Naging saksi na naman ang ating mga kababayan sa magkakasunod na lindol na tumama sa ating bansa. Ilang mga bayan ang nasalanta at maraming mga kababayan ang nawalan ng tirahan, kabuhayan, paaralan at higit sa lahat, ng mga mahal sa buhay. Hindi na ito bago sa ating kasaysayan. Dahil nakalugar ang kapuluan sa rehiyong kumakaharap sa maraming kalamidad pangkalikasan – lindol, bagyo, baha, pagsabog ng bulkan, pagguho ng lupa, daluyong, at marami pang iba. Bagaman likha ng kalikasan ang mga sakunang ito, ang ginagawa ng tao (o ang kawalan ng kanilang ginagawa) ang naglalagay sa mga pamayanan sa higit na mataas na antas ng mga panganib. Sa kaso nga ng lindol, laging sinasabi na hindi naman ito nakamamatay, ang nakamamatay ay ang mga maling istruktura ng mga itinayong mga gusaling gumuguho sanhi ng maling ginawa ng mga tao.
Maraming ganitong karanasan ng kalamidad at sakuna ang kinaharap ng ating kasaysayan na humubog sa maraming kalagayan sa ating lipunan. Noong 3 Hunyo 1863, niyanig ang Timog Katagalugan ng napakalakas na lindol. Nagbunga ito ng malawakang pinsala sa buhay at kabuhayan ng sentro ng kapangyarihan sa Maynila at mga karatig bayan. Naging malaking pangyayari ang lindol na naganap dahil sa lawak ng pinsala nito. Dahil sa lindol, muling masisira ang Katedral ng Maynila na magiging simbolo ng tila walang katapusang pagkasira at muling pagpapagawa ng lungsod sa maraming panahon. Gayundin ang pagkawasak na magaganap sa tirahan ng mga Gobernador Heneral ng Pilipinas, ang Palacio del Gobernador. Dahil sa naganap na pagkawasak, mapipilitan ang Gobernador Heneral na “pansamantalang” manirahanan sa bahay bakasyunan ng mga pinuno sa labas ng Intramuros na malapit sa Ilog Pasig. Hindi nila matatantong ang sinasabing pansamantalang pagtira ng pinuno ang magiging permanenteng tirahan sa Malacanang – na magiging tirahan din ng mga Gobernador Heneral ng mga Amerikano, ang pamunuan sa pananakop ng mga Hapones, at ang lahat ng mga pinuno ng maitatatag na Republika matapos ang digmaan. Makakalimutan na ng mga pinuno na orihinal na dapat silang nakatira sa Palacio del Gobernador na ngayon ay ginawang tanggapan ng Commission on Elections – ang sangay ng pamahalaan na namamahala sa halalan. Ang dating pansamantalang tirahan sa Malacanang ang naging permanenteng nang tirahan ng pinuno ng buong bansa sa mahabang panahon.
Bukod sa politikal na implikasyon ng lindol, marami ring nabago sa direksyon ng kasaysayan sanhi ng lindol. Upang higit na maunawaan ang mga natural na phenomenon gaya ng lindol, bagyo, baha, pagsabog ng mga bulkan at iba pang sakuna, itinatag ng mga paring Heswita ang Observatorio de Manila noong 1865. Hindi aksidente ang taon ng pagkakatatag ng Obervatorio. Sanhi ito ng pagkilala na kailangan na ng masusing pag-aaral ukol sa mga kalamidad hindi lamang upang makita ang mga nagdaang pangyayari, kundi para matutong paghandaan ang mga susunod pang mga pangyayari. Ang Oberservatorio de Manila ang magiging weather bureau ng panahon ng mga Kastila, at magiging institusyonal na pinagmulan ng PAGASA na siyang gumagampan ng kasalukuyang gawain sa pag-aaral sa panahon ng pamahalaan. Mananatili ang Manila Observatory bilang bahagi ng pribadong institusyong pinamamahalaan ng mga Heswita at sa kasalukuyan ay nakatayo ito sa campus ng Ateneo de Manila.
Isa pa sa mga magiging pagbabagong idudulot ng lindol ng 1863 ay ang pagbabago sa gamit at teknikal na kaalaman sa pagtatayo ng mga gusali. Papalitan ng mga galbanisadong yero ang mga bubong ng mga malalaking bahay mula sa dating nausong bubungang tisa. Higit na mabigat ang tisa kaysa sa yero kaya sa panahon ng lindol, maraming namamatay na nababagsakan ng mga nahuhulog na tisa mula sa mga bubungan ng mga bahay. Hanggang ngayon, ang bubong na yero ang magiging pamantayan sa pagbububong ng nakararaming mga bahay sa kapuluan.
Subalit sa lahat ng mga sakunang dumarating, hindi lamang kahandaan ng lipunan ang kailangang bigyan ng pansin. Mahalaga ring tingnan na ang kalimitang nagiging biktima ng lindol ang mga sektor na bulnerable at walang kakanyahang makaaagapay sa dagdag na pahirap na idudulot ng kalamidad. Kung ang isang maralita, naulila, walang trabaho, at walang tirahan ang mabiktima ng lindol, higit na magiging trahedya ito sa kanya at maaaring magdulot ng higit na kahirapan na magdadala sa kanya sa kalagayang hindi na makakaahon. Dito dapat papasok ang institusyonal na suporta sa mga nasalanta. Hindi ito dahil sa nasanay ang mga mamamayan na umasa na lamang sa tulong ng pamahalaan – kundi dahil ito na lamang ang nalalabing tulong na maaaring matanggap ng mga nasalanta dahil ang mga dating nahihingan ng tulong gaya ng pamilya, kapitbahay, kaibigan ay mga pawang mga nasalanta na rin. Pagpapatindi ng bulnerabilidad ang magiging sanhi ng sakuna kung ang lipunan ay palaging dinadalaw ng trahedya.
Maraming naging biktima ang lindol ng 1863. Isa na rito si Padre Pedro Pelaez. Nagmimisa siya bilang pagdiriwang ng kapistahan ng Corpus Christi kasama ang ilang mga relihiyoso nang maganap ang lindol. Natagpuan na lamang ang kanyang bangkay na kasama sa mga natabunan ng mga gumuhong bato ilang araw matapos ang sakuna.
Isa si Padre Pelaez sa mga paring nangunguna sa kilusang sekularisasyon ng simbahan sa Pilipinas. Naglalayon ang sekularisasyon na palitan ang mga regular na paring kasapi ng mga Orden (Dominiko, Agustino, Franciscano, Recoleto) ng mga paring sekular na hindi kasama sa mga orden sa usapin ng pamamahala ng mga parokya sa Pilipinas. Dahil Espanyol ang nakararami sa mga paring regular, at indio natural o mestizo (na silang mga itinuturing na mga “Pilipino”) ang nakararami sa mga paring sekular, naging usapin ito ng pagpapalit din ng pamamahala sa mga parokya sa ilalim ng mga Pilipinong pari, sa halip na mga paring Espanyol, naging kilusang Pilipinisasyon ng mga parokya ang kampanya nina Padre Pelaez.
Sa pagkamatay ni Padre Pelaez sa lindol ng 1863, mapapalitan ng susunod na henerasyon ng mga Pilipinong pari ang pamunuan ng kilusang sekularisasyon/Pilipinisasyon. Dito magiging kilala ang pamumuno nina Padre Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora na sila namang mapagbibintangang kasangkot sa naganap na welgang pangmanggagawa at muti sa Cavite noong 1872. Ang pagkabitay sa tatlong pari ang magbibigay ng inspirasyon sa nakararaming mga ilustrado na magkampanya para sa sekularisasyon bilang bahagi ng kilusang Reporma at Propaganda. Sa katunayan, iaalay ni Rizal ang kanyang nobelang El Filibusterismo sa tatlong paring martir bilang pagkilala sa kanilang kabayanihan at sa kahalagahan ng kilusang sekularisasyon sa pagkakamit ng reporma sa pamamahala.
Sabi nga ni Jose Rizal sa kanyang dedikasyon sa El Filibusterismo,
Sa di pagsang-ayon ng Relihiyon na alisan kayo ng karangalan sa pagpapari ay inilagay sa alinlangan ang kasalanang ibinibintang sa inyo; sa pagbabalot ng hiwaga’t kadiliman ng inyong usap ng pamahalaan ay nagpakilala ng isang pagkakamaling nagawa sa isang masamang sandal, at ang buong Pilipinas, sa paggalang sa inyong alaala at pagtawag na kayo’y mga pinagpala, ay hindi kinikilalang lubos ang inyong pagkakasala.
Samantala ngang hindi naipakilalang maliwanag ang inyong pagkakalahok sa kaguluhan, naging bayani kayo o di man, nagkaroon o di man kayo ng hilig sa pagtatanggol ng katwiran, nagkaroon ng hilig sa kalayaan, ay may karapatan akong ihandog sa inyo, na bilang ginahis ng kasamaang ibig kong bakahin, ang aking gawa. At samantalang inaantay naming na kilalanin sa balang araw ng Espanya ang inyong kabutihan at hindi makipanagot sa pagkakapatay sa inyo, ay maging putong na dahong tuyo na lamang ng inyong mga liblib na libingan ang mga dahong ito ng aklat, at lahat niyong walang katunayang maliwanag na umupasala sa inyong alaala, ay mabahiran ng inyong dugo ang kanilang mga kamay. – J. Rizal (salin ni Patricio Mariano)
Kung ituturing na si Padre Pelaez ang lolo ng kilusang reporma na nag-anak sa kamalayang makabayan at nagsilang sa kilusang rebolusyon, ang lindol ng 1863 ang mababanggit na isa sa mga naging madugong komadrona nito. Sa kasalukuyang mga nagaganap sa Pilipinas, maaaring ang mga sakuna na nagdadaan ang siyang magpapamulat sa kababayan sa kawalang malasakit at kapabayaan ng mga nasa kapangyarihan sa kalagayan ng taumbayan. Muli, ang sakuna at kalamidad ang nagbibigay ng dagdag na trahedya sa kahirapan ng mga mamamayan mula sa kalikasan. Subalit ito rin ang maaaring makapagsilang ng higit na mataas na pag-unawa sa pangangailangan ng pagbabagong panlipunan upang tugunan ang mga trahedyang sanhi naman ng kapabayaan ng tao sa kapwa tao.