Sa sistemang kapitalista, isa sa mga minumungkahing solusyon ang pagtayo ng mga kooperatiba para mabigyan ng lunas ang nakikitang kabulukan ng sistemang ito.
Nakabatay ang kasalukuyang sistema sa tubo, kompetisyon, at ekonomiya ng merkado, kung saan ang gobyerno ay madalas na pumapasailalim sa kapangyarihan ng mga kapitalista.
Sa sistemang ito, mahirap matamo ang hustisyang panlipunan.
Malabong makamit sa sistemang ito, kung saan ang mayayaman ay lalong yumayaman at ang mahirap ay lalong humihirap, ang pantay-pantay na pamamahagi sa yaman ng lipunan.
Tingnan natin ang epekto ng kasalukuyang kapitalistang sistema sa mga pangkaraniwang mamamayang Pilipino tulad ng mga manggagawa at mga magsasaka.
Ang mga manggagawa ay sinasabing siyang gumagawa ng yaman ng lipunan ngunit sa kasalukuyang sistema, ang kanilang kinikita sa ating bansa ay hindi sapat para sila ay mabuhay nang marangal.
Ang minimum wage dito sa atin ay napakalayo sa halagang kailangan ng isang pamilya upang mabuhay nang disente. Ito ay lalo pang nababawasan sanhi ng inplasyon.
Dahil dito, marami sa kanila ang napilitang mangibang– bansa upang doon magpa-alipin para lamang matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Ganun din ang nagyayari sa mga magsasaka.
Karamihan sa kanila ay hindi pa rin may-ari ng kanilang lupang sinasaka. Ang kanilang kinikita ay hindi rin sapat dahil sa napakataas na halaga ng mga binhi.
Mataas din ang halaga sa paggamit ng pang-agrikuturang teknolohiya. Napipilitan din silang umutang sa mga kumprador na siya ring taga-bili ng kanilang mga produkto sa murang halaga. Ang iba’t ibang programa ng pamahalaan para sa mga magsasaka ay napupunta lamang sa wala.
Sa ilalim ng Article 12 ng ating kasalukuyang Saligang Batas, ilang beses na binanggit ang kooperatiba upang makamit ang hustisyang panlipunan sa pang-ekonomiyang pag-unlad.
Sinasabi rin ni Pope Francis na ang mga kooperatiba ay siyang susi para sa pag-unlad ng pang-ekonomiyang pangkalagayan.
Ang kooperatiba ay isang samahang itinayo upang tulungan ang kanyang mga kasapi para ipagbili ang kanilang mga produkto o mamili ng mga produktong kanilang kailangan.
Ayon sa Cooperative Code of the Philippines, bawat kooperatiba ay magpapatakbo ng kanyang gawain batay sa patakaran ng voluntary and open membership, democratic member control, economic participation, autonomy and independence, community concern, inter-cooperation among cooperatives, at education, training and information para sa mga kasapi nito.
Ang mga kooperatiba ay maaring maging credit cooperative, consumer cooperative, producer’s cooperative, service cooperative, marketing cooperative, agrarian reform cooperative, electric cooperative, housing cooperative, workers’ cooperative, multi-purpose cooperative at iba pa.
Batay sa datos ng Cooperative Development Authority, mayroong 18,065 na operating cooperatives sa Pilipinas sa taong 2018.
Karamihan sa mga ito ay matatagpuan sa Region IV o Southern Tagalog Region, National Capital Region, at sa Region III.
Karamihan din sa kanila ay multi-purpose cooperative at iilan lamang sa kanila ang agrarian reform, housing, transport, at worker’s cooperative.
Sinasabing dito sa Pilipinas, ang unang kooperatiba ay binuo noon pang panahon ni Dr. Jose Rizal, noong siya ay naka-exile pa sa Dapitan.
Ngunit sa kabila ng ating kasaysayan, napag-iwanan ng ating mga karatig-bansa ang Pilipinas para sa pagsulong sa kooperatiba bilang isang paraan upang paunlarin ang buhay ng mga kasapi nito.
Tulad halimbawa sa South Korea, kung saan mayroong National Agricultural Cooperative Federation (NACF). Pakay nito na mapataas ang kinikita ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagpapalawak sa marketing ng mga produktong kanilang ginagawa. Sa kanyang operasyon ay naging isa sa pinakamalaking financial institution sa bansang South Korea ang NACF.
Sa Thailand naman, mababanggit natin ang ACFT o ang Agricultural Cooperative Federation of Thailand. Kabilang sa mga kasapi nito ang mga specialized groups katulad halimbawa ng mga kooperatiba ng sugarcane growers, onion growers, swine raisers, at dairy cooperatives. Dahil sa kanila ay binuo ng Thailand ang Bank for Agriculture and Agricultural Cooperative noong 1966.
Sa Malaysia naman, mababanggit natin ang National Farmers’ Association na naitayo pa noong 1972. Kasapi sa samahang ito ang mga agro-based cooperative at farmers’ association. Napakalaki rin at napakaunlad ng samahang ito sa kanilang bansa.
Malungkot isipin ngunit napag-iwanan na ang Pilipinas sa pagsisikap nitong palaguin at payabungin ang mga kooperatiba dito sa ating bansa.
Ano kaya ang dahilan mga kasama? Tanging ang taong bayan ang makakasagot nito.