Site icon PinoyAbrod.net

Latin Amerika at Pilipinas, sa pagitan ng mga rebolusyon

Naglalagablab ang Latin Amerika sa mga balita. Malawakan ang mga kilos protesta sa Chile, Haiti, Ecuador at Bolivia. Nagpapatuloy ang pagwawagi at pananatili ng mga progresibong pinuno sa Cuba, Nicaragua, at Venezuela. Kamakailan, nanalo ang mga anti-neoliberal na mga pangkat sa Mehiko, Argentina at Bolivia sa mga halalang pambayan. Sa kabilang banda, maraming mga konserbatibong pwersa ang nananaig sa Brazil, El Salvador, Colombia, Guatemala at Paraguay.

Sa maraming pagkakataon, ang anino ng mga rebolusyonaryong bayani mula kina Jose Marti, Simon Bolivar, Augusto Sandino, hanggang kina Che Guevarra, Fidel Castro, at Salvador Allende ang nagsisilbing gabay sa paglalagablab ng pagkilos ng taumbayan sa rehiyon. Ang ambang panganib ng pagbabalik ng mga diktador gaya ng mga Duvalier, Trujillo, Somoza, Pinochet, at Diaz naman ang nananatiling banta ng makanegosyo at kontra-mamamayang pamumuno sa rehiyon.

Sa lahat ng mga ito, ang bansang Cuba at ang pangalan ng pinuno nitong si Fidel Castro ang laging nababanggit, katunggali man o kakampi – bilang malakas na impluwensya sa kalagayan ng mga bansa sa Latin Amerika.

Pumanaw noong 25 Nobyembre 2016 ang ama ng sosyalistang rebolusyong Cubano at sinasabing inspirasyon ng radikal na kilusan sa Latin Amerika na si Fidel Castro. Kahit na mahigit walong taon nang wala sa kapangyarihan si Fidel nang palitan ito ng kanyang kapatid na si Raul sa pamumuno ng Cuba noong 2008, makabuluhan pa rin ang bigat ng impluwensyang dala ni Fidel Castro hindi lamang sa kanyang bansa kundi sa buong Latina Amerika at sa ibang bahagi ng daigdig. Ang kanyang pinamunuang himagsikan laban sa kinamumuhiang pamahalaang Batista noong 1959; ang pagtataguyod niya ng sosyalismo; at ang pagkabigo ng mga sunud-sunod na mga pamahalaang Amerikano simula pa noong panahon ni John F. Kennedy na mapatalsik sa pwesto si Castro – ang mga tumatak sa kasaysayan sa halaga niya sa pandaigdigang kasaysayan. Sa kanyang pagpanaw, maraming nagsasabi na nagtapos na rin ang kabanata ng Cold War sa Latina Amerika.

Kung tutuusin, may kabalintunaan ang ganitong pagsusuring nagtapos na ang huling kabanata ng Cold War sa Latin Amerika. Hanggang ngayon, maraming bayan sa Latin Amerika – mula Bolivia, Nicaragua at Venezuela ang lubusang nagtaguyod ng mga kaisipang sumusunod sa modelo ng Cuba. Ilang mga bayan gaya ng Argentina, Uruguay, at Peru ang nagsasabing kailangan ng solidaridad at kaisahan ng mga Latino Amerikano sa pagharap sa kanilang malakas na kapitbansang Estados Unidos. Ang mga ito ang nagpapatunay na hindi namatay ang diwa ng paggiit ng kalayaan mula sa malakas na dayuhang pangingibabaw kasabay ng pagkamatay ni Fidel Castro.

Hindi rin matatawaran ang mga naging hamong kinaharap ng mga Cubano sa panahon ni Castro. Matapos ang rebolusyon, pinilit pabagsakin ng mga Amerikano ang pamahalaang Castro sa pamamagitan ng tuwirang pagtatangkang pananakop. Hindi nagtagumpay ang operasyon sa Bay of Pigs noong 1961 na kinasangkutan ng mga Cubanong nasa Amerika. Nailagay din sa bingit ng digmaang nukleyar ang daigdig sanhi ng pagdating ng ayudang Ruso sa Cuba at ang tangkang pigilan ng Amerika ang pagtatayo ng mga depensang Ruso laban sa kanila sa tinaguriang Cuban missile crisis. Subalit ang pinakamatindi ay ang ilang dekadang embargo na inilunsad ng Amerika sa pamahalaang Castro upang mapilay ang kakanyahang industriyal nito. Pinagbawalan ng Amerika ang pakikipagkalakalan, pamumuhunan o anumang pakikipag ugnayan sa Cuba na maaaring makapagbigay ng tulong pinansiyal o puhunan sa mga Cubano.

Sanhi ng embargo, at lalo na sa panahon ng pagbagsak ng Unyong Sobyet noong unang bahagi ng 1990s, napilitan ang mga Cubano na tumayo sa sariling paa at kaharapin ang mga batayan at pangunahing pangangailangan ng lipunan sa harap ng krisis sa ekonomiyang dulot ng embargo. Ibinuhos ng pamahalaang Cubano ang kakanyahan sa pagharap sa kalagayang pangkalusugan, pang edukasyon, at pagkain ng mga karaniwang Cubano sa halip na tumugon sa mga luho at konsumerismo.

Naging pandaigdigan ang pamantayang inilapat ng sektor ng kalusugan sa Cuba. Isa ito sa mga natatanging bansang may pinakamababang infant mortality rate, maternal mortality rate, at malnutrition – ilang mga tantos na mas maayos pa kaysa sa ilang bansa sa Europa at Hilagang Amerika. Sa katunayan, mas mabuti ang kalagayang pangkalusugan ng Cuba sa mga ganitong usapin kung ihahambing sa Estados Unidos! Libre ang gamot, ang pagpapaospital, at ang pagpapayong medikal sa lahat ng antas ng lipunan sa Cuba. Ang pananaliksik sa medisina ang isa sa mga tinitingala kahit ng World Health Organization – kung kaya kung mayroong mga epidemyang sisiklab, ang mga Cubanong doktor at mananaliksik din ang nangunguna sa pagpapadala ng mga boluntaryo sa iba’t ibang panig ng daigdig upang makatulong sa pag-apula ng epidemya.

Sa larangang edukasyon, batikan din ang pagsisikhay ng mga Cubano sa pagtugon sa batayang edukasyon ng kanyang mga mamamayan. Libre ang pag-aaral hanggang kolehiyo at tinutugunan ng pamahalaan ang pagtitiyak ng halos unibersal na literacy sa buong lipunan. Walang pribadong paaralan at tinutugunan ng pamahalaan ang gastusin sa pag-aaral kung kaya hindi suliranin ng mga mamamayan ang ibabayad sa matrikula.

Hindi kataka-taka na maraming bansa sa Asya, Latina Amerika at Africa ang tumitingin sa Cuba bilang modelo ng pagtugon sa pangangailangan ng kanilang mamamayan. Ang mga naganap sa Chile sa panahon ni Allende, sa Venezuela mula sa panahon ni Chavez, sa Nicaragua sa ilalim ng mga Sandinista – ang naglagay sa rehiyon sa pagpapatuloy ng diwa ng pagpapalaya sa sarili na nagdulot naman ng reaksyon ng mga konserbatibong pwersa. Tila pendulum ang naging kapalaran ng mga bansa sa ilalim ng mga progresibo at konserbatibong mga pamahalaan sa rehiyon.

Kailangang tingnan ang lahat ng mga ito sa punto de bista ng kasaysayan ng Pilipinas, hindi lamang sa pagkilala sa paralel na karanasan ng mga bayan, kundi sa pagtuklas muli ng nawalang ugnayan ng bansa sa rehiyon sa kabilang panig ng daigdig. Kung may rehiyon sa daigdig na may malalim na pinag-ugatang pangkasaysayan ang pakikipag-ugnayan sa Pilipinas, ang Latin Amerika ang isa na rito.

Ang pananakop ng Espanya ay naisagawa mula sa Mehiko kung saan ginabayan ang Pilipinas ng kanyang Viceroyalidad mula 1565 hanggang 1820 sa pamumuno ng Espanya. Ang Cuba, Pilipinas at Puerto Rico naman ang nalalabing mga kolonya ng Espanya matapos ang disolusyon ng mga Viceroyalidad at ng pagpapalaya ng mga bayan sanhi ng himagsikan. Halos kapanabay ng naganap na himagsikan sa Cuba ang himagsikan sa Pilipinas. Ang aneksasyon ng Pilipinas ang isa sa mga isinagawang programa na pagpapalawak ng Amerika, kasabay ng Puerto Rico. Naunang kinilala ng Amerika ang kalayaan sa Cuba sa panahon ng kanyang rebolusyon. Sinakop ng Amerika ang Pilipinas bilang kolonya, samantalang naging teritoryo ng Amerika ang Puerto Rico na hawak pa rin niya hanggang sa kasalukuyan.

Tila kapatid ang turingan ng tatlong bayang ito. Sa panahon ng paglulunsad ng rebolusyong Pilipino, laging nababanggit ang pagsiklab din ng kasabay na rebolusyon sa Cuba. Binabantayan ng publiko ang gagawin ng Amerika sa Cuba at Puerto Rico dahil maaaring ito ang makababanaag kung ano ang patakaran ng mga Amerikano sa pagdating nila sa Pilipinas.

Ang pagkakasangkot ng Amerika sa tunggalian sa Pilipinas ay maiuugat din sa Cuba. Matatandaang itinuring na ang pagpapasabog sa USS Maine, isang sasakyang pandigma ng Amerika, sa Havana, Cuba ang itinurong dahilan ng deklarasyon ng digmaan ng Amerika laban sa Espanya. At dahil kolonya ng Espanya ang Pilipinas kahit na nagrerebolusyon na ito, hinabol ng Amerika ang mga tropang Espanyol na nasa Pilipinas, ayon sa prinsipyo na target ng digmaan ang kanyang kaaway saanman ito naroroon. Sa bandang huli, makikitang wala namang kinalaman ang Cuba (o ang mga Espanyol na naroon) sa pagpapasabog sa USS Maine dahil isang problemang mekanikal ang napatunayang sanhi ng pagsabog. Magkagayunman, naging dahilan ito upang manakop ang Amerika sa Asya, at ang Pilipinas ang naging unang target nito.

Malalim ang ugnayan ng mga bayaning Pilipino at mga bayaning Cubano sa panahon ng rebolusyon. Sa paglulunsad ng rebolusyong Cubano, tiningnan ng mga rebolusyonaryong Pilipino ang mga ginagawa ng Cuba upang sundan ang yapak nito. Sa pananalita nga ni Mariano Ponce,

“Dahil iisa ang ating kaaway, kailangan nating magtulungang mga Cubano at mga Filipino. Huwag ninyong kalimutang kayo ang aming nakatatandang kapatid, at kami ay salat sa karanasan kung kaya kailangan namin ang tulong, payo at gabay na tanging sa inyo lamang namin maaasahan. Sabay na tinahak ng Cuba at Filipinas ang malungkot na kasaysayan ng kanilang kahiya hiyang pagkaalipin. Sabay rin dapat nating kalagin ang kanilang mga tanikala.”

Taimtim naming ipagdarasal na patuloy na isulat ng Cuba ang kanyang kadakilaan sa mga pahina ng kasaysayan nang maging isang di malilimutang babala sa mga mapaniil at magsilbing isang magandang halimbawa sa mga bansang nasa ilalim ng pang aalipin.

Sa gitna ng mga kalungkutan, nakakapagpalubag loob na isipin at alalahanin ang Cuba at Filipinas, at gunitain ang sinabi ng di malilimutang si Jose Marti na hindi ang mga sumusuko, kundi ang mga lumalaban, ang nakabubuo ng mga bansa.

Isang malaking anino ng Cuba ang lumambong sa kasaysayan ng Pilipinas sa nakaraang dantaon. Mataas ang pagtingin ng mga Pilipinong rebolusyonaryo sa mga Cubanong rebolusyonaryo gaya nina Jose Marti. Sa pagdating ng Cold War, tila naghiwalay ang landas ng dalawang bayan dahil napapunta sa orbit ng Unyong Sobyet ang Cuba samantalang nanatiling malapit ang Pilipinas sa Amerika kahit na sinasabing nagkaroon na ito ng kalayaan noon pa lamang 1946. Sinundan ng Pilipinas ang Amerika sa patakaran nito sa Cuba at matagal na panahong hindi gaanong napapahalagahan ang malapit na pinagmulang kasaysayan ng dalawang bansa. Maraming kapupulutan ng aral sa mga nagaganap ngayon sa Latin Amerika bilang inspirasyon ng pakikipaglaban sa pangingibabaw ng neoliberalismo at ng kapital na pinamumunuan ng mga makanegosyong mga pamahalaan sa rehiyon. Ilang hakbang pasulong at paurong ang naranasan ng rehiyon sa pagharap sa awtoritaryanismo, pagsusulong ng karapatang pantao, pangangalaga sa kalikasan, pagbibigay ng serbisyong panlipunan at paggalang sa hustisyang panlipunan.

Kinakaharap din ng rehiyon, gaya ng Pilipinas, ang suliranin sa droga, ang pagpasok sa mga di makatarungang kasunduan sa papalakas ng China, at ang pagpupunyagi ng mga oligarkiya sa ilang bayan. Gaya ng naganap noong pananakop ng mga Espanyol, ang mga lagablab ng mga kilusang masa sa Latin Amerika ang nagpapatunay na maaaring tumingin sa ibang gawi ang Pilipinas sa pagkukunan ng inspirasyon sa pagpupunyagi nitong maging malaya, makatarungan at makatwiran. Marami pang maaaring matutunang limot na ugnayang panlabas ang makikita sa kasaysayan na maibabalik sa masiglang pakikiisa ng Pilipinas sa ibang bansang matagal na itinuring nitong ‘nakatatandang kapatid.’

Reference:
(Liham ni Mariano Ponce kay J. A. Izquierdo, 11 Mayo 1897, Hong Kong). nasa Cartas Sobre La Revolucion, isinalin sa Filipino nina Maria Luisa Camagay at Wystan de la Pena. Quezon City: UP Sentro ng Wikang Filipino, 1997, 5-8)

*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.

The post Latin Amerika at Pilipinas, sa pagitan ng mga rebolusyon appeared first on Bulatlat.

Exit mobile version