Nakapanayam namin si Ka Leo Villanueva, 47 taong gulang, miyembro ng Kalipunan ng Lehitimong Magsasaka at mamamayan sa Lupang Ramos (KASAMA-LR) at tumatayong Tagapangulong ng Katipunan ng mga Magsasaka sa Cavite (KAMAGSASAKA-KA).
Ipinamana na nang kanyang mga ninuno ang pagsasaka sa Lupang Ramos kaya naman isa siya sa mga nangunang magsasaka para ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa at pamamahagi ng lupa para sa mga magsasaka ng Lupang Ramos.
Isinalaysay nya sa amin ang kasaysayan ng lupaing dekada na niyang sinasaka. Mas kilala raw ang lupang na ito sa tawag na “Lupang Kano.” Ang pagkakaalam nila na, ito ay pampublikong lupa noong panahon ng mga Amerikano. Ang kanilang mga ninuno ang nagkaingin, naglinang, naghawan at nagtanim sa lupang ito.
Noong 1965, hindi raw inaasahan ng kanyang mga ninuno at kapwa nitong magsasaka ng biglang lumitaw ang Pamilyang Ramos at sinasabing sakanila raw ang lupain.
“Parang gangster na pumasok dito ang Pamilyang Ramos at biglang inangkin ang aming lupa” ani ni Ka Leo.
Dagdag pa nya, “Ayon sa kanila, ang lupa raw namin ay nabili nya sa Manila Golf and Country Club. Hindi nga namin kilala kung sino itong Ramos na biglang lumitaw na lang.”
Nagtaka raw ang mga magsasaka kung sino itong Ramos na biglang nang-angkin ng kanilang lupa. Nagsagawa sila ng pagsisiyasat tungkol sa Pamilyang Ramos at nagpatanto nila na si Emerito Ramos ay dating Executive Secretary ni Pangulo Diosdado Macapagal.
Nung si Emerito Ramos na ang nagmay-ari ng lupa, ang kanilang mga ninuno ay nagsasaka pa rin ngunit sila ay nagbabayad na ng buwis.
“Ang buwis nila ay hindi pera kundi produkto. Kung palay ang tanim mo, palay ang ibibigay mo… per sako ang ibinibigay depende sa lawak,” kwento ni Ka Leo.
Nalilimita lamang sa palay at mais ang tinatanim ng mga magsasaka ngunit nadagdagan ito ng tubo para maiwas ito sa Presidential Decree 27 na nagsasabing magbibigay ng tunay na reporma sa lupa na programa ng dating pangulong Ferdinand Marcos noong 1972.
Nung nagkaroon na ng pagtatanim ng tubo, naging arawan na ang trabaho ng mga magsasaka, ibig sabihin, arawan na ang kanilang pagtatrabaho at arawan na rin ang pagbibigay ng kanilang sweldo, ngunit nakukuha lang nila ang kanilang sinesweldo kada lingo.
“Sa pagkakaalam ko, dalawang piso lang kada araw ang sinsesweldo ng aming mga magulan,” pag-alala ni Ka Leo.
Napuno ng pag-asa ang mga magsasaka ng Lupang Ramos noong naisabatas ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) noong 1988. Dahil akala ng mga magsasaka ay nabigyan na ng pansin ang tunay na reporma sa lupa sa pamamagitan ng CARP. Nagtatag sila ng samahan noong 1990 na tinawag na Buklod ng Magbubukid sa Lupang Ramos o BUKLOD na binunbuo ng halos limang barangay sa paligid ng lupain para ipaglaban ang pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka ng Lupang Ramos.
Nagpetisyon ang BUKLOD na ipamahagi ang lupa sa mga magsasaka.
“Ang nangyari sa petisyon, pumayag naman ang gobyerno na ito ay ipamahagi sa mga magsasaka dahil ito ay CARP-able, ito ay agrikultural…na kung ipamamahagi ay marami ang makikinabang,” paglalahad ni Ka Leo.
Taong 1992, umapela si Emerito Ramos sa Court of Appeals at sinabing hindi sila pumapayag na ito ay ipamahagi ang dahilan nito ay ang lupain raw ay hindi na pang-agrikultural kundi ito na raw ay indastriyal at komersyal. Humingi siya ng TRO para mapigil ang pag-isyu ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA).
“Noong panahon na ‘yon, ready na ipamahagi ang lupa at mayroon ng CLOA eh,” sabi ni Ka Leo.
Nahirapan na i-release ang CLOA dahil naglabas ang Court of Appeals ng TRO sa pabor kay Emerito Ramos.
Noong 1997, bukod sa ilang taong paghihintay ng mga magsasaka na i-release ng Court of Appeals ang CLOA, isa sa naging problema nila ay ang pamunuan ng BUKLOD ay tinalikuran ang kapwa nito magsasaka at binenta ang laban na nagdulot ng pagkakanya-kanya ng mga magsasaka at pagkasira ng diwa ng sama-samang pagkilos.
Paglipas ng 2011, batay ka Ka Leo na hindi nila matanggap sa kanilang dekadang paglaban ay noong naglabas na ang Supreme Court ng pinal na desisyon na ang lupa ay hindi na kasali sa land reform program.
“Ang ginawa namin nung malaman naming iyon, humingi kami ng kopya ng ordinansa sa munisipyo, kapitolyo, SLURB pero ang binigay samin ay certificate of no records,” tanda niya.
Ito ay patunay na peke ang mga dokumento na pinasa ni Emerito Ramos sa Court of Appeals. Nagsampa ang mga magsasaka ng petisyon sa Department of Agrarian Reform para i-revoke ito na nagresulta na hindi muna pwedeng galawin ng may-ari ng lupa ang lupain hangga’t walang pinal na resulta sa petisyon o “pending case” pa ito.
Pinagpatuloy ng mga magsasaka sa Lupang Ramos ang pagbubungkal at kinasa ang bungkalan ng mga magsasaka na nagsimula noong September 26, 2017 na ang layunin ay mabawi ang 317 ektaryang lupa na hindi napagtagumpayan noong unang pag-okupa. May mga lupain na hindi nabawi na nakuha ng Pamilyang Sapida na ang tantsa ay nakakuha ng higit o kumulang na isang daang ektarya. Ngayon ay sinusubukang bawiin ulit para mapakinabangan ng maraming magsasaka at hindi nang iilan.
Ang mga magsasaka ay nagsimulang maghawan ng mga lupang bakante at mga tubuan na pinabayaan. Tinaniman ito ng mais, kamote at munggo at tuluy-tuloy ang kanilang sama-samang pagbubungkal.
Hanggang pagpasok ng 2018, sinubukan ng bawiin ng mga magsasaka ang lupain sa Pamilyang Sapida.
“Kinausap namin sila na babawiin na ng mga magsasaka ang lupa sapagka’t matagal na silang nagsasaka dyan at kung hindi rin dahil sa mga magsasaka ay hindi sya makakapagsaka dyan, nararapat na kami naman,” kwento ni Ka Leo.
Ang naging kasunduan ng mga magsasaka sa Pamilyang Sapida ay pagtapos nilang anihin ang kanilang pananim ay ibibigay na sa mga magsasaka ang lupa.
“Noong katapusan na ng Mayo, pagtapos namin mag-ani at maglinis ng tubuhan, pumasok itong kabilang grupo na ang sinasabi ay yung lupa ay pinaubaya sa kanila ng Sapida. Sabi namin, teka muna, kahit si Sapida mismo ay hindi sa kanya ang lupa,” ani Ka Leo.
Naging marahas at handang kumitil ng buhay ang kabilang panig. Maraming mga magsasakang lumalaban ang nasaktan at sinubukang takutin sa pamamagitan ng pagputok ng baril malapit sa kanilang kubol na nagdulot ng takot at pangamba sa mga magsasakang umaasa lamang na magkaroon ng laman ang kanilang sikmura.
“Walong buwan na kaming nagsasagawa ng bungkalan dito at wala kaming ibang inasahan kundi yung aming sari-sariling lakas at yung aming sama-samang pagkilos.”
Dagdag pa nya, “Nananawagan kami sa lahat ng kabataan at iba pang sektor ng tuluy-tuloy na suportang moral, ito ang pangunahin naming hiling.”
The post #LupangRamos | Kasaysayan ng paglaban para sa lupa appeared first on Manila Today.