Nakapanayam namin si Orly Marceliana, pangkalahatang Kalihim ng Katipunan ng Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan o KASAMA-TK, upang magbahagi ng kasaysayan ng karaingan at paglaban ng mga magsasaka para sa lupa sa Lupang Ramos.
Kwento ni Ka Orly, ang Lupang Ramos ay isa lamang sa mga manipestasyon ng kawalan ng tunay na reporma sa lupa sa bansa.
Noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano, tinawag nang “Lupang Kano” ang Lupang Ramos. Sa ilalim ng batas ng Commonwealth, ang Lupang Ramos ay dineklarang pampublikong lupain at bukas para panirahan ng mga mamamayan ng Dasmariñas, Cavite.
Nagsimula ang paghahabol sa pagmamay-ari ng lupa ni Emerito Ramos noong 1965, matapos nito magtayo ng bodega bilang opisina sa gitna ng 372 ektaryang lupain.
Noong 1972, nagdeklara ang dating diktador na si Ferdinand Marcos, Sr. na tamnan ng palay at mais ang mga lupain na nasa ilalim ng programa ng reporma sa lupa. Subalit, ang pamilya Ramos ay nagpalit sa produksyon ng tubo sa layuning hindi maisama sa nasabing reporma sa lupa.
Sa pagsasabatas ng Republic Act No. 6657 o Comprehensive Agrarian Reform Bill o CARP ng administrasyon ni Corazon Aquino, ang real estate na kumpanya ng pamilyang Ramos, ang Emerito M. Ramos and Sons Property (EMRASON), ay gumawa naman ng hakbang na mapaalis ang mga magsasaka sa nasabing lupain.
Isang taon bago matapos ang siyam na taong termino ni Gloria Arroyo, pinirmahan naman niya ang limang taong ekstensyon ng CARP, ang CARPER. Sinabi ng CARPER na dapat mapamahagi ang mga 90% target na lupang nasa pasok orihinal na CARP sa loob ng limang taon—bagay na hindi naggawa ng gobyerno at ng implementasyon ng batas na CARP sa loob ng dalawang dekada. Pinakahuli sa mga ipamamahagi ang malalaking pribadong agrikultural na lupain—gaya ng mga asyenda, gaya ng mga ari-arian ng mga nagtulak sa batas CARP at CARPER, mga lupain ng mga Cojuangco-Aquino at mga Arroyo.
Kaya naman naririnig sa mga pagkilos ng magsasaka ang mga sigaw na “tunay na reporma sa lupa,” dahil mula kay Marcos hanggang sa kasalukuyan ay hungkag ang reporma sa lupa ng gobyerno. Sinasabing binubuo ng mga magsasaka ang 75% ng populasyon sa bansa, pero kalakhan sa kanila’y walang lupa at walang makain at naghihirap.
Setyembre nang nakaraang taon, nagsimulang kolektibong bungkalin ng mga magsasakang kasapi ng Katipunan ng mga Lehitimong Magsasaka ng Lupang Ramos (KASAMA-LR) ang Lupang Ramos. Bagaman atrasado raw ang pamamaraan ng pagsasaka, ang Lupang Ramos ay napakinabangan naman ng mga magsasaka sa kanilang sama-samang pagtatanim.
Kamakailan lamang, bago magsimula ulit ang bungkalan para sa panahon ng tag-ulan, pinagbantaan na diumano ang mga miyembro ng samahan: Pinaghahandaan na kayo ng mga baril at bala.
Nabuko ng KASAMA-LR na nagpupulong na ang mga grupong gustong kamkamin at ibenta ang Lupang Ramos. Ang grupong Tunay na Buklod ng Magsasaka o Buklod, na dating grupo ng lahat ng magsasaka sa Lupang Ramos, ay sumali rin sa pagtatanim upang maagaw sa mga magsasaka ang mga lupa. Ang mga lupang natatamnam ng mga miyembro ng Buklod ang siyang pinaghahandaang ibenta sa malalaking negosyante, na ang napapabalita ay ang pamilyang Ayala.
Nagkaroon ng iba’t ibang porma mg pandarahas para pigilan ang KASAMA-LR sa pagbubungkal ng lupa. Panghaharang, pananakal, at pambubugbog ang inabot ng mga magsasakang pinilit panghawakan ang kanilang mga karapatan. Noong Hunyo 4, pinaputukan ang mga magsasaka ng baril.
Kahit ang mga pulis ay naging inutil sa pangyayari. Sila ay nananatiling mga bulat at bingi sa hinaing ng mga magsasaka at kibit-balikat sa lantarang interes ng kabilang grupo na pagkaperahan ang mga magsasaka sa kanilang pagbenta ng mga lupa.
Nasa pangalawang yugto ng laban ng mga magsasaka ng Lupang Ramos, ani Ka Orly. Kinakailangan nilang ipaglaban ang kanilang karapatan sa pagmamay-ari ng lupang sinasaka mula kay Nestor Pangilinan at sa bentador ng lupa na lider ng Buklod na si Rudy Herrera at iba pa nilang mga kasamahan.
“Tayo ay nananawagan na suportahan ang bungkalan. Pagyamanin ang Lupang Ramos para sa kinabukasan ng kanilang mga pamilya,” wika ni Ka Orly.
Sabi ni Ka Orly na iilan na lamang ang lupaing agrikultural sa Cavite, ngunit hindi suportado ng lokal na gobyerno at maging ng pambansang pamahalaan ang pagpapayaman sa mga ito para sa produksyon ng pagkain. Tila wala ring interes ang mga nasa kapangyarihan para protektahan ang ating mga magsasaka mula sa mga naglalakihang panginoong maylupa at mga negosyante nais lamang pagkakitaan ang payak na kabuhayan ng ating mga kababayan.
Kaya naman malaki ang pangangailangan ng tunay reporma sa lupa para sa mga magsasaka ng Lupang Ramos at maging sa buong bansa. Mahalaga sana ang pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan kung saan pinagkakasunduan na ang tunay na reporma sa lupa at pagpapaunlad sa kanayunan, na kalakip ang libreng pamamahagi ng lupa at suporta sa mga magsasaka.
***
Ang lupa ay mahalaga para sa mga magsasaka. Ito ang kanilang buhay.
Mula sa kapanganakan at hanggang sa huling hininga, ito ang sumusustento sa kanilang mga batayang pangangailangan. Ngunit gaya ng kasalukuyang sitwasyon ng mga magsasaka sa buong bansa, ang Lupang Ramos ay ipinagkakait sa mga may kakayanang maglinang nito.
The post #LupangRamos | Kalahating siglong laban ng magsasaka para sa lupa appeared first on Manila Today.