Site icon PinoyAbrod.net

Krisis sa bigas o paano mag-alay ng tula sa mga magsasaka

Anumang porma ng panitikan ang isinusulong ng makata, romantiko man ito o realistiko, karamihan sa nagiging paksain pagdating sa panulaan ang ideyal na kalagayan ng mga karaniwang mamamayan.

Tila may katapat na mga tula ang mga pinta ni Fernando Amorsolo kung saan ipinapakita ang mapangaraping kalagayan ng mga saganang magsasaka. Laging naroon ang malusog na kalabaw, maraming aning palay, mga nakangiting mga dalaga na nakasuot ng saya, at mga masasayang magsasaka na nakapalibot sa napakaraming ani. Sa ganitong pagpapakita, parang paraiso ang kanayunan at kailangan lang ng makata na dagdagan ng mga bulaklak at paruparo ang kanyang mga likha para maging tula na.

Subalit sa mahabang panahon din, maraming mga makata ang hindi nakuntento sa ganitong ‘matulaing’ pagsasalarawan ng kabukiran. May isang nibel ng realidad sa kanayunan na hindi maikakaila kahit ng pinakaromantikong makata: ang kalagayan ng mga nagpoprotestang mga magsasaka sa gitna ng kahirapan at kagutuman.

Mahigit isandaang taon nang kinaharap ng mga manunulat ang ganitong hamon. Kaya nga, itinuturing na bayani ang mga magsasaka dahil sila ang naghihirap upang matiyak na hindi magugutom ang buong bansa.

Sa panahon ng balagtasismo, ang mga tula nina Jose Corazon de Jesus (Huseng Batute), Florentino Collantes, Pedro Gatmaitan, Lope K. Santos, at marami pang iba ang nagpapakita ng tila gintong alay ng mga magsasaka para sa lipunan, kahit na kailangang maghirap at magpawis nang husto ang mga magsasaka para matupad lang ang kanilang obligasyong panlipunan. Sabi nga ni Ildefonso Santos:

Palay siyang matino,
Nang humangi’y yumuko,
Nguni’y muling tumayo:
Nagkabunga ng ginto

Hindi lamang ang palay na nilinang ng mga magsasaka sa bukid ang pinatutungkulan niya rito kundi ang mga magsasaka mismo na siyang gumagawa ng yaman at pagkain ng bansa. Ang gawain ng magsasaka ang itinuring ng mga makatang nagdakila sa kanila bilang tunay na salamin ng kabayanihan sa lipunan. Kailangang tiisin at gawin ang kahit anong hirap, maganap lang ang pagkakaroon ng pagkain para sa lahat. Sa mga tula ng mga makata, hindi lamang pagsasalarawan ng kalagayan ng mga magsasaka ang tinutukoy, kundi ang pagpapagod upang matiyak ang kapakanan ng nakararaming mga mamamayan. Ganito ang naging tema ng tulang Ang Magsasaka ni Julian Cruz Balmaceda,

Sa maghapong singkad ikaw’y nasa-linang
Sulong mo’y ararong batak ng kalabaw.
Di mo pinapansin ang lamig at ginaw,
Ang basal ng lupa’y mabungkal mo lamang.
Iyong isinabog ang binhi sa lupa
Na ikalulunas ng iyong dalita;
Tag-ani’y dumating sa dili-kawasa
Lahat ng hirap mo’y nabihis ng tuwa.
Anupa’t ang bawat butil
Ng bigas na naging kanin
Sa isip at diwa nami’y
May aral na itinanim.
Iya’y tunay na larawan
Ng lahat mong kapaguran
Bawat butil na masayang
Ay pintig ng iyong buhay.
Kaya nga’t sa aming puso’t dilidili,
Nakintal ang isang ginintuang sabi;
Sa lahat at bawat bayaning lalaki
Ikaw, magsasaka, ang lalong bayani.

Sa kabila nito, marami pa ring karanasan ng paghihirap ang mga magsasaka sa kanayunan na hindi kinikilala ng nakararami. Sa kasaysayan ng agrikultura at sakahan sa Pilipinas sa nakaraang isandaang taon, halimbawa, maraming mga pag-aaklas ng mga magsasaka ang nagbunga ng madugong engkwentro sa pagitan ng mga nagpoprotestang magsasaka at ng mga armadong pwersa ng gobyerno.

Sa pagsupil sa protesta ng mga magsasaka, hindi lamang sila tinatapatan ng bala at baril upang mapatahimik. Ipinapakita rin sa kanila na hindi dapat maging gawain ng magsasaka ang magprotesta at magreklamo, at dapat na manatiling tahimik lamang sila sa gitna ng kahirapan. Ang pagpapakita na hindi natural sa mga magsasaka sa kanayunan ang magprotesta ang nagiging dahilan upang maliitin ang kanilang mga pagkilos. Binibigyan ng rason na nanggugulo lamang sila, o may nag-uudyok sa kanilang mag-ingay at magprotesta para isulong ang mga usaping wala daw kinalaman sa mga sakahan.

Mapanganib ang ganitong pagsusuri dahil hindi nito kinikilala ang kakanyahan ng mga magsasaka na mag-isip nang sarili at umunawa ng sanhi ng kalagayan ng kahirapan. Minamaliit din nito ang mga magsasaka na magkaroon ng sariling lakas upang mag organisa at isulong ang ilang sektoral na adhikain sa bukid at kabuhayan.

Sa nakaraang higit isandaang taon matapos ang himagsikan nina Andres Bonifacio kung saan ang usapin ng pamamahagi sa mga nagbubungkal ng lupaing prayle ang pinakatampok na isyu, naging maramihan na ang mga pagkakataong nagkaroon ng protesta ang mga magsasaka. Sanhi ito ng kawalan ng lupa, kahirapang sanhi ng usura, kawalan ng suporta ng gobyerno sa mga sakahan, di maunlad na teknolohiya at imprastraktura sa sakahan, panunupil sa mga bagong setler sa mga binuksang lupang sakahan, at ang malawakang pangangamkam ng lupa mula sa mga nagbubungkal nito.

Salamin din ang dami ng mga kilusang magsasaka sa kawalan ng kakanyahan ng pamahalaan na isakatuparan ang ilang dekada nang ipinangakong repormang agraryo na sinasabing magiging susi upang maiahon mula sa kahirapan ang mga magsasaka, gaya ng nangyari sa mga bansang umunlad matapos gawin itong pangmalawakang programa. Ang mga halimbawa ng Taiwan, Japan, at South Korea ang ilan sa mga bansang umunlad matapos maisakatuparan ang malawakang repormang agraryo sa kanayunan – isang bagay na tila mailap na maganap sa Pilipinas.

Kaya nga sa loob din ng higit isandaang taon, naririyan sa kasaysayan ang pag-aaklas na nagtapos sa madugong represyon at masaker ng mga magsasaka. Ilang halimbawa nito ang mga Colorum mula Pangasinan hanggang Surigao noong 1920s; ang kilusang Sakdalista noong 1935; ang pag-oorganisa ng mga HMB sa mga hasyenda matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig; ang Lapiang Malaya at ang masaker sa Mendiola noong 1967; ang masaker ng mga magsasaka ng Escalante, Negros Occidental noong 1985; ang masaker ng mga nagpoprotestang magsasaka sa Mendiola noong 1987; at ang masaker sa Hacienda Luisita noong 2004. Kaya hindi na maituturing na bagong karanasan ang nangyari kamakailan sa Kidapawan kung saan ilang magsasaka na naman ang napatay at ilan ang ikinulong sa salang panggugulo sa lipunan.

Sa tula ni Jess Santiago, mapupunang hindi na nakikipag-aliw sa mga paru-paro ang mga magsasaka. Kinikilala pa rin ang butil ng ginto na bunga ng paghihirap ng mga manggagawang bukid. Kinikilala pa rin ang kadakilaang kanilang ginagawa para sa bayan. Bukod dito, pinahalagahan din ang mga ‘kalansay at bungo’ ng mga ninunong nag alay ng buhay upang maganap ang masaganang ani, ang pagpapatuloy ng buhay sa pamamagitan ng kanilang pawis at dugo para sa buong daigdig.

Butil ng Palay
Tula ni Jess Santiago

Bawat butil ng palay
Ay butil ng pawis
Ng bawat alipin
Aping magbubukid

Bawat butil ng palay
Ay butil ng luha
Ng kayraming inang
Natali sa lupa

Bawat butil ng palay
Ay butil ng dugo
Kalansay at bungo
Ng ating ninuno

Butil ng pawis
Ng luha at dugo
Butil ng palay
Butil ng ginto

Bawat butil ng palay
Sanggol na walang malay
Hindi pa man isinisilang
Nakasanla na ang buhay

Bawat butil ng palay
Ay isang magsasaka
Nakasuga sa lupa
Ang kanyang hininga

Bawat butil ng palay
Ay butil ng buhay
Butil ng pag-asang
Sumibol sa parang

Bawat butil ng palay
Ay isang magbubukid
Nagbibigay-buhay
Sa buong daigdig

Nitong mga nakaraang buwan, halos dumapa nang husto ang presyo ng palay sa pamilihan sanhi ng pagdagsa ng mga inangkat na bigas mula sa ibang bansa. Mas mahal pa ang isang istik ng sigarilyo o isang bote ng softdrinks kaysa sa isang kilo ng palay. Sa walang habas na pagpasok ng mga inangkat na dayuhang palay, wala nang proteksyon ang mga magsasaka na pangalagaan ang kanilang mga ani sa pamilihan.

Bukod pa rito, hindi na maaasahan ang pamahalaan sa suporta sa mga magsasaka dahil sa pagpili nitong mapayagan ang pagbaha ng mga inangkat na bigas mula sa labas. Higit pa rito, pinalala pa ang sitwasyon dahil sa kontrol ng mga kartel ng mga nangangalakal ng bigas at palay sa lokal na merkado. Kaya kahit na mahal ang pagbebenta ng bigas sa mga supermarket at groserya, hindi nangangahulugan nito na napunta sa mga magsasaka ang kinita sa pamilihan. Kung mababa ang presyo ng pagbenta ng palay ng mga magsasaka at mataas naman ang presyo ng bigas at kanin sa pamilihan, ang mga nasa gitna nito na mga kartel ng mga namimili ng palay at nagbebenta ng bigas – mga middlemen at traders, ang makikitang siyang nakikinabang sa sistema. Ang pagpapapasok ng mga inangkat na bigas, kung gayon ang nagpalala at hindi nagbigay solusyon sa hirap na kalagayan ng mga magsasaka.

Malayo na ang narating ng mga makatang nakisangkot at kumilala sa kabayanihan at pagpapagod ng mga magsasaka upang mapakain ang lipunan. Subalit sa pagkakataong malawakan pa rin ang panlalait at pagmamaliit sa kapakanan ng mga magsasaka, malayo pa rin ang lalakbayin upang matamo ang lipunang nagpapahalaga sa lumilikha ng yaman at ng kasaysayan.

*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.

The post Krisis sa bigas o paano mag-alay ng tula sa mga magsasaka appeared first on Bulatlat.

Exit mobile version