Noon pa man, kilala na ng maraming kasabayang kabataang aktibista si Marklen Maojo Maga. Ikalawang hati ng dekada ’90, naging aktibista siya sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, miyembro ng Panday Pira, League of Filipino Students o LFS at Anakbayan, at may reputasyong mahusay na organisador.
Ang hirap banggitin ng pangalan niya nang walang paliwanag, bagamat madali itong hulaan. Aktibista rin at organisador ng mga manggagawa at maralita ang tatay niya, at ipinangalan siya sa mga dakilang lider-Komunista – hindi isa, hindi dalawa, kundi apat. Nakatago naman ito sa “kewl” na palayaw na “Maoj.”
Bahagyang nakilala ng mga kasabayang aktibista ang tatay ni Maoj, at ang kinalakhan niya, nang minsang dalhin sila sa simpleng bahay ng pamilya niya sa gitna ng isang madilim na maralitang komunidad. Burol-parangal iyun ng tatay niya, na namatay matapos makipaglaban sa sakit.
Hindi malinaw kung sumali si Maoj sa organisasyon noon sa PUP ng mahihilig sumayaw ng hip-hop, pero magaling siya sa mga indakang Streetboys at Universal Motion Dancers. Kapag nabibiro noon, pinagbibigyan niya ang mga kapulong ng sampol ng mga hip-hop na galawan o, sa tawag noon, “hatawan.”
Ang tawag ngayon, “mataba ang utak,” at ganyan si Maoj – malikot ang isip sa pagbibiro at diskarte sa gawain. Mahilig siyang tumawa at magpatawa, bungisngis, dangan lang at laging nauuna ang tawa bago ibato ang punchline. Wala yata siyang nakapulong na hindi niya napangiti o napatawa.
Masaya siyang kitain, dahil laging may bagong balita sa gawain o sitwasyong pampulitika. Baon niya ang mga bagong biro na nasagap niya sa malawak na pag-oorganisa. Sa kanya unang narinig ng marami ang ibang bersyon ng “Liwanag sa Dilim” ng Rivermaya: Isabaw mo! Sa kanin!
Kilala at paborito ng maraming aktibista si Maoj. Subaybay ng marami na naging karelasyon at asawa niya si Lengua de Guzman, aktibista naman sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. May isa silang anak, si Li Boy, na bagamat nagmana kay Lengua ng itsura ay mas nagpapaalala ng karakter ni Maoj.
Alam ng marami na matapos sa sektor ng kabataan-estudyante, naging organisador si Maoj ng mga tsuper at manggagawa – sa Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide o Piston at Kilusang Mayo Uno o KMU. Lagi siyang nakikita sa malalaking protesta: Marso 8, Mayo Uno, SONA, Araw ni Bonifacio, Human Rights Day at iba pa.
Alam ng marami na hindi kasapi ng New People’s Army o NPA si Maoj. Sa kabila ng pagpapalutang ng rehimeng Duterte na may mga “sparrow” muli ang NPA sa kalunsuran, wala itong kahit hibla ng katotohanan. May dahilang maghinala na hindi marunong humawak ng baril si Maoj, maliban iyung nasa computer games na nilaro niya, kung mayroon man.
Alam ng marami na ang gawain ni Maoj ay pasiglahin ang paglaban ng mga tsuper sa jeepney phaseout at ng mga manggagawa sa kontraktwalisasyon. Na ang ginagawa niya ay ang gawain ng mga aktibista: tuluy-tuloy na edukasyon sa hanay ng masa, pagpaplano, pagtatasa, paglulunsad ng pagkilos, pagtatayo ng mga organisasyon, pagresolba ng mga problema. Walang baril.
Kaya hindi kapani-paniwala sa marami ang akusasyon sa kanya ng kapulisan nang arestuhin siya noong Pebrero 22, 2018: na may dala siyang kalibre 45 na baril na may bala at walang lisensya. At lalong hindi kapani-paniwala ang dahilan umano ng warrant of arrest na inilabas laban sa kanya: na may pinatay siya sa Agusan del Norte, lugar na ni hindi pa niya napupuntahan.
Malinaw ring imposible ang kalagayan na sinasabing may dala siyang baril. Umaga noon, kakahatid lang niya ng anak sa paaralan, nagbabasketbol kasama ang mga kaibigan. Ang sinasabing bag niyang may dalang baril, nakasabit sa bisikleta niyang nakagarahe sa gilid – na kaduda-duda kung kakayanin ang ganoon kabigat na dalahin. Inhustisya ang bawat minutong nakakulong siya.
Pero naniwala ang San Mateo Regional Trial Court Branch 76, si Judge Josephine Zarate-Fernandez. Tama raw ang pagdakip kay Maoj: dahil daw may warrant of arrest, pwedeng halughugin ng kapulisan ang gamit niya. Hinatulan siya ng walo hanggang 14 na taon ng pagkakabilanggo sa Bilibid. “Beyond reasonable doubt” daw ang kwento ng kapulisan na siyang tanging pinagbatayan ng hatol.
Nakakadurog ng puso ang mga larawan ni Maoj, ni Lengua at ni Li Boy pagkatapos ibaba ang hatol. Pinakahuli lang ito sa marami na nilang pagdurusa para sa kanilang mga prinsipyo at pagkilos na para sa masa at bayan. Gusto silang patigilin ng mga makapangyarihan sa paglaban para sa pagbabago – pero lagi naman silang binibigyan ng mga ito ng dahilan para magpatuloy.
Malinaw nitong ipinapakita ang kabulukan ng sistema ng katarungan sa bansa. Sa paggamit ng rehimeng Duterte ng buong mapanupil na aparato ng Estado laban sa mga itinuturing nitong kalaban, lalo na sa mga aktibista, instrumento nito ang mga korte. Kung hindi man mulat na kasabwat, dinadaan sa pananakot, panunuhol o pareho ang mga hukom para mapasunod.
Kilala na ang kapulisan sa pagtatanim ng ebidensya – at may mahigit 10,000 biktima ng “gera kontra-droga” na patunay. Sa halip na bumango ang pangalan, sirang-sira sila sa ilalim ni Duterte. Ang iba pang kaso ni Maoj, nilikha ng Inter-Agency Committee on Legal Action o Iacla, binuo talaga para magmanupaktura ng mga kaso laban sa mga aktibista at iba pang kritiko ng gobyerno.
Kung matatandaan, ang unang rekomendasyon ni United Nations Special Rapporteur Philip Alston sa misyon niya sa bansa noong 2007 ay ang ipabasura ang noo’y Inter-agency Legal Affairs Group (Ialag) noong panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo. Ngayon, ang maraming detenidong pulitikal tulad nina Bob Reyes, Weng at Oliver Rosales, at Rey Casambre, biktima ng mga kasong gawa-gawa ng IACLA.
Bahagi ang ganitong pagbibilanggo at pagsasampa ng gawa-gawang kaso laban sa mga aktibista ng Oplan Kapayapaan, programang kontra-insurhensya ng rehimeng Duterte. Ang kagyat na layunin ay pigilan ang mga aktibista na gampanan ang kanilang mga gawain, at gambalain ang mga progresibong organisasyon na mahalaga sa paglaban sa madami at dumadaming krimen ng rehimen.
“Ang bago,” sabi ng mga detenidong pulitikal sa Bicutan, Taguig City sa pahayag nila ng pagkondena, “ay hindi lang ang pagpapaigting ng aparatong panseguridad ng Estado sa panre-red-tag at pambabansag na terorista” sa mga progresibong organisasyon, “pinapalapad din nito ang mga target (patunay ang hanay ng mga pakana at matrix sa ‘pagpapatalsik’) para sa ‘niyutralisasyon’.”
Hinatulan si Maoj na maysala sa panahong pinapalabas ng rehimen na popular ito sa batayan ng resulta ng dinayang halalan na kakatapos lang. Iniraratsada ang marami pang mapanupil na patakaran: parusang kamatayan, mas mahigpit na batas kontra sa terorismo, pagpapababa ng edad ng ligal parusahan, pagbabalik ng Reserved Officers Training Corps (ROTC). Lahat, para maitulak ang mga patakarang pabor sa mga dayuhang kapangyarihan at naghaharing uri na pinaglilingkuran ng rehimen.
Mabisang organisador si Maoj, kaya gusto siyang pigilan at busalan ng rehimen. Ang popularidad niya sa mga nakakakilala, gustong gawing panakot sa kanila; ang mensahe, kahit sinong aktibista, pwedeng basta arestuhin at ikulong. Pero pinatunayan na ng kasaysayan: nakakapagpunyagi ang mga dinadahas na nasa panig ng sambayanan. Nakabalik ang mga pasista at berdugo ngayon sa kapangyarihan, pero lagi nilang hinuhukay ang sariling libingan.