Site icon PinoyAbrod.net

Kung tubig ay buhay, bakit ito ginagawang negosyo?

Mula noong unang linggo ng Marso hanggang nitong Hulyo, naranasan ng maraming kostumer ng pribadong water concessionaires na Manila Water at Maynilad ang sabay-sabay na pagkawala ng suplay ng tubig sa lugar na kanilang sineserbisyuhan sa Metro Manila at Rizal.

Noong una, hindi maipaliwanag ng Manila Water kundi ang biglaang pagbaba ng reserbang tubig sa La Mesa Dam kung saan sila kumukuha ng tubig. Kalauna’y isinisi nila ito sa penomenong El Nino pero pinabulaanan ito ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) nang sabihin nitong wala pang nararamdamang epekto ng El Nino dito sa Luzon.

Mula nang isinapribado ang serbisyo sa tubig, wala nang kooperatiba o pampublikong kontrol sa tubig ang buong Kamaynilaan. Gayundin, ang mga kooperatiba ng tubig sa mga probinsiya ay sumasailalim na rin sa pribatisasyon na nagdudulot ng dagdag-pasakit sa ating kababayan. Ang kalakhang larawan ng serbisyo sa tubig sa buong bansa’y patungo sa pribatisasyon.

Halimbawa na rito ang PrimeWater na pagmamay-ari ng mga Villar na pumapasok ngayon sa mga probinsiya ng Bulacan at Bataan. Kung dati-rati raw ay libre ang tubig sa Samal, Bataan. Ngayon, pinagbabayad sila ng PrimeWater. Mas nagmahal din ang singil sa tubig ng mga taga-San Jose del Monte, Bulacan mula nang magkaroon ng joint venture projects ang lokal na water district at Prime Water.

Ang tubig ay isang natural na rekurso na dapat ay may access ang lahat ng mga mamamayan. Mas madaling mamamatay ang isang tao dahil sa uhaw kaysa sa gutom. Kaya hindi tamang nasa kamay ng mga pribadong korporasyon gaya ng Manila Water at Maynilad ang isang batayang pangangailangan gaya ng tubig.

Isinapribadong tubig

Panahon ng panunungkulan ni Pang. Fidel Ramos nang magkaroon ng malawakang krisis sa tubig ng taong 1997.

Bilang tugon, pinagutos niyang isapribado ang serbisyo sa tubig ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) upang magkaroon umano ng mas mura at mas mahusay na serbisyo sa mga konsiyumer sa Metro Manila. Bahagi ito ng bungkos ng neoliberal na mga patakaran na ipinatupad ng rehimeng Ramos. Hinati ang serbisyo sa tubig ng MWSS sa West Zone (Maynilad) at East Zone (Manila Water).

May mandato ang MWSS na tiyaking tuluytuloy at sapat na suplay at distribusyon ng malinis na tubig para sa mga kabahayan at iba pang paggagamitan nito at ang maayos na operasyon at pagpapanatili ng sewerage system bilang esensiyal na bahagi ng pampublikong serbisyo dahil isa itong mahalagang bahagi ng kalusugan at kaligtasan ng publiko (Republic Act No. 6234).

Samantalang ang mga concessionaire o mga kompanya ng tubig tulad ng Manila Water ay may obligasyon na tuluytuloy ang suplay ng tubig sa mga sakop nitong lugar.

Walang habas na taas-singil

Sa loob ng 22 taon, nakita at naramdaman ng mga mamamayan ang kabiguan ng pribatisasyon sa tubig. Nagdulot ng mahal at overpriced na tubig na nagresulta ng mas malaking kita ang mga kompanya. Ang singil sa tubig sa Metro Manila ay pumapangalawa sa may pinakamataas na presyo sa Southeast Asia.

Ang singil ng Manila Water ay tumaas nang 879 porsiyento at ang Maynilad ay 574 porsiyento sa mga kostumer nito simula ng pribatisasyon sa tubig noong 1997 hanggang Enero 2019. Apat hanggang anim na beses na mas mataas kumpara sa inflation rate sa parehong panahon.

Sa nakaraang sampung taon (2007-2017), lumaki ang kita ng Manila Water nang 137 porsiyento (P 2.4-Bilyon to P 5.7-B) at ang Maynilad nang 444 porsiyento (P 1.3-B – P 6.8-B). Nag-triple ang kita ng Manila Water mula P 6.1-B noong 2017 sa P 6.6-B ng 2018 (179 porsiyento), ayon sa Ibon Foundation.

Hindi sapat, hindi epektibo

Nasa plano ng water companies na magpalawak pa ng kanilang serbisyo sa pamamagitan ng dagdag na mga istruktura at mga pipelaying projects.

Pero pinangangambahan ng mga kritiko nito na hindi ito napakinabangan ng mga konsiyumer. Naka-konsentra kasi ang mga proyektong ito sa commercial areas. Sa mga residential areas naman, kadalasa’y palpak kaya’t mahina at/o madalang pa rin ang suplay ng tubig. Samantala, ang gastos sa mga proyektong ito’y inaashaang dagdag-bayarin na ipinapasa sa mga konsiyumer, bukod pa sa corporate taxes na dapat sana ay responsabilidad na ng korporasyon.

Ang mga dagdag imprastraktura ay naglalayon ng mas malaki pang kita at hindi ng mas maayos na serbisyo. May sapat na suplay ng tubig para sa lahat, pero nasa kamay ng mga korporasyon na may ultimong motibo ng pagkamal ng kita kaysa sa iparating ang serbisyo sa lahat ng nangangailangan sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng mga imprastraktura.

MWSS: Walang pangil

Dahil sa pribatisasyon, nawalan ng kontrol ang gobyerno sa dapat sanang pampublikong serbisyo dahil ang mandato ng MWSS ay regulasyon lang. Pero kahit ito’y hindi nagagampanan para sa kapakanan ng mga mamamayan.

May pananagutan ang gobyerno at MWSS sa nagaganap na krisis at kapalpakan sa serbisyo sa tubig ng mga kompanya mula nang ipatupad nito ang pribatisasyon sa serbisyong tubig na isa sa pinakamahalagang pangangailangan at karapatan ng tao.

Ang regulatory function ng MWSS ay hindi nito lubos na nagagawa at wala itong ngipin na bigyan ng kaukulang multa at parusa ang mga water companies sa tuwing may nilalabag ang mga ito. Madalas nitong dahilan ay “wala silang magagawa” at mala-parrot pa na gumagaya sa dahilan ng mga kompanya sa tuwing may nakaambang pagtataas ng singil. Nawawala ang masusing pagkilatis ng MWSS regulatory board kung makatarungan nga ba ang paniningil ng mga kompanya at kung may nilalabag ito sa batas at sa tungkulin nitong serbisyo sa mga tao.

Bumabangga ang interes ng malawak na mga mamamayan para sa pampublikong gamit ng tubig sa interes ng iilang pribadong korporasyon. Halimbawa rito ang pagpapauna na magkaroon ng tubig ang mga golf courses, mga malls at iba pang malalaki at pribadong establisyemento kumpara sa mga kabahayan at mga ospital. Ito ay dahil sa mas mataas ang singil sa mga commercial establishments kumpara sa mga residential areas.

Konsultasyon daw?

Nagpopostura ring spokesperson at tagapagtanggol ng mga pribadong kompanya ng tubig ang MWSS dahil sa hindi nito lubusang ibinubukas sa publiko ang mga kasunduan at mga dahilan ng pagtataas ng singil ng mga ito.

Ang mga public consultation sa tuwing nagtataas ng singil ang mga kompanya ng tubig ay bilang “token” o mekanikal na pagsunod lamang sa proseso, at hindi para dinggin ng MWSS ang mga hinaing at daing ng mga konsiyumer. Karaniwang sa mga konsultasyong ito ay limitado at pili ang mga ibinabahaging impormasyon.

Sa nakaraang pagdinig sa Senado hinggil sa naganap na “krisis” sa tubig, tila minamaliit lamang ng MWSS ang pagbibigay ng karampatang parusa sa Manila Water sa perwisyong idinulot nito dahil ang pag-iisipan pa raw nila ang kanilang hakbang na desisyon.

Nalaman natin na ang San Miguel Corporation ay may allotment din ng supply ng tubig sa Angat Dam bukod sa Maynilad at Manila Water. Ibig sabihin, pinaghati-hatian ng mga korporasyong ito ang rekurso sa tubig. Hindi natin alam kung sino pa ang ibang korporasyon na binigyang karapatan ng gobyerno sa ating rekursong tubig para inegosyo.

Mapa ng mga dam na pinagmumulan ng tubig sa Kamaynilaan, at ang planong Kaliwa Dam.

Pagpasok ng mga dayuhan

Isa ngayon sa inilalako ng administrasyong Duterte ang pagtatayo ng mga dam upang matugunan ang krisis sa tubig. Kabilang dito ang Kaliwa Dam, Laiban Dam at ang Chico Pump Irrigation Project. Ang mga proyektong ito’y hawak ng gobyerno ng China bilang bahagi ng kanilang official development assistance (ODA), na sa esensiya’y utang na may malaking interes.

Mula sa konstruksiyon hanggang sa operasyon ng mga dam na ito ay nakapailalim sa kontrol ng China. Kahit ang malaking bilang ng mga gagawa ng mga ito ay magmumula sa Tsina.

Higit 14,000 pamilya, karamihan’y katutubo (Dumagat, Remontado, at mga Kalinga-Bontoc na katutubo) ang mapapalayas sa kanilang mga lupain. Nilabag din ng gobyerno ang karapatan ng mga katutubo dahil hindi sila kinonsulta kung gusto ba nilang ipatayo ang dam sa kanilang lupain. Basta-basta na lamang silang papalayasin kung sakaling matuloy ang pagpapatayo nito.

Pumapasok din sa larawan ang Japan na may mas mababang interes na pautang kumpara sa Tsina at mas lowimpact sa kalikasan at sa mga komunidad na nakapaligid.

Lantad sa pag-aaral

Marami ang ebidensiya at siyentipikong pag-aaral hinggil sa masamang epekto ng pagsasapribado ng serbisyo sa tubig at ang worldwide trend na muling pagbabalik sa publiko ng kontrol nito.

Pero sa kabila nito, ang kasalukuyang sistema sa pamumuno ngayon ng rehimeng Duterte’y pilit pa ring isinusulong ang polisiya ng pribatisasyon at dagdag pa ang pagbebenta sa mga dayuhang kompanya ng ating mga pinagkukunan ng tubig. Si Duterte ngayon ang pangunahing bentador ng mga teritoryo at likas-yaman ng ating bansa sa malalaki at dayuhang kapitalista, ahente ng mga neoliberal na mga polisiya na ipinapataw ng mga kapitalistang bansa.

Mabilis siyang tumutugon sa mga utos ng kaniyang mga dayuhang amo pero manhid at inutil sa mga hinaing ng mga mamamayan.

Panawagan

Kagyat na ipinanawagan ngayon ang pagsingil sa MWSS at water concessionaires sa palpak na serbisyo nito.

Ayon sa mga grupong katulad ng Gabriela na nagkakampanya hinggil sa krisis ng tubig, hindi umano dapat maningil ng kahit piso ang Manila Water para sa buwan ng Marso dahil lumalabas na wala at palpak ang serbisyo nito. Sila ang dapat magbayad sa perwisyong kanilang idinulot.

Nananawagan din silang itulak ang MWSS na tuparin ang mandato nito at panagutin ang Manila Water at Maynilad sa hindi nila pagtupad sa kanilang obligasyon. Hindi umano dapat singilin ang mga konsiyumer sa serbisyong hindi naman nila napakinabangan. Labag sa karapatang-tao ang ipagkait ang tubig na isa dapat na pampublikong pagmamayari.

Ipinapanawagan naman ng Ibon Foundation at Water for People Network na itulak ang MWSS na pumanig sa interes ng mga konsiyumer at ng nakararaming publiko, at tupdin ang tungkulin nitong bantayan at kontrolin ang mga water concessionaire upang maobliga silang gawin ang kanilang responsabilidad sa mga konsiyumer.

Pinatutulan din nila ang anumang dayuhang panghihimasok sa pampublikong tubig. Nais nilang itulak ang gobyerno na muling ibalik sa publiko ang kontrol at regulasyon sa tubig, wakasan ang pribatisasyon. Sa buong mundo, nakita na umano ang pagkabigo ng pribatisasyon sa tubig. 230 siyudad sa 37 bansa na ang muling ibinalik sa publiko at sa ilalim ng kontrol ng gobyerno ang serbisyo sa tubig, at itinakwil ang pribatisasyon.

Walang maayos na serbisyo sa tao kung ang nangunguna sa interes ng mga kompanya ay magkamal ng mas malaking tubo.

Iba pang panawagan

Ayon pa sa Gabriela, kailangang manawagan ng imbestigasyon ukol sa buong negosyong tubig upang malaman natin kung sinusino pang mga korporasyon ang pinayagang magnegosyo sa rekursong tubig. Kailangan ding singilin ang gobyernong Duterte sa pagpapaubaya umano ng pagpapaunlad ng pampublikong serbisyo sa tubig sa mga korporasyon at dayuhang mamumuhunan.

Kasama ang naturang grupo at iba pa sa nananawagang muling ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan upang maitulak ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (Caser) na siyang magtitiyak ng pambansang industriyalisasyon at magtutulak na mapasakamay ng gobyerno ang mga pampubloikong serbisyo sa tubig, kuryente, transportasyon, at iba pa.

Sa kahuli-hulihan, hindi ito usapin lang ng pagkairesponsable ng Manila Water at Maynilad sa kanilang mga kostumer.

Usapin din ito, ayon sa mga grupo, ng pag-abandona ng gobyerno sa tungkulin nitong tugunan ang mga batayang pangangailangan ng mga mamamayan. Usapin din ito ng patuloy na pagpapatupad ng neolioberal na mga patakaran na nagsisiguro ng kita sa mga sabwatan ng dayuhan at malalaking korporasyon.

 

Exit mobile version