Site icon PinoyAbrod.net

Laban ng Dos, laban ng lahat

Kahit ang mga miyembro ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), marahil ay nagulat sa dami ng mga empleyado o rank-and-file na mga manggagawa na lumabas sa compound ng ABS-CBN para sumama sa protesta noong Pebrero 24.

Mahigit 2,000 empleyado, kasama ang mga tagasuporta nila at mga miyembro ng progresibong mga grupo, ang nagsuot ng puti at nagprotesta kontra sa mga tangka ng rehimeng Duterte na ipasara ang Kapamilya Network. Bumulwak sila sa mga kalsada sa palibot ng compound. Nagsagawa sila ng human chain at nagprograma. Kahit ang mga artista ng ABS-CBN, sumama sa protesta.

Sa unang pagkakataon, marahil mula noong unang pag-aalsang EDSA People Power, nakita ng madlang Pilipino ang isang gahiganteng media network na tumindig sa usaping pulitikal. Siyempre, walang iniwang opsiyon ang rehimeng Duterte sa ABS-CBN. Kinailangan nitong manindigan para sa sariling interes.

Pero hindi ito agad na kumilos. Nauna nang kumilos ang mga mamamahayag, sa pangunguna ng NUJP at iba pang grupo, na nagsagawa ng Black Friday Protests sa pagsisimula pa lang ng taon. Nagmumula kasi ang mga mamamahayag sa reyalidad na pinakahuli lang ang atake sa Kapamilya Network sa tumitinding atake ng rehimen sa karapatang sa pamamahayag. Mula sa cyber attacks sa alternatibong midya, hanggang ilegal na pag-aresto sa mga mamamahayag pangkomunidad katulad nina Anne Krueger sa Bacolod at Frenchiemae Cumpio sa Tacloban, hanggang sa mga banta sa iba pang mamamahayag, hanggang sa tangkang pagpapasara sa Rappler.

Nagaganap ang mga atake sa konteksto ng pagwasiwas ng pasistang lakas ng rehimeng Duterte sa lahat ng lumalaban dito at naggigiit ng karapatan. Pinakulong ang maingay na oposisyunistang si Sen. Leila de Lima at kinasuhan si dating Sen. Antonio Trillanes. Pinagbantaan ang mga lider ng simbahang Katoliko. Pinatalsik ang dating Chief Justice ng Korte Suprema. Pinakamalupit, naglunsad ng malawak na kampanyang kontra-insurhensiya na tumarget sa lehitimo, legal at di-armadong progresibong oposisyon.

Sa kabila nito, tila may kinikilingan ang rehimen. Nagpoposturang galit sa mga oligarkong pamilyang Lopez, pero hinihikayat naman ang naturang pamilya na ibenta na ang ABS-CBN. Biglang akyat sa Forbes 50 ang kroni at tagasuporta niyang si Dennis Uy, samantalang numero unong pinakamayamang Pilipino naman ang tagasuporta ni Duterte na si Manny Villar.

Sa madaling salita, malinaw na para sa proteksiyon ng sarili at mga kroni niya ang pagwawasiwas ng pasismo — laban sa mga mamamayan, at laban sa midya. Hindi dapat tigilan ang paggiit ng karapatan sa ilalim ng rehimeng ito, Kapamilya ka man o hindi

Exit mobile version