Site icon PinoyAbrod.net

Krisis sa tubig

Noong Disyembre 30, 2019 , bago matapos ang taon , ay muling iginiit ni Pang. Duterte ang pagtuloy sa Kaliwa Dam at Wawa Dam bilang sagot sa umiiral na krisis sa tubig sa Metro Manila at mga karatig na lugar.

Sa isang talumpati sa Digos City ay binanggit ni. Pangulong Duterte na dapat ay magdahan-dahan ang mga hukom sa paglabas ng temporary restraining order (TRO) na nagpapatigil sa mga proyektong ito ng gobyerno.

Ipapakain daw niya sa mga hukom ang TRO na kanilang ilalabas kung sakaling makita niya na wala itong batayan.

Maala-ala na naging sentro ng kontrobersiya ang proyekto kaugnay sa Kaliwa dam project na matagal nang gustong ipairal ng pamahalaan.

Ang Wawa dam project naman ay noong Nobyembre 2019 lamang binigyan ng go-signal ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) kaya’t hindi pa ito masyadong natatalakay.

Ang Kaliwa dam ay balak isagawa sa General Nakar at Infanta, Quezon province at aabot sa bayan ng Tanay, Baras, at Teresa sa lalawigan ng Rizal.

Di umano ay nakuha na noong 2019 sa pamagitan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang “free and informed consent” ng mga katutubong apektado sa proyektong ito sa lalawigan ng Quezon at ng Rizal.

Nagbigay na rin noong Oktobre 2019 ang Dept. of Environment and Natural Resources (DENR) ng Environmental Compliance Certificate (ECC) sa MWSS upang ituloy ang proyekto ng Kaliwa dam na ito.

Ang Kaliwa dam ay gagawin ng isang Chinese contractor, ang China Energy Engineering Corporation (CEEC).

Ang magagasta sa proyektong Kaliwa dam ay aabot sa umaatikabong P18.70 Bilyon.

Uutangin natin mula sa China ang 85% sa halagang ito, at 15% naman ang kakargohin ng Pilipinas sa pamagitan ng MWSS.

Ang loan mula sa China ay may interes na 2%, walong beses na mas mataas kaysa loan na binibigay sa atin ng bansang Japan.

Bukod rito, maraming probisyon sa loan agreement sa pagitan ng China at Pilipinas ang nagbibigay ng pabor sa China at nagiging pabigat sa Pilipinas, puna ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate.

Halimbawa, sinasabi sa loan agreement na ano mang hidwaan tungkol sa pagbabayad sa loan ay dedesisyunan ng husgado ng China gamit ang batas ng bansang ito at hindi ang international laws.

Kaya, ano mang hindi pagkakaunawaan pagdating sa bayaran ay reresolbahin sa pamagitan ng China International Economic and Trade Arbitration Commission sa Beijing gamit ang Chinese laws.

Nakalagay rin sa loan agreement na inaamin ng Pilipinas na ang agreement na ito ay hindi lumalabag sa batas ng Pilipinas.

Pinagbabawalan din ng loan agreement ang Pilipinas sa paggawa ng anumang bagay na sa pagtingin ng China ay makakaapekto sa pagsunod sa obligasyon nito.

“Madali tayong kasuhan ng China sa tribunal nila, habang tayo hindi maaring i-question ang agreement sa sarili nating korte,” sabi pa ni Cong. Zarate .

Maala-ala natin na naglabas ng Resolution ang Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na nagpapatawag ng imbestigasyon tungkol sa pagsasa- pribado ng mga water utilities sa bansa.

Ang Resolusyon ng Makabayan bloc ay sinang-ayunan ng Resolusyon ni Cong. Fidel Nograles na nagpapatawag din ng inbestigasyon sa Kaliwa dam project ng gobyerno at kung paano ito naibigay sa China Energy Engineering Co.

Ganun pa man, marami pang isyu ang pwedeng gamitin laban sa Kaliwa dam project na ito.

Halimbawa, ang proyektong ito ay makakaapekto sa tradisyunal na tirahan ng hindi bababa sa 5,000 katutubo (Dumagat at Remontados) sa lalawigan ng Quezon at Rizal.

Ang proyekto ay maglulubog sa halos 2,400 na hektarya ng lupa sa dalawang probinsyang nabanggit.

Ang apektadong lugar na ito ay bahagi ng Kaliwa Watershed Forest Reserve na ideklara noong 1968 at naging Natural Wildlife Park Sanctuary mula 1977.

Nabigyan din ng ancestral domain titles ang mga Dumagat at Remontados sa lugar na ito.

Ayon sa Indigenous People’s Rights’ Act of 1997 (RA 8731), ang mga katutubo ay may karapatang manatili sa nakagisnan nilang teritoryo at lupain.

Kung kailangan talaga ang kanilang relokasyon, kailangan munang makuha ang kanilang “free and informed consent” sa pamagitan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).

Ngunit ayon kay Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat, walang ebidensiyang napakita ang DENR na nagkaroon ng konsultasyon sa mga katutubo sa proyektong ito

Ang Kaliwa Dam ay sisira din sa 126 species ng mga hayop, halaman at insekto na matatagpuan sa 300 ektarya ng bundok Sierra Madre, kabilang na Philippine Eagle.

Maglalagay din ito sa sa panganib sa mga 100,000 na taong nakatira sa baba nito dahilan sa posibleng pagbaha.

Ang pagkasira ng Sierra Madre ay maaari ring magdulot ng pagbabago sa ating klima.

Dahil sa pagtayo ng Kaliwa dam, ang ating utang dito mula sa China ay napakalaki at makadadagdag sa ating malaking utang sa iba pang bansa. Maaaring isakripisyo ng gobyerno ang ating teritoryo upang mabayaran ang nasabing pagkakautang.

Matatandaan na ang mga Dumagat at Remontado ay matagal nang lumalaban tungkol sa pagtatayo ng dam sa kanilang lugar.

Noong administrasyong Marcos pa man ay hinadlangan na ng mga grupo ang pagtayo ng dam na ito (Laiban dam pa noon ang tawag dito) hanggang sa panahon ng administrasyong Aquino.

Naging matagumpay ang mga katutubo rito ngunit pagdating ng administrasyong Duterte ay muli itong ipinilit sa kanila.

Ginagawa ito ng administrasyong Duterte sa tulong nina Environment Secretary Rey Cimatu, MWSS administrator Emmanuel Salamat, at NCIP Chair Allen Capuyan – lahat dating opisyal ng military.

Marami pang alternatibong paraan para masolusyunan ang problema natin sa tubig bukod sa pagtatayo ng Kaliwa dam.

Isa na rito ang pag-nationalize sa mga water facilities upang mailayo ito sa kamay ng gahamang negosyante.

Ano pa ang ating hinihintay mga kasama? Labanan ang pagtatayo ng Kaliwa dam!

Exit mobile version