdang operasyon laban sa kolera. Kalimitan pa, nagaganap na may darating na naka-unipormeng mga tao at biglang bubuhatin ang mga may-sakit mula sa bahay upang dalhin sa kampo, nang naiiwan ang kanilang kamag-anak na hindi pinapayagang sumunod. Sa maraming mga pagkakataon, ito na ang huling pagkakataon upang makita nila ang maysakit na kaanak. Makakatanggap na lamang sila ng tala at notisya upang kunin ang labi ng kanilang namatay na kamag-anak matapos ang ilang araw na kinuha ito ng mga maykapangyarihan.
Ang mga ganitong karanasan ang nagbunsod sa kanila na ipaglihim at huwag sabihin sa awtoridad kung mayroong nagkasakit sa kanilang kubo. Ang takot ng disimpeksyon (kasiraan sa tahanan at gamit ang kahulugan) at pagsunog sa kanilang kubo; at ang takot sa pagdala ng maykapangyarihan sa maysakit sa ospital (na kamatayan ang kahulugan sa nakararami) ang siyang bumabagabag sa kanila. Maraming pagkakataon na tumatakas sila sa kampanya ng disimpeksyon dala ang mga banig, gamit, pagkain at tubig, o kaya naman, itinatago nila ang may-sakit sa mga awtoridad.
Sa kadahilanang tinitingnan na ang pagsusunog ng bangkay (cremation) ang siyang pinakamabisang paraan ng pagkawala ng mikrobyo sa katawan ng tao, tinangka ng mga Amerikanong isakatuparan ito. Maraming mga pagkakataon tuloy na upang maiwasan ang pagsusunog ng bangkay o ang dagliang pagpapalibing, dinudukot ng mga mamamayan ang kanilang patay, inililibing sa kanilang bakuran; itinatapon sa ilog at hinahayaang anurin sa dagat; o dili kaya’y ipupuslit na lamang nila sa lalawigan kapag gabi, upang takasan ang operasyong militar ng kwarantenas (quarantine).
Sa tradisyon na mga teksbuk, ang mga isinagawang pamamaraan ng mga institusyon ng kalusugan ng pamahalaang Amerikano sa Pilipinas ang nagbunga ng pagkasugpo ng mga pangunahing sakit tulad ng epidemya ng kolera sa Pilipinas. Subalit makikita sa kasaysayan na lumala ang pagkalat ng mga ito at naging malawakan ang bilang ng nagkakasakit dahil sa kadahilanan na rin ng paglalapat ng programang pangkalusugan sa konteksto ng kolonyal na pananakop. Hindi malinaw ang pagbibigay ng impormasyon at sistema ng komunikasyon sa mga taong maaaring magkasakit kaya lumawak ang maraming maling impormasyon ukol sa ginagawa ng pamahalaan. Walang pagsasaalang-alang sa kabuhayan ng mga tao sakaling magkaroon ng malawakang kwarantenas sa mga naaapektuhang lugar. Higit na binigyan ng aksyong nagpapaalala sa kampanyang militar ng Digmaang Pilipino Amerikano sa halip na kampanyang pangkalusugan ang isinagawa upang masugpo ang epidemya. At higit sa lahat, walang pagsasaalang-alang sa kalagayan ng mga mahihirap na mamamayan — mga ititunuring na pinakabulnerable sa lipunan na siyang dapat unang isasalba sakaling lumaganap ang epidemya at magkaubusan ng pagkain, gamit at kabahayan.
Ref.
John Bancroft Devins, An Observer in the Philippines or Life in Our New Possessions (Boston: America Tract Society, 1905).
Reynaldo Ileto. “Cholera and the Origins of the American Sanitary Order in the Philippines,” nasa Vicente Rafael (ed.).
Discrepant Histories: Translocal Essays on Filipino Cultures. Manila: Anvil.
Dean C. Worcester, A History of Asiatic Cholera in the Philippine Islands (Manila: Bureau of Printing, 1909)
*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.
The post Kapangyarihan, kabuhayan at kalusugan appeared first on Bulatlat.