May linya ang mga tagasuporta ng rehimeng Duterte kaugnay ng krisis sa ekonomiya sa panahon ng coronavirus disease-2019 (Covid-19): Wala tayong magagawa, pandaigdigan ang krisis. Lahat naman apektado. Tiis-tiis na lang.
Lahat nga ba? Kung pakikinggan ang mga balita hinggil sa paglaban ng ibang bansa sa Covid-19, makikita natin, iba-iba ang pagtugon ng iba-ibang bansa. Nariyan ang katulad ng Estados Unidos (US), sa pamumuno ng reality TV star na si Donald Trump, na itinangging matindi ang magiging epekto ng Covid-19 sa kanilang bansa. Ngayon, US na ang may pinakamalaking bilang ng kaso ng naturang sakit sa 3.8 milyon, pati na ang kaso ng namamatay sa sakit na ito sa 143,000. Patuloy pang dumarami ito, hindi bumabagal ang paglaki ng bilang.
Nariyan din ang mga katulad ng Brazil, na may maka-Kanang presidente, si Jair Bolsonaro, na kinukumpara kay Trump at sa Pangulo ng Pilipinas. Katulad ni Trump, mayabang ding sinabi ni Bolsonaro na hindi maaapektuhan ng Covid-19 ang kanyang bansa. Ayaw pa magsuot ng face mask si Bolsonaro, katulad ni Trump. Ngayon, mahigit 2.1 milyon ang kumpirmadong maysakit ng Covid-19 sa Brazil, habang halos 80,000 naman ang namatay.
Ganun din ang aktitud ni Duterte sa unang dalawang buwan ng Covid-19: binalewala, minaliit. Pinalusot ang mga turistang Tsino na galing sa pinagmulan ng sakit sa Wuhan, China. Noong nagkaroon na lang ng lokal na transmission, saka naalarma. Lockdown ang pangunahing porma ng pagtugon ng rehimeng Duterte sa pandemyang ito. Ngayon, Pilipinas na pangalawa sa may pinakamalaking bilang ng kasong Covid-19 sa Timog Silangang Asya, sa halos 70,000. Umabot na sa 1,835 katao ang Pilipinong namatay sa sakit na ito.
Samantala, nariyan ang mga bansang tulad ng Vietnam, South Korea, Taiwan, New Zealand, atbp. na mabilis na tumugon sa paraang dapat: malawakan at libreng testing, contact-tracing, isolation at treatment. Wala nang kaso ng Covid-19 ang Vietnam, habang inaapula na lang ang papakaunting kaso sa ibang nabanggit na bansa.
Ibig sabihin lang nito na hindi unibersal ang nararanasan ng Pilipinas. May mga halimbawa sa ibang bansa ng matagumpay na pagtugon sa krisis na ito.
Sa larangan ng ekonomiya, sa usapin ng kabuhayan ng mga mamamayang Pilipino, masasabing hindi lang Covid-19 ang nagdulot ng pinakamatinding krisis sa kasaysayan ng bansa. Hindi lang pandemya ang dahilan ng pagkakaroong ng tantiya ng Ibon Foundation na 14 milyong walang trabaho ngayon (sa 45 milyong labor force).
Sino nga ba ang nagtakda ng pinakamahabang lockdown (o community quarantine) sa kasaysayan ng mundo? Paulit-ulit na inekstend ang lockdown, dahil ang batayang rekisito para buksan ang ekonomiya sa panahon ng Covid-19 — libreng mass testing — ay hindi ginagawa. Sino ba naman ang pangunahing umatupag sa panunupil at pasismo, sa pagpasa sa mala-batas militar na Anti-Terrorism Act of 2020, sa halip na magpatuloy magbigay-ayuda sa mga nawalan ng trabaho? Sino ba naman ang nanguntang ng halos P9- Trilyon sa ngalan daw ng Covid-19 pero hindi naman nagamit para sa pagsalo sa mga nawalan ng trabaho at maliliit na negosyong nagsarahan?
Kung gugustuhin ng rehimeng Duterte, kayang kaya nito magbigay ng bailout sa 14 milyong nawalan ng trabaho, sa middle class na bumaba ang suweldo at nagtrabaho-mula-sa-bahay, sa mga maralita sa informal sector na lalong wala nang makain. Sa halip, pag-bailout sa turismo, sa malalaking negosyo, at pagpapatuloy ng Build, Build, Build (na pinakikinabangan ng mga dayuhang negosyanteng nakakontrata) ang inatupag nito.
Pinayagan nito ang pagbukas ng ekonomiya at pagbalik-trabaho ng mga manggagawang may trabaho pa kahit na kumakalat pa ang Covid-19 sa bansa. Sinabi pa ni Harry Roque, tagapagsalita ni Duterte, na “pribadong sektor” na ang bahala sa Covid-19 testing ng mga manggagawa. Wala itong ginawa habang ginawang pagkakataon ng mga kapitalista ang pandemya para magbawas ng empleyo sa mga pagawaan nito, magbawas ng sahod at benepisyo, magsagawa ng rotational na pagtatrabaho, manupil ng mga unyon ng mga manggagawa — lahat nang bagay na lalong nagpapahirap sa mga manggagawa.
Resulta ng kapabayaan ng rehimen ang malalang krisis sa ekonomiya ng mga mamamayan. Lagi namang ito ang dahilan ng mga krisis sa ekonomiya — resulta ng kawalan ng pakialam ng isang Estado — bago pa mang ang pandemya. Pero dahil sa Covid-19, mas naging lantad ang katotohanang ito. Likha ng tao, o man-made, ang malawakang disimpleyo at kawalan ng kabuhayan ng mga Pilipino. Hindi na ito masisisi sa Covid-19. Isa lang ang maaaring ituro nating pangunahing salarin.