Site icon PinoyAbrod.net

Lupang hinarang, lupang magpapalaya

Kinilala ang Pilipinas sa mayamang agrikultural na lupain, kaya’t hindi kataka-taka na ituring ang bansa bilang pangunahing hanguan ng bigas sa Timog-Silangang Asya. Tayo rin ang ang nagturo sa mga karatig-bansa ng pagsasaka at pagpapaunlad ng butil ng bigas.

Larawan mula sa www.irri.org

Sa kasalukuyan tila nag-iba ang ihip ng hangin, ang mga dating bansang umaasa sa atin sa usapin ng pagsasaka, ngayon ay siya nang pinaghahanguan ng bansa upang matugunan ang kinakaharap na kakulangan ng bigas. Ang Pilipinas na rin ang isa sa mga pinakamalaking exporter ng bigas.

Larawan mula sa Vietnam News

 

Araw-araw na kalbaryo

Ang mga magsasakang Pilipino ay nakararanas ng mga kaawa-awang kalagayan tulad ng kawalan ng sariling lupaing sinasaka, buwan-buwang maghapong pagtatrabaho sa sakahan kapalit ng maliit na kita, atake ng peste at sakuna, kakulangan sa akmang makinarya, pagpapalit ng mga lupaing sakahan sa mga naglalakihang subdibisyon at gusali, mabagal na repormang pang-agraryo, pang-aabuso ng mga panginoong maylupa at kakulangan sa serbisyong publiko.

Marami mang nabanggit ay ilan lamang ang mga iyan sa mga kinakaharap na problem ng magsasaka sa isang agrikultural na bansa, sa isang lupalop kung saan mataba ang lupa para sa pananim. Ang mahihinuha ay ang maliit na pagpapahalaga ng administrasyon sa sektor ng agrikultura.

Ang nararanasang problema ng mga magsasaka ay tumatagos sa pambansang kalagayan, katulad ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas, seguridad ng pagkain, at malawakang gutom.

Malinaw sa kasaysayan na simula noon hanggang sa kasalukuyan ay patuloy na nakikibaka ang mga Pilipinong magsasaka. Higit pa sa dugo’t pawis ang kanilang ibinubuhos para ipaglaban ang kanilang mga karapatan sa lupang hindi naman sa kanila. Sila ang mga naghihirap sa lupang hindi kailanman mapapasakanila at kung maging sa kanila man ay ikapuputi na nang kanilang mga mata sa kahihintay. Sila ang mga nagpapakain sa atin, ngunit sila mismo ay walang maipanlaman sa tiyan.

 

Masaker sa mga magsasaka

Lupa ang pangunahing kahingian ng mga magsasaka. Lupa rin mismo ang ipinagkakait sa kanila ng isang lipunang dominado ng mga malalaking nagmamay-ari ng lupa, mga pulitikong malalaking pagmamay-aring lupa at may kontrol sa mga pulis at militar. Lupa ang nagbibigay-buhay sa magsasaka. Sa pagpapayabong ng lupa nila inaalay ang kanilang buhay. At sa maraming pagkakataon sa kasaysayan ng bansa, lupa rin ang kanilang pinagbubuwisan ng buhay.

Ilang makaulit na sa ating kasaysayan na ang mga nagbubungkal at nagbibigay sa atin ng bigas ay sinusuklian ng mga nakaupong administrasyon ng bala.

Masaker sa Escalante, Negros Occidental noong Setyembre 20, 1985. Nagrali ang mga manggagawang bukid at magsasaka dahil sa malalang kagutuman. Dahil sa pandarahas, panawagan nila ay ‘bigas, hindi teargas’. (Larawan mula sa www.bantayan.org)
Nagpakawala ng bala ang CHDF sa mga sacada na nagpoprotesta. Hinabol pa ang mga magsaakang umiwas sa mga bala. Umabot sa 20 ang namatay sa araw na ito, karamihan ng kanilang tama ay sa gilid at likod. Mapapatalsik ang diktador na si Ferdinand Marcos, Sr. limang buwan matapos ang masaker.
Noong Enero 22, 1987, 11 buwan matapos mapatalsik si Marcos at naibalik ang demokrasya sa bansa ng bagong pangulong si Corazon Aquino, pinaulanan ng bala ang may 20,000 magsasakang nagprotesta dahil sa nabinbing pangakong reporma sa lupa ni Aquino. Umabot sa 12 ang napaslang at 51 ang nasugatan.
Nagkasa ng strike ng mga magsasaka at manggagawang bukid ng Hacienda Luisita na pag-aari ng mga Cojuangco-Aquino. Si Benigno Aquino III ang kinatawan sa distrito ng hacienda ng pamilya niya habang si Gloria Arroyo ang pangulo ng bansa. Matapos ang higit isang linggong naparalisa ng mga magsasaka ang produksyon sa hacienda, pinaulanan sila ng bala ng mga guwardiya, pulis at militar mula sa loob ng hacienda noong Nobyembre 16, 2004. Pito agad ang patay. Sa pagdaan ng mga taon, marami pang mapapaslang na mga lider, taong simbahan at magsasakang bahagi o sumusuporta sa laban.
Walong magsasakang Lumad ang pinaslang at pito ang dinukot at nawawala noong Disyembre 3, 2017 sa Barangay Ned, Lake Sebu. Sinabi ng militar na engkwentro ang nangyari. Subalit ayon sa mga Lumad, nagpapatuyo sila ng mais nang pinaputukan ng mga sundalo ang mga magsasaka. Umatras sila sa Sitio Panamin at doon ay dalawang kalalakihan pa ang inaresto.

Parang naulit naman ang kasaysayan sa isa na namang masaker ng magsasaka sa Negros Occidental. Ito na ang pangalawang masaker ng magsasaka sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Pinaputukan ng mga ‘di pa nakikilalang salarin ang kubol na pinagpapahingahan ng mga magsasaka sa Hacienda Nene sa Sagay, Negros Occidental noong Oktubre 20. Apat na lalaki, tatlong babae at dalawang menor de edad ang napaslang sa masaker. Sila ay naglulunsad ng bungkalan.

 

Hustisya sa araw-araw na kawalan na panlipunang katarungan at hustisya sa mga pinaslang na magsasaka–bagay na hindi pa rin nakakamit ng mga nagbubungkal sa ating bayan. Isang sitwasyong nagbubunsod ng paulit-ulit na masaker sa mga magsasaka.

Pagkain ng mamamayan, ng bawat Pilipino ang dapat pinakamahalaga sa lahat ng pinahahalagahan ng ating pamahalaan. At sentral sa usaping iyan ang kalagayan ng mga lumilikha ng ating pagkain. Hangga’t hindi napagtutuunan ng pansin ng pamahalaan ang kalagayan ng mga magasasaka, magpapatuloy ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga magsasakang nagpabusog sa ating mga Pilipino. Hindi rin maiigpawan ng ating bayan ang paulit-ulit na usapin ng kakulangan ng pagkain, matataas na presyo, at kagutuman sa bansa.

The post Lupang hinarang, lupang magpapalaya appeared first on Manila Today.

Exit mobile version