Halos apat na buwan nang nagtitiis ang maraming mamamayang Pilipino sa para sa kanila’y di-sapat na tugon ng rehimeng Duterte sa pandemyang coronavirus disease-2019 (Covid-19).
Tatlong bagay ang idinadaing nila. Una, ang kawalan ng sapat na tugon-medikal sa isang krisis-medikal tulad ng pandemya.
Gaano man kadalas itambol ni Presidential Spokesperson Harry Roque, ng Department of Health, ng mga miyembro ng National Task Force on Covid-19 (NTF-Covid) at Inter- Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), na nagtatagumpay na raw ang bansa laban sa Covid-19, araw-araw itong napapabulaanan ng papataas na bilang ng nagkakasakit at nagiging positibo sa tests para sa Covid-19. Hindi nagtatagumpay ang rehimen, at ang bansang pinamumunuan nito, at bagkus ay lumalala pa ang sakit habang pilit na ibinabalik sa “(bagong) normal” ang pang-ekonomiyang buhay ng bansa.
Kasalungat nito ang ilang pahayag ni Pangulong Duterte at Roque mismo. Sinabi kamakailan ni Roque na nasa kamay na raw ng mga mamamayan ang responsabilidad para labanan ang pandemya. Ito’y dahil obligado na raw silang buksan ang ekonomiya ng bansa. Ibig sabihin, kung patuloy na tumataas ang bilang ng nagkakasakit, kasalanan ito ng mga mamamayan at hindi ng gobyerno. Ang tanging dahilan lang kung bakit patuloy ang pagkalat ng sakit ay dahil “pasaway” ang mga mamamayan — hindi sumusunod sa social distancing, hindi nagma-mask.
Pero malinaw na hindi ito totoo. Makikita sa kalsada, sa mga komunidad ng mga maralita, sa pampublikong transportasyon na bumalik na, sa bawat bahay, madalas pa ring nasusunod ang mga protokol sa pag-iwas sa pagkalat ng Covid-19.
Kung gayon, ano ang dahilan ng lalong pagbilis ng pagkalat? Malinaw, dahil ito sa pagbukas ng rehimeng Duterte sa ekonomiya nang hindi nagpapatupad ng libreng mass testing. Itinatanggi pa nga ni Roque na kailangan ng mass testing. Sabi pa niya, bahala na ang pribadong sektor na paigtingin ang testing, kasi ang gagawin lang ng gobyerno ay “expanded targeted testing.”
Pero ano nga ba ang sinasabi ng World Health Organization at halos lahat (maliban na lang sa mga tagasuporta ng rehimen tulad ni Dr. Edsel Salvana) ng eksperto? Kailangan ang testing sa lahat ng sintomatiko, bulnerable, frontliners, at may direktang kontak sa mga positibo (kahit walang sintomas). Kailangan ng agresibong contact-tracing. Malinaw sa datos mismo ng DOH na kulang na kulang pa ang naabot ng testing para malaman ang aktuwal na pagkalat ng Covid-19 sa bansa. Sa paraan lang na ito mas epektibo at siyentipikong makakapagbuo ng plano para mapigilan ang pagkalat pa.
Tama lang na nanawagan na ang ilang mamamayan, kabilang ang dating Social Welfare Sec. Judy Taguiwalo (na tagapagsalita na ngayon ng Citizens’ Urgent Response to End Covid-19 o CURE Covid), sa Korte Suprema na makialam na at ideklarang may konstitusyonal na obligasyon ang rehimeng Duterte na magsagawa ng libreng mass testing.