Site icon PinoyAbrod.net

#LupangRamos | Lupa ay buhay

Kamakailan lamang ay umugong ang isyu ng ilang mga magsasaka sa Lupang Ramos, Cavite nang pinasok ang kanilang lupang sakahan ng ilang mga bentador at mga ahente ng lupa at pilit inaagaw sa kanila ang lupang matagal na panahon na nilang sinasaka at tinataniman.

Ika nga nila “ang lupa ay katumbas ng buhay ng mga magsasaka” kung kaya’t ganoon na lamang kung ipaglaban ng mga magsasaka ang kanilang karapatan sa kanilang lupa.

Isa si Angel, 19 na taong gulang, na aktibong sumusuporta sa laban ng mga magsasaka. Buong loob na naniniwala si Angel na bilang bahagi ng LGBT ay hindi nahihiwalay ang laban nila sa laban ng iba pang sektor ng lipunan kagaya na lamang ng mga magsasaka.

Ani Angel, ” Nandito ako para syempre samahan sa laban yung nga magsasaka natin  na patuloy na hinaharas at kinakamkam yung kanilang lupa.”

Si Angel ay volunteer sa Lupang Ramos.

Tinatayang 372 ekatarya ang buong lupang Ramos at ilan sa mga itinatanim rito ay palay, kamote, mais at iba pang sari-saring gulay. Dahil sa mga naitatanim nila ay malaki-laki ang kinikita ng kanilang komunidad kapag ibinebenta nila ito, sapat upang pakainin ang lahat sa kanilang komunidad.

Sistema na ng mga magsasaka ng Lupang Ramos ang pag-aayos, paglilinang at paglilinis ng kanilang lupa bago dumating ang tag-ulan nang sa gayon kapag dumating na ang ulan ay doon nila tataniman ang lupa ng iba’t ibang binhi upang may anihin sila kalaunan.

Ngunit sa kasamaang palad, matapos linangin ng mga magsasaka ang lupang sakahan nila ay bigla na lamang nagdatingan ang mga tinatawag nilang ‘bentador’ at ‘ahente’ ng lupa, mayroon pang kasamang Engineer na si Angelito Tolentino na wari’y naghahanap ng lupa upang may ipakita kay Ayala kapag sila’y nagtagpo. Itong mga bentador ng mga lupa na ito ay walang habas na kinakamkam ang lupa ng mga magsasaka at upang makuha ito sa kanila ay samu’t saring porma ng pandarahas ang kanilang ginagawa sa mga magsasaka ng Lupang Ramos. Silang mga ahente ng lupa ang nagsisipagtanim din ngayon sa Lupang Ramos, imbis na ang mga magsasaka roon na mismong dati nang naglilinang ng kanilang lupa.

Mahalaga kay Angel na mapatupad ang tunay na reporma sa lupa sapagkat isa ito sa magpapalaya sa magsasaka mula sa mga nananamantala sa kanila.

Ayon kay Angel, “June 4 kami dumating, pumunta kami agad dito nung mabalitaan namin yung pamamaril at bilang LGBT ay tumugon agad kami para maipakita namin yung suporta sa mga magsasaka at para lalong lumakas ang loob nila sa paglaban. Nais nating ipakita sa naghaharing uri na hindi tayo susuko”.

Kahit kailan ay hindi nahihiway ang laban ng iba’t ibang sektor ng ating lipunan. Kung kaya’t patuloy na nakikiisa at pinalalakas nila Angel ang panawagang #HandsOffLupangRamos at #StopKillingFarmers.

The post #LupangRamos | Lupa ay buhay appeared first on Manila Today.

Exit mobile version