Sa byahe namin papuntang Langkaan mula sa piketlayn sa may Pala-Pala, napagmasdan ko kung gaano kalawak ang Lupang Ramos sa may Dasmariñas, Cavite.
Kakaiba ito kapag naiisip natin kung ano mismo ang itsura ng isang sakahan dahil sa may harapan nito, iba’t ibang establisyemento ang mga nakatayo tulad ng mga mall, hotel and resort, restaurants at iba pa na pinagmamay-arian ng mga naglalakihang kapitalista.
Sa likod ng mga gusaling nakaharang, makikita mo na ang napakalawak na lupain na hindi lamang ang mga pagkain ng mga magsasaka ng Lupang Ramos ang nakatanim, kundi pati na rin ang kanilang mga karanasan, kasaysayan, at karapatan sa lupa at buhay ay iyong maiaani.
Malayo ang piketlayn ng Pala-Pala papunta sa Langkaan. Halos may 30 hanggang 45 minuto ang byahe sakay ng dyip at tricycle. Malakas ang ulan at matarik ang aming dinaanan. Maputik din buhat ng isang linggong pag-ulan. Hindi alintana ito para sa akin dahil parang nakawala ako sa kaguluhan ng siyudad at muli ko na namang naramdaman ang sarap at ganda ng kanayunan. Pagbaba namin mula sa tricycle, sinunandan namin si Aldrin, lokal na magsasaka at aming guide, papunta sa bahay ng mga magsasakang aming kakausapin. Nakakagulat kasi kailangan bababa pa pala kami sa madulas na bangin at tatawid sa kulay putik na ilog na rumaragasa at muling aakyat na naman sa madulas at matarik na bangin. Magkahalong takot at excitement ang nararamdaman ko habang binabagtas ang daan papunta sa komunidad ng mga magsasaka pero darating din naman.
Pagdating namin sa unang bahay na aming tinuluyan, nakilala namin si Nanay Christina. Isa siya sa mga matatagal nang magsasaka sa Lupang Ramos. Miyembro siya dati ng Tunay na Buklod ng Magsasaka o tawag nila’y Buklod, pero ngayo’y kasapi na siya ng Katipunan ng mga Lehitimong Magsasaka ng Lupang Ramos (KASAMA-LR). Ang kanyang bahay na aming tinuluyan ay may maliit na tindihan at mistulang ito lamang ang tindahan sa lugar na iyon. Sa pagkausap namin sa kanya, halata sa ipinipinta ng kanyang mukha ang saya at lungkot na kanyang nadarama. Dati raw kasi, masaya ang samahan ng mga magsasaka lalo pa’t nagtagumpay ang mga magsasaka noong bungkalan nitong nakaraang taon. Ngunit ngayon, hindi lamang sa hindi sila makapagtanim at makapagbungkal sa sariling lupa, kundi ang mismong nagsama-samang magsasaka ang siya ring magkakawatak-watak sa bandang huli.
Kinuwento ni Nanay Christina na mismong kamag-anak, kumare at kumpare ay parang hangin tuwing magkakasalubungan sa kanilang dinaraanan. Paano ba naman, kwento niya, ilan sa mga magsasaka na dating bahagi ng KASAMA-LR ay tuluyang nalason ng pera ng mga ganid na kapitalistang Ayala na balak mangamkam ng lupa at patuloy pang sinusulsulan nila Rudy Herrera, Ernesto Pangilinan, at Engr. Tolentino. Si Rudy Herrera ay dating lider-magsasaka ng Buklod na naging bentador ng lupa ng mga magsasaka. Sinusuhulan umano ang mga magsasaka ng tulong sa pagtanim, pagtatayo ng bahay at ang mga lupa nilang tinamnam ay binebenta sa malaking kapitalista, kung kaya’t sa huli ay walang lupa ang mga magsasaka. Lumiliit ang lupang nakalaan sa mga magsasakang nais magpatuloy sa pagbubungkal.
Masakit para kay Nanay Christina ang mga nangyari pero para sa kanya, kailangan ituloy ang laban sa kanyang sarili lupa para na rin sa kinabukasan ng kanyang sarili at ng kanyang mga anak. Sa kasalukuyan, hindi pa siya nakakapunta at nakakapagbantay sa piket sa may Langkaan dahil sa sakit na dinaranas ng kanyang dalawang anak.
Nabanggit din ni Nanay Christina na isa pa sa kailangan naming kausapin sa lugar na iyon ay ang kanyang kapatid na si Marivic. Nasa kabilang bahay lang ni Nanay Christina si Nanay Marivic pero mistulang malayo rin ang loob nito sa kanila. Ni minsan, hindi na ito bumalik sa pulong o nagpakita man lang sa organisasyon.
Si Nanay Marivic ay nakababatang kapatid ni Nanay Christina. Kasama rin si Nanay Marivic sa Buklod. Kinukwento niya kung gaano kamilitante ang kanilang samahan na nila sa Lupang Ramos noong 1990. Kapag sinabi nilang piket, piket kung piket talaga, walang hindi sasama sa mga magsasaka. Sama-sama silang nagbubungkal at inaagaw sa Pamilya Sapida ang lupa na dapat ay sa kanila naman talaga. Kinukwento rin niya na minsan daw, di lang pulis ang gusto magwasak sa piket kundi pati miyembro ng Armed Forces of the Philippines. Pero sa tibay at lakas ng kanilang hanay, hindi raw ito nakapanaig. Lumaon nang magdesisyon ang Korte Suprema, nagwagi sila Nanay Marivic, ang Buklod at ang mga magsasaka ng Lupang Ramos na makuha nila ang kanilang lupa.
Subalit ngayon, halos hindi na rin siya makasama sa laban ng KASAMA-LR. Dala ng matinding kahirapan, naibenta nila ang kanilang sariling lupa panggamot sa kanyang asawa na may epilepsy. Naisangla rin ang natitirang kapirasong lupa na dapat ay para sa kanyang mga anak noong mamatay ang kanyang asawa. Pero higit dito, naibahagi niya na ang hindi niya na pag-aktibo ay ang pagkawatak-watak ng mga magsasaka ng samahan. Pagkatapos namin siyang makausap, nagsabi ni Nanay Marivic na susuporta pa rin siya sa laban sa lupa sa abot ng kanyang kakayahan.
Pag-alis ko sa bahay ni Nanay Marivic pabalik sa piketlayn, isang katotohanan ang lalong napatimo sa akin. Kakambal na ng buhay ng magsasaka ang lupang kaniyang binubungkal. Handang ialay ng mga magsasaka ang kanilang buhay para lamang makamit ang karapatan sa lupa na kanilang pinaghihirapan sa araw-araw sa buong buhay nila. Lupa ang nagpapayabong at nagapapatuyot ng mga relasyon. Ito ang nagdidilig ng daing ng mamamayan para sa hustisyang panlipunan. Ito ang nagpupunla ng agraryong rebolusyong patuloy na lumalaganap ang ugat sa kanayunan.
The post #LupangRamos | Bisita sa Lupang Ramos appeared first on Manila Today.