Lupa, pagkain, hustisya

0
177

Apatnapu’t pitong taon ang lumipas nang ipatupad noong Oktubre 1972 ang land reform program (Presidential Decree No. 27) ng yumaong diktador na Pang. Ferdinand Marcos. Pero sa panahong ito, wala pa ring lupa ang magsasaka, manggagawang bukid at manggagawang agrikultural sa bansa.

Tatlumpu’t isang taon na ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) o Republic Act No. 6657, nanatili at nagpapatuloy pa rin ang monopolyo sa lupa ng mga panginoong maylupa at kontrol ng agro-korporasyong lokal at dayuhan sa malalawak na plantasyon, tulad ng pinya, saging, goma at oil palm. Nananatili ang sistemang asyenda sa isla ng Negros, Hacienda Luisita sa Tarlac at iba pang panig ng Pilipinas, kaya pito sa bawat 10 magsasaka ang walang sariling lupang sinasaka. Umiiral pa rin ang piyudal at malapiyudal na pagsasamantala at pang-aapi sa masang anakpawis.

Sa mahigit tatlong taon ng pagkapangulo ni Duterte, nagpatuloy at lalong sumahol ang problema sa lupa ng magbubukid, at pinatindi pa ang pagpapatupad ng patakarang neoliberalismo na dikta ng imperyalistang globalisasyon, na nagpapahirap sa mga mamamayang Pilipino. Pawang panlilinlang ang pahayag ni Duterte na tapos na ang “land reform” sa Hacienda Luisita sa Tarlac at ang pamamahagi ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) ay walang katiyakan na mapapasakamay ng magsasaka ang lupa. Ang nais ng rehime’y patuloy na pagbayarin ang magsasaka ng libu-libong piso na amortisasyon.

Minamasaker ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang mga magsasaka, sakada at mga mamamayang nananawagan ng disenteng pamumuhay, tunay na pagbabago at tumututol sa pamamahala ng diktador at papet na Pangulo. Mahigit 300 magbubukid, manggagawang agrikultural at mangingisda na ang biktima ng pampulitikang pamamaslang ng rehimen mula ng maging pangulo ng bansa si Duterte.

Ginagamit ng rehimeng Duterte ang buong kagawaran, ahensiya at lokal na pamahalaang sibilyan laban sa taumbayan. Sinasampahan ng gawa-gawang mga kaso ang mga lider-magbubukid at ilegal na inaaresto at ikinukulong, tulad ng ginawa kina Virgilio “Ka Yoyong” Lincuna ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa rehiyon ng Caraga, Norly Bernabe ng Palawan, Jerry Basahon ng Misamis Oriental at iba pang probinsiya. Laganap rin ang red-tagging, sapilitan at pekeng pagpapasuko sa magsasaka at pinapalabas ng AFP at PNP na mga miyembro ito ng New People’s Army (NPA). Palayain na ang mga bilanggong pulitikal!

Sa kabila ng lahatang panig na atake ng pasista at diktador na rehimen, matatag na naninindigan at kumikilos ang magsasaka, manggagawang agrikultural, magsasakang kababaihan at mangingisda para ipaglaban ang karapatan sa lupa, pook pangisdaan at hustisya. Panagutin ang puwersa ng estadong nagpasimuno at may kagagawan sa lansakang paglabag sa karapatang tao ng magbubukid. Malaking hamon sa kilusang magbubukid sa buong bansa na ubos-kayang isulong ang kampanya para sa libreng pamamahagi ng lupa sa magbubukid. Patuloy at masiglang ikakampanya ang pagsasabatas ng Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) o House Bill (HB) No. 239 at Rice Industry Development Act (RIDA) o HB 477. Pagbasura sa Rice Tariffication at Liberalization Law.

Labanan at biguin ang kontra insurhensiyang nakakapinsala sa buhay at kabuhayan ng mga magbubukid at mamamayang Pilipino. Aktibong tutulan ang panukalang susog sa Saligang Batas ng Pilipinas (ChaCha) na naglalayon ng isang daang porsyentong pag-aari ng mga dayuhan sa lupain at likas yaman ng ating bansa. Lupa para sa magsasakang Pilipino, hindi sa dayuhang monopolyo!

Sama-sama nating isulong ang ekonomyang para sa mga mamamayan, ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Gayundin ang pagpapaunlad ng kanayunan, pagpoprotekta ng agrikultura ng bansa at pagtataguyod ang abot-kaya, ligtas at sapat na pagkaing butil, lalo na ng bigas. May magagawa tayo, para sa maaliwalas na kinabukasan. Magkaisa, makibaka, at magtagumpay!